April 24, 2011

Umaga ng April 22, 2011, naalala ko pa Dr. Love. Pagkagising ko dumiretso ako sa CR, kinuha ang YOUtube ng toothpaste at aking sipilyo, tumingin ako sa salamin at nasabi ko sa sarili “Aba pang- FACEBOOK ang mukha ko ngayon a!”.
Naka-HAPPY face 🙂 ang araw sa labas habang nakikisama pa pati ang mga NETWORK ng mga ibon na nagtu- TWITTER , hindi kaya mating season? Na-SEARCH ko sa sarili. A TAG-araw na kasi.
Tapos habang nagtitimpla ng kape ay napa-YAHOO ako nang ma-DIGGS kong “Oo nga pala! Isang buwan na po sa online ang HRonlinePH! Aba Monthsary!” Umabot po ang HITS natin ng 4,500 nitong ika-isang buwan natin ng nakaraang April 22. Madami na rin po ang nag-BLOG-surf at nag-VISIT sa atin.
Kaya napangiti ako at parang GOOGLE lang na nakikipag-CHAT sa sarili. Na-LINK ko na ang dahilan, Kaya pala pakiramdam ko na on the blogSPOT ako that morning at no
WORDpresS can describe the feelings ay monthsary pala natin. Ang drama L.O.L!
Para nga akong baliw nung araw na iyon Dr. Love. Habang hinahalo ko ang kape asukal at tubig sa TUMBLR ay naka-SMILEY 🙂 ako. Sana mag-MULTIPLY pa ang mga good COMMENTS at nagpa-FOLLOW sa ‘tin online. Marami pa sanang ma-STUMBLE UPON na FRIENDSTERS.
Kaya Sunday nanaman, Easter, kaya isi-SHARE ng inyong Mokong na lingkod ang ilang mga kalokohang naiisip ko. Wala kayong choice, kaya sana LIKE nyo!

Para kanino ka bumabangon? The survey
Isang malawakang survey ang pinambuwiset natin sa umaga ng Easter ng ilang sikat na personalidad. Nagpanggap po ang inyong Mokong and the Gang na taga SWS. Hiniram natin ang isang sikat na tag-line ng commercial ng isang sikat na kape at itinanong natin sa kanila “Para kanino ka bumabangon?”
Heto po ang kanilang mga sagot…
PNoy: (Habang palabas ng kanyang Porsche, dito kasi siya natutulog) Ako bumabangon ako para…
1. Para Labanan ang kahirapan at kurapsiyon. Kung walang kurap, walang mahirap!
2. Para sa matuwid na daan. (kaya pala mahilig kasi siya sa kotse.)
3.Para sa Responsible Parenting Bill (O ha, o ha! Tinanong po natin kung OK lang sa kanyang ilabas natin ang sagot niyang ito, Ok lang daw hindi naman siya takot sa excommunication)
Mar: (Habang nakahiga sa kama sa tabi ni Corina) Bumabangon ako para sa
1. Country above SELF (parang ‘di maka-move on)
2. Palengke (naalala ko pa to a.)
3. Sunod na eleksiyon
Merci: (Nagulat nang mamulatang nasa tabi niya tayo habang pabangon sa pagkakatulog sa ibabaw ng mga papeles niya sa opisina) Ako bumabangon para sa
1. Mga kasong nakasampa sa opisina ko. Para naman mahigaan ko ulit at the end of the day. Paano ako makakahiga ulit kung hindi ako babangon? (ang talino, logical)
2. Plea Bargain Agreement. Pag dating diyan mahirap ang tutulog-tulog. (Sure na sure a!)
3. Babangon ako pero hindi ako bababa sa pwesto! Make that clear! (ang labo!)
Mr. and Mrs. Ligot: (Naabutan naming hindi pala napagkakatulog ang mag-asawa) kami bumabangon kami para sa
1. I invoke my right against self incrimination. Me too. (Sagot ng dalawa nang walang kagatol-gatol)
2. I invoke my right against self incrimination. Me too. (Sagot ulit nang walang kagatol-gatol)
3. I invoke my right against self incrimination. Me too. (Ang kulit niyo a! Kaya pala hindi makatulog kinakabisado niyo ‘yan gabi-gabi.)

File photo by afterlives.blogspot.com
Ferdi: (Sumagot nang hindi tumayo at dumilat ang mga mata, niye!) Ako bumabangon para…
1. sa libingan ng mga bayani. Ayaw ako dalhin don, ako na mismo ang pupunta don. (Determinasyon)
2. para maka-attend sa unveiling ng Hall of Heroes ng AFP. (Honorable)
3. Sa mga avid supporters ko sa Congress. After this I’ll share my ill gotten blessings with all of you. (Thankful! Ang sabi pa niya hindi niya mumultuhin ang mga kumukontra kasi naman mas marami ang sumusuporta. Isa pa pinatawad na niya ang bayan sa pagpapabagsak sa kanya. ‘Yan ang bayani! )
Erap: (Habang nasa kama sa tabi ng hindi na pinayagang banggitin pa ang pangalan at address ng tirahan) Ako bumabangon para sa
1. Mahihirap. Erap para sa mahirap. (Consistent)
2. Sa mga mahal ko sa buhay. Ang dami nila kaya ako nagkaproblema sa tuhod kababangon ng kababangon para sa kanila.
3. Sa mga kaibigan, kapatid at mga kamag-anak. Pwede naman ngayon yun di ba? Di pa naman eleksiyon.
GMA: (Habang bumabangon mula sa pagkakahiga sa kama na puno ng pera) Ako bumabangon no para sa
1. Mga taga Pampangga no.
2. Sa pagsalag sa mga kaso ko no.
3. Saka na ako babangon para sa ating bansa pag Prime Minister na ko no.
Mikee: (Habang bumabangon mula sa garahe, dito daw siya natutulog. Ows?) Ako bumabangon para sa
1. Sa mga tricycle drivers at mga security guards
2. Sa aking milyones, kinita ko ‘yan sa pagdadrive ng tricycle, di niyo lang alam dahil sinikreto ko.
3. Sa pagsalag sa tax evasion case. ‘yan nalaman niyo na sikreto ko. (Kala mo lang wala, pero meron! Meron! Meron!)
Lacson: (Habang bumabangon mula sa pagkalugmok at pagtatago) bumabangon ako para
1. Sa senado, dami ko atang naiwang trabaho.
2. Sa RH Bill (O ha! Mahusay sa pagpili ng isyu.)
3. Sa mga nakatulong at kumupkop sa ‘kin noong nagtatago ako. (Secret daw kung sino-sino sila at mahirap na magbanggit baka may magtampo pag nakalimutan)
Willie: (Inangat ang ulong nakasubsob sa lamesa habang nasa tapat ng laptop, dito na kasi siya nakatulog) Ako bumabangon ako para sa
1. Twitter, minomonitor ko ang mga twits nila Lea Salongga, Jim Paredes, Tuesday Vargas atbp mga ka-industriya kong balak kong idemanda… soon
2. Wiwing wiwee, siyempre paggising mo wee-wee ka no. (habang kumakanta ng “I love you, mahal na mahal kita, yan ang pag-ibig ko…”)
3. Paghahanda sa pagbabalik ko sa TV. Pracrice ako everyday na hindi maging bastos. Hirap ata non.
Lucio Tan: (Habang bumabangon sa pagkakahiga sa kamang ginto, sa kwartong sinlaki ng Naia sa isang lugar na amoy fortune tobacco) Ako bangon para sa
1. Aga gising salo biyaya
2. Mangagawa ng PAL basta hindi PALEA,tanggal ko sila… soon
3. Para migay pera. Share para paborable negosyo.
Baldoz: (Habang bumabangon mula sa loob ng bulldozer, dito na daw natutulog)
1. Sa pagsalo sa ipapasang biyaya (parang may kaparehas?)
2. sa mga mangagawa, hindi na kasama ang mga matatanggal sa PAL. Nagdesisyon na ko diba? (para talagang may kapareha?)
3. sa mga pagsasaayos ng polisiyang paborable sa bansa.
Mga biktima ng Landslide sa Mining village sa Compostella Valley: (Habang bumabangon sa guho) Bumabangon kami para sa
1. para maging modelo ng trahedya sa mining area
2. para sa magbigay bababala sa iba pang probisyang minimina
3. para multuhin ang Mining company (hihihi nakakatakot)
Resulta ng survey: Ang mga sumusunod ang napatunayan ng survey na ito…
1. Hindi pala sila bumabangon para magkape
2. Hindi pala sila bumabangon para magsipilyo o maghilamos
3. Bumabangon pala ang mga sikat na personalidad sa kabila ng kanilang mga isyung hinaharap.
4. Pati pala ang mga patay ay kayang bumangon sa pagkalugmok.
Sa mga kasagutang ating nahita- minumungkahi natin na mainam gamitin silang mga modelo sa patalastas ng sikat na kape. Ang survey na ito ay gawa-gawa lamang. Ang mapikon talo. Ang maniwala mokong!
——————————————————–
Mokong Quote of the day…
Mensahe ni Benigno S. Aquino III,Pangulo ng Pilipinas Sa sambayananng Pilipino Sa panahon ng Kuwaresma, 2011
“Ang pagbuhos ng mga biyaya at mabuting balita sa ating bansa ay patunay na tama ang tinatahak nating landas. Hangga’t pinapantayan natin ng sipag ang ating mga dasal, hangga’t sama-sama tayong pumapasan sa ating bayan, hangga’t nakatuon tayo sa kapakanan ng nakakarami kaysa sarili, wala ni anumang kalbaryo, wala ni sinumang Herodes ang makakapigil sa atin tungo sa pagbabagong inaasam.”
Sipi mula sa http://www.gov.ph.
The Mokong translations…
“Ang pagbuhos ng mga isyu at masasamang balita hinggil sa karapatang pantao sa bansa ay patunay na kadudaduda kung tama nga ang tinatahak nating landas. Hangga’t sa kabila ng sipag at mga dasal, hangga’t tayong mahihirap lang ang pumapasan sa ating bayan, hangga’t nakatuon tayo sa kapakanan ng nakakarami sila nama’y nananatiling makasarili, wala ni anumang kalbaryo, wala ni sinumang Herodes ang makakaawat sa atin igiit ang pagbabagong inaasam.”
Sipi mula sa http://www.mokong.ph
The Mokong ways…
Maraming salamat po mga ka-Mokong at ka-Mokang sa inyong pagtityaga. Hanggang sa sunod na Linggo, Aksiyon Bente 24 sa Bandilang totoo, dahil dito ang mga balita ay hindi totoo.
Ito ang inyong mokong na lingkod na nagsasabing “Mokongs and mokangs of the world unite! We have nothing to loooooose coz we have nothing at all!”
Like this:
Like Loading...