[Statement] Kung gusto natin ng de-kalidad na edukasyon, pakinggan at bigyang-prayoridad ang mga guro -TDC

Nakapanlulumo ang naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), pandaigdigang pagsusuri sa kakayahan ng mga batang mag-aaral sa Reading Comprehension, Science at Mathematics na sinalihan ng Pilipinas ngayon. Sa 79 na bansang kasali sa pang-78 ang Pilipinas sa Mathematics at Science samantala pang-79 sa Reading. Bagama’t totoong may mga detalye pang hindi maaring makita sa graph (halimbawa ay ang ginamit na wika sa pagsusulit), hindi naman natin dapat ipikit ang ating mga mata sa masakit na katotohanang bumababang lalo ang kalidad ng edukasyon na naibibigay sa ating bansa, lalo na sa batayang pandaigdigan.
Ito’y sa kabila ng napakaraming porgrama at polisiyang ipinatutupad ng ating pamahalaan, partikular ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa mga nakalipas na taon. Lalo na ang K-12 program na layuning ipantay sa pandaigdigang pamantayan ang sistema ng ating edukasyon. Pero bakit ganito ang resulta?
May mga ilan nang nagsabi, nasa guro daw ito. Marahil, isang salik ang guro, pero hindi magiging makatarungan kung sa guro muli babagsak ang sisi.
Ang lagi nating sinasabi mula’t simula, sa lahat ng Pangulo at lahat ng DepEd Secretary, unahin ang mga guro. Sa lahat ng programa ng pamahalaan sa edukasyon dapat laging ibilang o ilagay sa pinakamataas na konsiderasyon ang kalagayan ng mga guro.
Simple lang, gusto natin ng de-kalidad na edukasyon, aba’y dapat na de-kalidad ang ating mga classrooms- hindi mainit at hindi siksikan. Dapat din na de-kalidad ang mga libro- bawat isang bata ay may kopya at walang maling nakasulat sa mga pahina. De-kalidad ang mga pasilidad- may tubig at palikuran, kumpleto ang mga upuan, may faculty room at hindi sa CR. De-kalidad ang mga kagamitan- may smart TV, may library, may internet connectivity. Kung minsan ay wala tayo kahit kuryente.
De-kalidad din ang ayuda sa mga bata at paaralan- may mga non-teaching staff na mamamahala sa mga clerical tasks. May registered guidance counselor na naayon sa batas. May clinic na may gamot at school nurse. Para hindi lahat ng trabaho ay guro ang gagampan.
De-kalidad din sana ang curriculum. May focus sa mahahalagang pagkatuto, hindi congested at nakatuon sa mga bagay na magpapaunlad sa bata hindi lamang bilang isang indibidwal kundi isang mamamayan ng komunidad. Mahigpit sanang nababantayan ang pagkatuto ng mga bata, maipauunawa ang kahalagahan ng pagkatuto. Hindi maaaring pumasa kung hindi natuto o hindi nakakabasa. Natuturuan din sila ng dispilina.
Higit sa lahat, kailangan natin ang de-kalidad na mga guro. Matiyaga, dedikado, mahuhusay na mga guro. Kaya dapat gawing kaakit-akit ang propesyon. Ibigay ang sapat na pasahod at benepisyo. Ipatupad ang mga tadhana ng batas ukol sa karapatan at kagalingan ng mga guro. Magsagawa ng mga polisiya upang matiyak na nakatuon ang mga guro sa pinakamahalaga nilang gawain- ang magturo. Ipatigil ang mga non-academic at clerical tasks na kung minsan ay mas marami pang oras ang ginugugol ng teacher. Ibigay ang kanyang oras sa pagpapahusay ng kanyang pagtuturo. Maglaan ng badyet para sa mga epektibong pagsasanay na ang mga guro at hindi ang mga opisyal ang dumadalo. Gawing rasyunal at kontekstuwal ang pagpapatupad ng disiplina sa loob ng klasrum upang hindi si Tulfo ang maging lunsaran at hukuman ng mga reklamo.
Iparamdan sa ating mga guro ang pagkalinga ng lipunan, tulungan silang umunlad sa kanilang piniling propesyon kasabay nang pagtitiyak nang pag-unlad rin sa kanilang kalagayang sosyo-ekonomiko.
Sa huli, nasa apat na reporma ang nais naming itulak:
Curriculum- Magkaroon ng review sa kasalukuyang curriculum at magbigay ng focus sa mga mahahalagang kasanayan- reading, Mathematics, science, critical thinking, life-long skills, civic education. Pagtuunuan din ang polisiyang pangwika na ginagamit sa kasalukuyan.
Classroom- Tiyakin ang mga pasilidad at learning materials sa classroom at paaralan mula water and sanitation facilities, sports and recreation, library and technology-based learning resources. Matiyak rin lamang sa una na ang classroom ay ligtas at maaliwalas para sa mga guro at bata.
Support- Tiyakin na ang mga guro ay natuon sa pagtuturo at ang mga non-teaching related tasks at iba pang mga clerical tasks ay ginagawa ng ibang personnel. Mag-hire din ng mga SPED teachers, registered guidance counselors at school nurses.
Teachers- Bigyan ng sapat na sahod at benepisyo ang mga guro at ipatupad ang mga probisyon ng Magna Carta for for Public School Teachers (RA 4670). Bigyan sila ng ayuda sa kanilang gawaing propesyunal halimbawa ay patas na merit and promotion system, mga totoong pagsasanay, research assistance, privilege leave benefits legal assistance at iba pa.
Nananatili ang aming paniniwala na anumang polisiya ang gawin ng gobyerno hinggil sa edukasyon, dapat unang konsultahin ang mga guro. Sapagkat sila ang tunay na eksperto sa larangang ito at nakauunawa sa kalagayan ng klasrum at mga bata. At sa anumang ipatutupad na reporma, dapat bigyang-prayoridad ang mga guro. Mabibigo ang lahat ng programa sa sektor kung hindi nito isasaalang-alang ang kondisyong sosyo-ekonomiko ng ating mga guro.
Hinahamon namin ang liderato ng DepEd sa mga panukalang ito. Masasayang ang paglahok ng Pilipinas sa PISA sa ilalim ni Kalihim Leonor Briones kung mananatiling pipikitan ang mga batayang usaping ito. Ang edukasyon sa Pilipinas ay hindi dapat gawing laro ng mga ‘eksperto’ na paboritong gawing paksa ng kanilang research ang mga guro at bata kung hindi man kopyahin ang mga polisiya sa ibang mga bansa.
Reference:
Benjo Basas, TDC Chair, 0927-3356375
TEACHERS’ DIGNITY COALITION (TDC)
Telephone No: (02) 6920-296/ 0917-1138336
4443 BCL Homes, Independence St., Gen.T. De Leon, Valenzuela City
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.