[Press Release] Balakid si Corona sa pagpaparusa kay GMA, ayon sa magsasaka – Kasama-TK

Balakid si Corona sa pagpaparusa kay GMA, ayon sa magsasaka
Impeachment ni Corona, suportado ng mga militanteng grupo

 Lumahok ang mga lider-magsasaka ng grupong Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) sa rali ng iba’t-ibang progresibong grupo sa harapan ng Senado para suportahan ang impeachment proceeding na magaganap laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Ayon sa grupo, “bukod-tanging balakid” si Corona sa pagpaparusa at pagpapakulong sa nagdaang gobyernong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), “kinakailangang managot ni GMA sa krimen nito sa mamamayan at ang Korte Suprema mismo ang nagiging tagapagtanggol niya para makaiwas sa mga pananagutan,” banggit ng grupo sa kanilang pahayag.

Si Corona ay pinaniniwalaang kabilang sa mga tinaguriang midnight appointee ng dating pangulong GMA at diumano’y iniluklok sa pwesto upang tiyakin na may maiiwang kontrol si GMA sa hudikatura kahit wala na siya sa Malakanyang.

Noong nakaraang taon naglabas ng mga pabor na desisyon para kay GMA ang Supreme Court kaugnay sa kasong electoral fraud kung kaya nanatiling nakakaiwas ang una sa tiyak na pagkakabilanggo.

“Ang mamamayang Pilipino ang pangunahing may interes na papanagutin at makulong si GMA dahil sa sangkaterbang krimen sa bayan ang kinasangkutan ng gobyernong GMA na nagpahirap lalo na sa aming mga maralita sa kanayunan,” ayon kay Pedro “Tata Pido” Gonzales, lider mula sa Timog Katagalugan.

Sa pahayag ng grupo, umabot sa halos 400-libong ektaryang lupain ang nasangkot sa pangangamkam at ilegal na conversion sa panahon ni GMA at may 156-libong mamamayan ang pinangangambahang mapalayas sa mga lupang-sakahan hanggang sa kasalukuyan.

Magkagayunman, nilinaw pa rin ng grupo na hindi nila suportado ang kasalukuyang pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.

“Alam naming maniobra lamang ng hasyenderong si Aquino ang pagpapatalsik kay Corona at pabalat-bunga ang dahilang sagabal ang Korte Suprema sa paglilitis kay GMA,” dagdag ni Gonzales.

“Ang ultimong layunin ni Aquino ay makuha ang kontrol sa Korte Suprema upang ikambyo ang mga desisyon ng hudikatura na taliwas sa kanyang interes, lalo na ang desisyong ipamahagi ang pag-aari niyang Hacienda Luisita sa mga benepisyaryo nito,” pagpapalawig pa ng pahayag ng Kasama TK.

Diumano, ayon sa grupo, ay hindi naman seryoso si Aquino na ipakulong si GMA bagkus ay naglalaro lamang ang Malakanyang sa maraming posibilidad pa ng political accomodation sa nagdaang gobyerno.

Inianunsyo rin ng Kasama-TK na sunud-sunod ang kanilang kilos-protesta para ipanawagang i-impeach si Corona, papanagutin at ipakulong si GMA, at ilantad ang katangian ni Aquino na walang pinagkaiba sa pinalitan nitong gobyerno.

Bago matapos ang linggo, nagpaplano ang grupo na mag-rali sa harapan ng Korte Suprema at Mendiola.

 

Press Release: January 16, 2012

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.