
Batay sa mga pahayag ng Office of the Vice President, lumalabas na may tatlong layunin kung bakit ginawa ang aklat na Isang Kaibigan na isinulat mismo ni Vice President Sara Duterte. Una, upang sanaying magbasa ang mga bata; ikalawa, upang paunlarin ang kultura ng pagbabasa; at ikatlo, upang turuan ng kabutihang-asal ang ating mga mag-aaral. Kung ito ang mga layunin, malayo ang mararating ng pondong sampung milyong piso.
Kung ang nais natin ay matutong magbasa ang mga bata sa primary grades, malayo ang mararating ng sampung milyong piso. Hanapin natin ang pinakamahuhusay na reading teachers sa mga elementary schools ng DepEdmarami yan sila. May mga likas na talento upang magturo ng pagbabasa sa mga bata. Tipunin sila, bigyan ng malalimang pagsasanay, at sanayin din ang iba pang may potensiyal. Maari ring makipag-ugnayan sa ibang institusyon sa pagsasanay (kagaya ng partnership ng DepEd Pasig City at Philippine Normal University). Ang pagpapabasa ay isa sa mga pangunahing suliranin ng DepEd, may mga kaso nga na umaabot sa high school ang ilang bata na hindi pa marunong magbasa. Sayang ang libro at ang sampung milyon kung hindi rin naman mababasa.
Ikalawa, kung gusto nating dumami ang materyales na maaaring magamit sa pagbabasa, malayo rin ang mararating ng sampung milyong piso. Dahil hindi naman madaling magsulat ng kuwento, puwede itong gamitin na lamang para magbigay ng grant sa mahuhusay na guro, manunulat, at independent publishers na nahihirapang makapagpalimbag ng kani-kanilang mga akda dahil sa kakapusan sa pera. Mas maraming magagandang materyales ay mas mabuti para sa sistema ng edukasyon. Makakapamili ang mga paaralan, mga guro, at indibidwal na mga magulang ng aklat na maaaring mabasa ng kani-kanilang mga mag-aaral at anak. Sa ganito, hindi lamang sisigla ang industriya ng pagpapalimbag (na makakatulong rin kahit papaano sa ekonomiya), kundi mapapalakas din ang kultura ng pagbabasa.
At ikatlo, kung ang layunin ay ituro ang kabutihang-asal at magagandang ugali ng mga Pilipino, malayo rin ang mararating ng sampung milyong piso. Maaari natin itong magamit sa produksiyon ng materyales para sa Eduksyon sa Pagpapakatao (ESP) o GMRC, nakalimbag man o sa digital na anyo gaya ng short videos na attractive din sa mga bata ngayon. Hindi tayo lalabas sa tema ng pagkakaibigan, pagtutulungan, pagdadamayan, at pakikipagkapwa-tao, at hindi hamak na mas malawak ang impact nito. Dahil hindi lamang ang mga mag-aaral sa paaralan ang makakakita o makakapanood, kundi lahat ng kabataan at mamamayang Pilipino.
Sa kasalukuyang sitwasyon ng edukasyon sa ating bansa, ang bawat sentimo ay dapat gugulin nang wasto, ilaan sa mga mahalagang bagay na tiyak na makatutulong sa pagkatuto ng bawat batang Pilipino.
Sa unang tingin, maliit ang sampung milyong piso. Ngunit kung gagastahin nang tama, malayo ang mararating nito. #
Reference:
Benjo Basas, TDC National Chairperson
0927-3356375
STATEMENT
August 22, 2024




![[People] No more safe spaces for journalists in Gaza | by Fr. Shay Cullen](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/unnamed.jpg?w=800)
![[Statement] TDC Statement on the bill to repeal CPD LAW](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/tdc-on-cpd-law.png?w=1024)
![[From the web] CONSUMER SAFETY ALERT: Food-Like Plastic Toys May Pose Serious Health Risks to Children | BAN Toxics](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/2.png?w=1024)
![[From the web] EcoWaste Coalition Calls for Stronger Measures to Stop Lead Paint Imports](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/laboratory-tests-confirm-the-presence-of-lead-a-toxic-chemical-banned-in-paints-and-similar-surface-coatings-at-levels-exceeding-the-legal-limit-of-90-ppm.jpg?w=1024)
Leave a comment