INDIGENOUS WOMEN ON PNOY’S SONA

TERESA, Sambal, 40 years old (Cabangan, Zambales)

Nakakainsulto na nagpapalakpakan sila dun sa kongreso para sa CCT/PPPP, samantalang kami na pinakamahirap sa mahihirap, ni hindi naabutan nito. (Conditional Cash Transfer/Pangtawid Programa para sa Pamilya Pilipino)

Wala man lang pagbanggit kahit isa sa mga indigenous peoples; wala man lang pagbanggit sa mga karahasan na nararanasan ng mga katutubo, lalo pa’t katutubong kababaihan.

Walang pagbanggit sa pagprotekta sa kalikasan.

Walang pagbanggit sa MINING, samantalang ito ang isa sa mga sumisira sa aming kalikasan, sa aming kabuhayan.

Jennifer, Manobo, 30 years old (Cantilan, Surigao del Sur) – Binoto ko sya, umasa ako. Pero di ko naramdaman ang pagbabago. Nasan ang pagbabago? Araw araw pa rin naming nararamdaman ang diskriminasyon bilang babaeng katutubo; ni hindi kami makapag-rent ng apartment sa syudad pagka nalamang kami ay Manobo. Hirap kaming makapasok sa mga paaralan.

Sobrang nakakalugkot, dahil umasa ako sa kanya, at sa kanyang pangakong pagbabago.  Pero maski pala sa SONA nya, may diskriminasyon. Ni hindi man lang nya kami nabanggit, wala talaga sa isip nya ang kahit anong patungkol sa amin tulad ng usaping lupa.

LETICIA, Aeta, 50 years old (Botolan, Zambales) – Ni hindi man lang nya kami nabanggit, kaming katutubo. ANG PILIPINAS AY

SA AKIN, SA ATIN. ALAM BA NYA ITO? Pinagmamalaki nya ang isang daan na pinagawa nya sa Laguna. Pilipinas na ba ang Laguna? Dapat lawakan naman  nya ang pagtingin nya.

Kaming mga Aeta, nang pumutok ang Mt. Pinatubo, kami ay napilitang lumikas sa ibang lugar. Ayaw ko nang mangyari ito sa iba pang lugar, napakahirap. Kaya sana, piliin ni Pnoy ang mga proyekto nya, na dapat ay di nakakasir a sa kalikasan, at nakakaapekto sa mga katutubo.  Magkaisa tayong hadlangan ang pagpahintulot ng mga mapanirang proyekto.

Alma, 25 years old, Mamanwa, Cortes, Surigao del Sur

(In Bisaya) Hindi man ako nakapag-aral, at kahit tagalog man ang salita nya, naintindihan ko na wala kami sa SONA nya. Ang narinig ko ay ang mga malalapit sa kusina, at sa bulsa nya ang malapit sa puso nya at sila  lang ang kaniyang natutulungan.  Sa lahat ng mahihirap, ang mga tribo ang pinaka mahirap. At sa lahat ng mga tribo, ang mga Mamanwa ang pinaka mahirap. Kami sana ang masama sa mga programa ni Pnoy. Pero maski sa 4P’s o CCT, dagdag na pahirap sa amin, dahil sa hirap ng pagkuha, mabagal, at di regular.

Sa lugar namin, madami ang gustong pumasok na mga mining companies. Pero kahit mahirap kami, hindi kami papayag na papasok ang mga companya sa amin, dahil masira ang aming bundok, masira ang aming koprahan, at ito lamang ang aming pinagkukunan ng kabuhayan.

At sana, marinig at makita kami ni Pnoy, kaming mga tribong Mamanwa, na naghihirap, at kami’y kanyang matulungan.


Nanay REMEDIOS, 77 years old, Buki-non/Negros Oriental – Huwag tayong umiyak! Nasa atin ang lakas! Tayo ang gumawa ng pagbabago. Pag-isipan natin kung pano natin isusulong ang pagbabago!


Conchita, 44 years old, Alangan- Mangyan/Naujan, Mindoro Oriental tumigil na daw ang paggamit ng wangwang sa lahat ng ahensya. Pero tayong mga katutubong kababaihan, kailangan natin ng malaking WANG-WANG! Para marinig nya tayo at malaman nya ang tunay na kalagayan nating mga kababaihan!

(from the State of the Indigenous Peoples’ Address  July 23-28, 2011 / Marbel, South Cotabato)

Quotes compiled and photos by:

Judy a. pasimio / LRC-KsK

judy.pasimio@lrcksk.org

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading