[Right-Up] Hindi guro ang kontrabida sa kwentong kubeta -ni Jenny Linares

Sa mga kalihim ng gabinete ni Duterte, si DepEd Secretary Tililing este Liling Briones ay pangalawa sa pinakamataas ang sweldo. Umaabot sa mahigit Php 329, 000 kada buwan. Ano ang karapatan ng isang kalihim na sumusweldo ng ganito kalaki na pagsalitaan ang mga guro-manggagawa na “huwag kayong puro pera!” Nakikilala ba niya ang mga gurong iniinsulto niya, o sadyang hindi niya alam na ang guro sa Pilipinas ay mas madalas na walang pera? Ito ba ang pamunuang kailangan natin?
Ang kailangan sana ng bayan ay mga tunay na nagseserbisyo para sa bayan–sa pamamagitan ng mahusay na paglilingkod sa kanilang pinamumunuan. Subalit katulad ng mga namuno at namumuno sa ChEd, kabaliktaran si Briones ng ating kailangan. Mababa ang pagtingin niya sa pinamumunuang opisina, hindi niya naiintindihan ang suliranin ng mga guro. Para sa kanya, drama lamang ang mga tunay na karanasan ng mga guro sa araw-araw. Para sa kanya, katulad ng ChEd na pumapatay sa sariling wika, katanggap-tanggap at dapat lunukin ang sistemang pang-edukasyon na sobrang neoliberal. Halos gawing alipin ang kabataan. Halos patayin ang identidad, makasabay lamang sa anti-Filipinong sistema. Para sa kanya, hindi mahalaga na mababa ang sweldo ng mayorya sa ating mga guro at hirap ang kalagayan sa labis na trabaho, paano nga naman siya maaapektuhan nito gayong napakalaki ng kanyang sweldo? Para sa kanya, drama lamang ang mga tunay na karaingan ng mga guro at alam nating marami pang problema bago pa man bumulwak ang mabahong eskandalo ng paggamit sa kubeta bilang faculty room. Tayo ang nakakaalam ng hirap ng kapwa mga guro. Tayong mga nagugutom ngunit di pinapahalata. Tayong mga abonado upang mapunuan ang mga kailangan sa paaralan. Tayong naranasang humawak ng mahigit limampung mag-aaral sa isang klase, at maglakad sa makitid na espasyo sa siksikang klasrum. Tayong palaging nag-aadjust dahil kulang ang libro, ang teachers’ guide, iba pang materyales, at pasilidad sa eskwela. Itong pagpapakadakila ng mga guro sa Bacoor ang nagtulak sa kanila na sa klasrum magfaculty room, at hindi lamang sila ang gumagawa nito sa buong bansa, sapagkat hindi nga ba parating ang una para sa mga guro ay ang espasyo at kapakanan ng mga mag-aaral? Prayoridad ang bata, ngunit dapat sana’y hindi pinababayaang makahayop ang kalagayan ng mga guro!
Paanong nagagawa ng ilang sektor ng lipunang ito na ang sisihin pa at gawing kontrabida sa sitwasyong nalantad ngayon ay ang mga guro? Sa lipunang ito, sadya bang ang masasama at kalaban ay ang mga manggagawa, ang mga magsasaka, ang mga guro?
Ang sabi ng punong guro ng Bacoor National High School ipinahiya ni Maricel Herrera ang DepEd. Ganitong-ganito ang tono ng diskurso sa lipunang ito na nagtatakip sa mga mali at pagkukulang ng mga lider: “Huwag kang aalma!Magtiis kayo sa hirap! Huwag sisihin ang namamahala! Manatili kayong bingi, pipi, bulag!” Hindi ba’t ang tunay na kahiya-hiya ay ang mga opisyal ng DepEd at iba pang ahensya ng gobyerno na ganito ang utak, na sa halip na makinig, magmalasakit, tumugon sa problema ay pinasasama pa ang mga biktimang sila mismo ang may responsibilidad at pagkukulang. Hindi naman raw mandato ng DepEd na bigyan ng faculty room ang mga guro dahil sila ay “dapat na magturo at hindi magpahinga sa faculty room”. Ano daw? Hindi na talaga tao ang turing sa mga guro kundi mga robot! Nabubuhay tayo sa lipunang hindi makatao, lipunan na ang sinusunod na mga patakaran ay puro pasakit at pahirap.
Sa ating mga naranasan ang magturo, alam natin na halos walang oras ng pahinga kahit may faculty room pa. Maraming gawain na kailangang gawin sa oras na hindi nagtuturo ang mga guro, mga kailangang ihanda, mga kailangang tsekan, mga bagay na mahirap iuwi sa bahay. Para sa DepEd Secretary na ito, drama lamang ang realidad na maraming guro sa bansa ang nagtsetsek ng papel sa kubeta. Kasing baho ng kubeta ang pagtrato ng lipunang ito sa mga guro.
Saludo sa paninindigan ni Maricel Herrera, na nagsiwalat ng bahong matagal nang kinikimkim ng marami. Dapat lahat ng guro ay maging tulad niya, upang umalingasaw ang katotohanan at mapanindigan ng mga guro ang mga karapatang dapat lamang para sa kanila. Hanggang hindi naisasaayos ang kalagayan ng mga guro at ng mga paaralan, hindi pwedeng mangarap na lumipad sa kalawakan ang gobyernong ito. Mananatiling mahina ang kalidad ng edukasyon sa bansa habang nananatili ang sistema ng pang-aabuso sa mga guro. Ang lipunang hindi kayang tratuhin nang tama ang mga guro ng bayan ay hindi kailanman matuturuan nang tama ang kanyang mga kabataan. Sabagay, ayaw nga naman kasi ng administrasyong ito ang matuto pa ang susunod na henerasyon. Walang wika, walang sariling pag-iisip, walang tunay na pagkatuto at walang kaakuhan. Ito lamang ang mga kailangan nila tungo sa pagbuwag ng bayan at pagkamakabayan.
Sa lipunan natin ngayon, alalahanin natin na hindi ang mga guro-manggagawa ang kalaban, kung hindi yaong mga patuloy na pumapatay sa pagkakakilanlan at pagkatuto ng bayan.
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.