[Statement] Proseso Hindi Abuso! Huwag nang Dagdagan ang 1000 Biktima ng Pagpatay! -iDEFEND

Proseso Hindi Abuso! Huwag nang Dagdagan ang 1000 Biktima ng Pagpatay!

Photo by PhilRights

Photo by PhilRights

1000 na ang naging biktima ng pamamaslang dulot ng marahas at di katangap-tangap na pamamaraan ng pagtugon sa krsis sa droga sa loob ng 95 araw mula Mayo 10 hanggang Agosto 12, 2016 (ABS-CBN data). Sa araw na ito, ipinagluluksa ng iDEFEND ang patuloy na pagyurak sa Karapatang Mabuhay.

Ayon kay PNP Director General Dela Rosa ay “bumaba ng 49% ang crime rate sa Pilipinas dahil sa kampaniya laban sa droga.”  Nakabilang kaya sa tala ng PNP ang malaking bilang ng mga krimeng pagpatay ng mga vigilante, hindi kilalalang tao, o mismong ang mga alagad ng batas?

Ang pamamaslang ng mga drug dependents at mga nasa pinaka-ibaba ng industriya ng droga ay isang artipisyal na pagtugon sa isang suliranin na may mas malalim na ugat. Hangga’t walang lunas sa kahirapan, kahit maubos ang lahat ng lulong sa droga, may malaki pa ring bulto ng lipunan na bulnerable at madaling matulak sa buhay-krimen at pag-abuso ng droga. Kung ngayon pa lang, wala nang halaga ang buhay ng kapus-palad, paano pa kaya ang pagbigay ng pangunahing serbisyo sa kanila upang maigpawan ang kahirapan?

Malinaw na ang kawalan ng tugon sa kahirapan ang siyang lumikha ng malalaking suliraning panlipunan kasama na ang laganap na krimen at pagkalulong sa droga. May direktang kaugnayan ang pagbaba ng krimen at pag-abuso sa droga sa pagtaas ng antas ng pamumuhay. 30 taon makalipas ang EDSA ay patuloy at paulit-ulit na pinabayaan ng mga nakaraang adminstrasyon ang higit na nakararaming Pilipino na lugmok sa kahirapan. Silang pinakabulnerable sa pagkalulong sa droga ay nagsilbing merkado at mga pangunahing biktima ng mga drug lord at protector na may kaya at nasa puwesto ng pamahalaan.

Mahalaga ang pagtugon sa kahirapan bilang pangunahing dahilan ng mga suliraning ito, sa pamamagitan ng pagtitiyak  ng mga pangunahing serbisyong panlipunan at oportunidad. Inihahain din ng iDEFEND sa administrasyong Duterte ang isang 10-point program para sa makatao at epektibong pamamaraan bilang pamalit sa kasalukuyang pamamaraan ng pagtugon sa malawakang industriya at pagkalulong sa droga.

1.      Itigil ngayon din ang mga pagpatay sa mga suspected criminals and drug related offenders.

2.      Mahigpit na ipagbawal sa mga LGU executives and law enforcement units ang paggamit ng torture at hindi makataong pamamaraan sa pagsugpo sa krimen at droga.

3.      Pataasin ang antas ng kamalayan sa karapatang pantao at respeto sa pagsunod sa proseso ng mga batas sa PNP, PDEA, NBI at iba pang law enforcement agencies at alisin at panagutin ang mga may kinalaman sa korapsyon at organisadong mga krimen.

4.      Irebyu at magsagawa ng mga karampatang reporma sa sistema ng hustisya at alisin at panagutin ang korapsyon sa hanay ng mga prosecutor, mga korte, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Correction upang maging mabilis at episyente ang Sistema ng hustisya.

5.      Magtayo ng mga accessible at mabilis na mga mekanismo sa pagresponde sa mga reklamo ukol sa korapsyon, krimen, paglabag sa proseso ng batas kasama na ang extra judicial killings, at iba pang mga matinding pag-abuso sa karapatang pantao.

6.      Irebyu at baguhin ang batas at polisiya tungkol sa problema sa droga kasama na ang pag-amyenda sa Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165). Tiyakin na ang programang rehabilitasyon ay epektibo at libre, lalo na para sa mga mahihirap na drug dependents.

7.      Mamuhunan sa pagtitiyak ng buhay na may dignidad para sa lahat.

8.      Wakasan ang sistemang nagiging daan sa korapsyon at kahirapan.

9.      Itigil ang lahat ng aksyon patungo sa pagpataw ng Death Penalty and pagbababa sa edad ng criminal responsibility ng mga kabataan.

10.   Imbestigahan at panagutin ang mga awtoridad na responsable sa mga paglabag sa karapatang pantao sa implementasyon ng kampanya laban sa droga at kriminalidad. Nararapat na bigyan ng tamang hustisya ang mga naging biktima at pamilya ng mga pinatay, tinorture, at mga naging biktima ng sexual harassment

Iginiit ni PDG Bato sa kaniyang ika-12 ng Agosto na talumpati sa CDO na “Hindi ititigil ang kampanya ng pagpatay laban sa droga hangga’t ito ay naayon sa pagsunod at respeto sa batas at karapatang pantao.” Ito ay malaking kontradiksyon. Mahalaga ang paglantad na isa itong panlilinlang at na walang ginagawa ang pamahalaang Duterte upang pigilan ang pagsawalang bahala sa due process o agarang pagpatay ng mga akusado pa lamang. Malinaw na patuloy at talamak pa rin ang paglabag sa batas ng kapulisan. Dahil wala ding mga salitang pagbabanta laban sa mga vigilante si Pres. Duterte, nangangahulugang sinasangayunan niya rin ang ganitong uri ng paglabag sa batas. Ang lahat ng ito ay malinaw na patuloy at talamak na paglabag at kawalan ng paggalang sa karapatang pantao lalung-lalu na sa karapatan sa buhay. Hindi magtatapos sa 1000 ang bilang ng mga biktima—asahan pa lalo ang pagdami nito!

Mariin na pinapaalala ng iDEFEND na pangunahing obligasyon ng pamaalaan ay hindi gawing manhid ang awtoridad,  kapulisan, at mamamayan sa karapatang mabuhay bagkus ipatamo sa kaisipan at kilos ang pagrespeto at pagtanggol sa lahat ng karapatan para sa lahat. Ang EJK sa panahon ng Martial Law ay EJK pa rin kahit sa pamumuno ni Presidente Duterte at PNP Chief “Bato”.

Ang karapatan sa buhay ay taglay at hindi maaaring tuligsain ng sinuman. Ito ay ang pangunahin sa lahat ng karapatang pantao at pinagmumulan ng lahat ng iba pang karapatan. Ang pamamaslang o pagkait sa karapatan sa buhay ay hindi maaaring gawing dahilan para sa ikaaabot ng anumang hangarin. Ang kaniyang pagkasagrado at proteksyon ay siyang pangunahing dahilan ng ating pagbibigay-tiwala sa gubyerno. Kapag mismong ang gubyerno na mismo ang lumalapastangan sa karapatang ito, sino pa ang magtatanggol sa mamamayan?

Mariin na ipinananawagan ng iDEFEND na itigil ang pamamaslang at palitan ang marahas na pamamaraan kontra-droga!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s