http://olegs87.wordpress.com/2011/04/13/unproud-to-be-pinoy-sa-ganitong-sirkumstansiya/
by Olegs

Tama nga siguro sinabi dati ni Bro. Armin Luistro, FSC (na ngayon ay kalihim ng DepEd) noong panahon ni GMA. Sa mga panahong ang ating dignidad bilang tao ay niyuyurakan at ang ating demokrasya’y nanganganib na mawala, sa panahong kapwang Pilipino ang siyang may kagagawan, NAKAKAHIYANG MAGING PILIPINO. Noong una kong nalaman at narinig yan (salamat sa aking kaibigan-kapatid na volunteer na si Reymond Montejo), nagpanting talaga ang tenga ko. Sabi ko pa nga, ang pagka-Pilipino natin ang isang bagay na di mawawala sa atin. Kapag ikinahiya mo ang pagka-Pilipino mo, ikinahiya mo na din ang buong pagkatao mo kasi siyempre Pilipino ka eh. Napaliwanagan naman ako ni Mr. M, ngunit ‘di ko lubos na matanggap.
Ngunit ngayon at lumabas ang House Resolution 1135, kung saan ang isang dating
Diktador na naging modelo ng isang marahas, mapanupil at gahaman na pamamahala ay ihihimlay katabi ng mga nag-alay ng buhay para sa kapayapaan at kalayaan at buhay ng lahat, nagbalik sa akin ang mga kataga ni Bro. Armin. Nahihiya ako kasi marami sa atin ngayon, partikular ang mga mambabatas natin, ay sang-ayon dito.
Isipin niyo nalang kung bakit galit na galit tayong lahat kay GMA dahil nahahalintulad natin siya kay Macoy, diba? Baka sa susunod na henerasyon pati si GMA ay ilibing sa Libingan ng mga Bayani. Para na rin natin sinabing bayani si GMA. Kung ganun pala eh di gawin na rin nating modelo at bayani sila Mussolini at Hitler at iba pang mga pasistang diktador!
Proud tayo na bayani natin si Dr. Jose Rizal dahil sa kanyang pamamaraan. Minulat niya tayo upang labanan ang mga kleriko-pasista at imperiyalistang kastila. Proud tayo na bayani natin si Andres Bonifacio at mga katipunero sapagka’t mas pinili nila na lumaban upang iangat ang dignidad ng mga ”indio” at patalsikin ang mga dayuhan. Proud tayo kina Macario Sakay kasi di sila nalinlang sa mala-gintong pangako ng mga kano at lumaban para palayasin sila. Proud tayo sa mga hukbalahap at ibang gerilya dahil hindi sila natinag laban sa mga hapon. Sila ang mga tunay na bayani at hindi ang mga tulad ni Marcos na kumitil ng maraming buhay sa ngalan ng kayamanan at kapangyarihan!
Nasaan na ang “sense of history” natin? Nasan na ang “sense of justice” natin? Masyado ba tayong magpakumbaba at mapagpatawad sa punto na ililibing natin ang isang diktador katabi ng mga tunay na bayani? Wala na bang saysay ang People Power? Mas pipiliin ba nating kalimutan ang makasaysayang pagpapatalsik sa isang diktaturya para sa isang huwad na paraiso na pinangako ni Macoy? At kung ikaw ay sumagot ng OO proud ka pa rin ba na maging Pilipino?


![[People] No more safe spaces for journalists in Gaza | by Fr. Shay Cullen](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/unnamed.jpg?w=800)
![[Statement] TDC Statement on the bill to repeal CPD LAW](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/tdc-on-cpd-law.png?w=1024)
![[From the web] CONSUMER SAFETY ALERT: Food-Like Plastic Toys May Pose Serious Health Risks to Children | BAN Toxics](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/2.png?w=1024)
![[From the web] EcoWaste Coalition Calls for Stronger Measures to Stop Lead Paint Imports](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/laboratory-tests-confirm-the-presence-of-lead-a-toxic-chemical-banned-in-paints-and-similar-surface-coatings-at-levels-exceeding-the-legal-limit-of-90-ppm.jpg?w=1024)
Leave a comment