Ngayong ika-30 ng Agosto, ating ginugunita ang International Day of the Disappeared o ang Pandaigdigang Araw ng mga Biktima ng Sapilitang Pagwala bilang pagbibigay pugay sa lahat ng biktima ng karumaldumal na krimen na ito. Ating binibigyang dangal ang mga buhay na inialay ng mga desaparecidos at ang patuloy na paglaban ng mga pamilya ng mga iwinala tungo sa pagkamit ng katotohanan at hustisya.

Mula nang maipasa ang Anti-Enforced Disappearance Act o Republic Act 10353, patuloy pa rin ang paggawa ng estado sa krimen ng sapilitang pagwala sa Pilipinas. Mula nang maupo bilang pangulo si Ferdinand Marcos Jr., mayroon nang naitalang 38 na kaso ng sapilitang pagwala ang Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

Sa kasalukuyan, karamihan ng mga kaso ay nakadirekta sa mga aktibista, partikular sa mga nakatuon sa isyu ng kalikasan at mga katutubo. Isang linggo bago ang International Day of the Disappeared ay may isang panibagong kaso ng sapilitang pagwala. Si Rowena Dasig, isang kabataang aktibista, ay isang political detainee na inaresto noong Hulyo ng nakaraang taon at itinakdang makalaya noong Agosto 20, 2024. Ayon sa mga otoridad siya’y inirelease sa isang kamag-anak noong Agosto 22 ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakikita ninuman. Nakakaalarma ang ganitong kaso pagkat malinaw ang pagtago sa kinaroroonan ni Dasig sa mga kapamilya

Sa pagtaas ng mga kaso ng sapilitang pagwala, mahalaga na maihatid sa publiko ang malalim na pag-intindi sa krimen na ito subalit kahit sa kontekstong ito ay mayroong pagpigil mula sa iba’t ibang puwersa. Ngayong Agosto, sa Cinemalaya film festival, naitampok ang kuwento ni Jonas Burgos sa pelikulang Alipato at Muog. Siya’y isang desaparecido na hanggang ngayon ay hindi pa rin naililitaw matapos ang labimpitong taon. Sa kabila ng matinding suporta mula sa mga manonood, ang pelikula ay nakakuha ng X rating (not suitable for public viewing) dahil ayon sa mga reviewer, inuudyok ng Alipato at Muog ang publiko na mawalan ng tiwala sa gobyerno. Hindi karapat-dapat ang rating na ito para sa isang pelikulang nagsasalaysay lamang ng katotohanan ng sapilitang pagwala. Sa panahong tinutulak tayong makalimot, mas lalong dapat alalahanin ang mga iwinala at kilananin na patuloy pa ring nangyayari ang sapilitang pagwala. Bukod kay Jonas, marami pang ibang desaparecido ang patuloy na hinahanap, marami pang pangalan ang patuloy nating isinisigaw sa lansangan upang sila’y mailitaw na, maraming pamilya ang patuloy na nakikipagsapalaran upang makamit ang katotohanan at katarungan.

Sa araw na ito, mas pinalalakas ng FIND ang panawagan sa gobyerno na bigyang prayoridad ang pagtugon sa isyu ng sapilitang pagwala. Kinakailangan ang mga kongkretong aksyon—ang pag-accede sa International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (CPED) at ang istriktong pagpapatupad sa RA 10353.

Sa araw na ito, at sa iba pa, tinitipon ng FIND ang lakas na galing sa pagsasama-sama ng mga pamilya ng biktima ng sapilitang pagwala upang mapaigting ang laban, mapalakas ang mga panawagan, at makapagpatuloy sa laban para sa katohanan at katarungan tungo sa isang mundong wala nang iwawala.

ITIGIL ANG SAPILITANG PAGWALA!

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com Include your full name, e-mail address, and contact number. All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit the submission in a way that does not alter or change the original material. Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading