
Ipinahayag ni Caloocan City Mayor Dale “Along” Malapitan sa isang Facebook post kahapon, Disyembre 28, na simula Enero 2025 ay magiging ₱2,000 na ang augmentation allowance (local allowance) ng mga pampublikong guro sa lungsod.
“Sa ating mga huwaran at maaasahang guro sa Caloocan, ito po ang pagtupad ko sa aking ipinangako na gawing ₱2,000 ang inyong augmentation pay bilang pagpapakita ng ating pagpapahalaga at pangangalaga sa bawat isa sa inyo,” ayon kay Malapitan sa nasabing post.
Agad naman itong kinilala at pinasalamatan ng mga guro ng Caloocan. Ayon kay Jaime “Jimboy” Albiza, guro sa Tala Elementary School at Chairman ng TDC-Caloocan, “Dahil sa hirap ng buhay, mataas na presyo ng mga bilihin, at mababang sahod ng mga guro, malaking tulong na ito sa amin.”
Ayon pa kay Albiza, noong 2016, sa pamumuno ng dating mayor na si Oca Malapitan, umabot sa ₱2,000 ang augmentation allowance mula sa LGU. Subalit, bumaba ito sa ₱1,000 noong ipinatupad ang Joint Circular No. 1 s. 2017 ng DBM, DILG, at DepEd. Ipinagbawal kasi ng nasabing circular ang paggamit ng SEF para sa local allowances ng mga national government employees, kabilang na ang mga guro. Gayunman, patuloy namang nakipag-ugnayan ang mga guro sa mga namuno sa lungsod.
Kaya naman, noong Abril 27, 2022, bago ang halalan, nakipagpulong ang mga lider ng TDC-Caloocan sa nooy Congressman Along Malapitan. Isa sa mga kahilingan ng mga guro sa naturang pulong ay ang pagtaas ng kanilang local allowance. Bagamat hindi ito ipinangako ni Malapitan, malinaw niyang sinabi na hahanapan niya ito ng paraan kung sakaling siya ay mananalo. Isa pang pulong ang naganap sa pagitan ng TDC-Caloocan at ni Malapitan sa main City Hall noong Hulyo 2022, matapos niyang manalo bilang alkalde. Dito ay mas naging malinaw ang kanyang commitment na unti-unting ibabalik sa dating halaga ang nasabing allowance.
Tinupad ni Mayor Malapitan ang kanyang salita. Sa unang taon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde, agad niyang dinagdagan ng ₱200 ang augmentation allowance ng mga guro. Nadagdagan pa ito at naging ₱1,500 noong 2023, at ₱1,700 ngayong 2024. Sa darating na Enero 2025, maibabalik na ito sa dating halaga na ₱2,000.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa aksyon ng aming butihing mayor. Matagal na naming kahilingan ito, at kahit pa nga hindi ito ipinangako noong halalan, ay nagawan pa rin ng paraan. Patunay na mayroon siyang malasakit sa mga guro,” dagdag pa ni Albiza.
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng TDC na amyendahan ang Joint Circular No. 1 upang mabigyan ng awtoridad ang mga Local Government Units (LGUs) na may sapat na pondo at kagustuhang tulungan ang kanilang mga guro. Gayunpaman, iginiit din ng TDC na ang pinakamainam na solusyon ay ang across-the-board na pagtaas ng suweldo ng mga guro sa buong bansa.
“Appreciated po natin ang anumang hakbang mula sa LGUs para tulungan ang kanilang mga guro. Ngunit siyempre, mas mainam pa rin na ito’y gampanan ng national government para sa kapakinabangan ng lahat ng guro at kawani ng sektor ng edukasyon,” ayon kay Benjo Basas, National Chairperson ng TDC at isa ring guro sa Caloocan High School.
Ang TDC ay isa sa mga pangunahing grupong nagsusulong ng ₱15,000 across-the-board na dagdag-sahod para sa mga guro, alinsunod sa Senate Bill No. 2743 na inihain ni Sen. Risa Hontiveros sa Senado. #
For details:
Jaime Albiza, TDC Caloocan Chairman
0910-3822132
Benjo Basas, TDC National Chairperson
09273356375




![[People] No more safe spaces for journalists in Gaza | by Fr. Shay Cullen](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/unnamed.jpg?w=800)
![[Statement] TDC Statement on the bill to repeal CPD LAW](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/tdc-on-cpd-law.png?w=1024)
![[From the web] CONSUMER SAFETY ALERT: Food-Like Plastic Toys May Pose Serious Health Risks to Children | BAN Toxics](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/2.png?w=1024)
![[From the web] EcoWaste Coalition Calls for Stronger Measures to Stop Lead Paint Imports](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/laboratory-tests-confirm-the-presence-of-lead-a-toxic-chemical-banned-in-paints-and-similar-surface-coatings-at-levels-exceeding-the-legal-limit-of-90-ppm.jpg?w=1024)
Leave a comment