Sa ika-150 taon ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio: MAY PAG-ASA Laban sa Inutil na Pangulo at Palpak na Elitistang Gobyerno

MAYPAG-ASA. Ito ang alyas o koda noon ni Andres Bonifacio, supremo ng Katipunan at lider manggagawang namuno sa laban ng bayan sa kolonyalismong Espanyol.

bmplogo

Isa’t kalahating siglo na mula nang isilang si “Maypag-asa” – ang dapat tanghaling unang pangulo ng republika ng Pilipinas. Ngunit napapanahon pa ring tanungin ng bawat Pilipino: “May pag-asa pa ba ang ating Inang Bayan”?

Makabuluhan ang tanong na ito laluna sa panahong tayo ay humaharap sa kaliwa’t kanang mga
pagsubok bunga ng kalamidad at mga kontrobersyang pampulitika. Laluna sa yugtong ito na tila
nalulukuban ang buong bansa ng kawalang pag-asa.

Tahasan nating idinedeklara: “May pag-asa pa!” Subalit hindi ito grasyang magmumula “sa itaas”.
Hindi ito manggagaling sa mga elitistang may-kontrol sa ating ekonomiya’t pulitika. Hindi magsisimula sa matataas na mga opisyal ng gobyerno na sinasamantala ang mismong kahirapan at pagdarahop ng masang Pilipino.

Ang gobyernong Aquino ay para sa malalaking kapitalista. Sa nakaraang SONA, ipinagmalaki ni Noynoy ang “inclusive growth”. Aniya ang nais raw ng rehimen ay pag-unlad na para sa lahat ng Pilipino. Subalit sino lamang ang nakinabang sa ipinagmamalaking GNP/GDP growth? Ang pinakamayamang 40 pamilya na lumago ang yaman ng 37.9% noong 2011.

Ang gobyernong Aquino ay para sa political dynasty. Ang mismong pangulo ay nagmula sa pampulitikang angkan. Ito ang mga pamilyang nagpapasasa sa kaban ng bayan at hindi inuuna ang kapakanan ng nakararami at ang totoong pambansang pag-unlad. Hanggang ngayon, hindi pa rin naisasabatas ang enabling law sa Konstitusyonal na probisyon laban sa mga political dynasty.
Ang gobyernong Aquino ay para sa pork barrel. Naluklok sa poder si Noynoy at partido Liberal sa islogang “kung walang korap, walang mahirap” at “daang matuwid”. Pero hindi niya tinanggal (bagkus ay dinoble pa nga!) ang PDAF ng mambabatas na matagal nang pinupuna bilang isa sa mga mekanismo ng korapsyon sa bansa. Bukod sa PDAF, mayroong P1.3 Trilyon na presidential pork na ginagamit – hindi sa lahatang-panig na pag-unlad – kundi sa pagpapanatili ng “utang
na loob” ng mga lokal na opisyal at kanilang mga botante.

AT HIGIT SA LAHAT, ang gobyernong Aquino ay palpak sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad. Ang sunodsunod na kalamidad sa Visayas – mula sa lindol hanggang sa kamakailan lang na bagyong Yolanda – ang nagbulgar sa kapalpakan ng elitistang paghahari. Lumipas muna ang isang linggo bago opisyal na nasimulan ang pag-ayuda ng gobyerno sa Leyte’t Samar, partikular sa Tacloban. Ito ang INUTIL na administrasyong mas inuuna ang imahe bago ang pagtulong sa taumbayan. Hanggang ngayon, maraming lugar pa rin ang hindi nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Kung wala sa inutil na pangulo at elitistang gobyerno, nasaan matatagpuan ang pag-asa ng bayan? Nasa taumbayan mismo. Nasa ating sama-samang pagkilos. Nasa ating kapatiran at pagdadamayan. Nasa ating pagkakaisa’t paglaban.

Makikita ito sa pagtulong ng milyon-milyong ordinaryong mamamayang hindi na naghintay sa anumang anunsyo ng gobyerno ngunit agad na tumulong sa mga nasalanta ng nakaraang mga sakuna.

Mas pa, sapagkat ang sama-samang pagkilos “mula sa ibaba” ay nagkamit, kamakailan lang, ng sumusunod na mga tagumpay:
Una, ang pagdeklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang PDAF ng mga mambabatas at iligal ang lumpsum appropriation sa pondo ng gobyerno at absolutong kontrol ng Malakanyang sa paggamit nito ng Malampaya fund (na dapat ay inilalaan sa paglikha ng enerhiya at elektripikasyon ng bansa). Hindi pa nagtatapos ang laban. Tinanggal lamang ang “pork barrel” ng mga mambabatas ngunit nananatili ng presidential pork. Hindi pa rin nailalagay ang partisipasyon ng taumbayan sa pagbabadyet ng gobyerno. Ganunpaman, makasaysayan ang naging hatol ng Korte. Maari na itong gawing batayan sa lahat ng susunod na kaso tungkol sa kabuuang “pork barrel”. Ito ang bunga ng tuloy-tuloy na pagkilos ng taumbayan na nasimulan sa Million People March sa Luneta noong Agosto 26.

Ikalawa, ang pagbabalik sa mga tinanggal bilang regular ng mga empleyado ng Philippine Airlines, sa pamumuno ng PALEA. Palagiang kinampihan ng gobyerno – mula sa Malakanyang hanggang sa Court of Appeals – ang outsourcing ni Lucio Tan para mapalitan ng mga kaswal ang mga regular at durugin ang unyong PALEA. Sa loob ng dalawang taon, lumaban ang unyon – sa tulong at suporta ng kilusang mamamayan at kilusang paggawa. Nang ibenta ang PAL sa San Miguel group, unang pumostura laban sa reinstatement ang bagong management. Subalit hindi natinag ang unyon bagamat umabot na ng dalawang taon mula nang i-lockout ni Lucio Tan ang PAL. Noong Nobyembre 16, dahil sa pangangailangan din ng PAL ng mga manggagawang mas may kasanayan sa trabaho, pumayag ang bagong may-ari na bumalik bilang regular ang mga kasapi ng PALEA.

Mga kababayan! May pag-asa pa. Ang ating katubusan ay nasa ating mga kamay. Sa sama-samang pagkilos, naging iligal ang PDAF at nakabalik ang PALEA. Sa pagkakaisa’t pakikibaka, may lakas at tagumpay ang mamamayang Pilipino.

Mga kamanggagawa! Si Gat Andres ay manggagawa. Gaya rin nating sahurang alipin. Subalit pinangibabawan niya ang kahirapan. Nagkusang mag-aral at magtiyaga. Inisip ang kapakanan ng buong bayan, hindi lang ng sarili o sariling pamilya. Hanggang sa naging lider ng bayan. Sa okasyong ito ng ika-150 taon ng kapanganakan ni Bonifacio, tanggapin natin ang tungkuling pangunahan ang laban ng bayan sa elitista’t trapong paghahari. Higit sa anumang sektor sa lipunan, ang nagkakaisang pagkilos ng manggagawa, ng milyon-milyong walang pag-aari kundi ang kanilang lakas,
talino at oras – ang siyang tunay na pag-asa ng bayan. Palpak na gobyerno, inutil na pangulo, itakwil!

BMP–PLM–SANLAKAS
Nobyembre 30, 2013

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading