[Statement] Ipaglaban ang patas na merit system, sapat na mga benepisyo at makatarungang suweldo | TDC

Atin pong kinikilala ang suspensiyon ng AO 25 (2011) at EO 80 (2012) alinsunod sa Executive Order No. 61 na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Hunyo 3, 2024.

Sa bisa ng kautusang ito ay masususpinde rin ang mga polisiya ukol sa Results-Based performance Management System (RPMS) at maging ang Performance-Based Bonus (PBB) at Productivity Enhancement Incentive (PEI) dahil bahagi ang mga ito ng Performance Based Incentive System (PBIS). Gayunman, ayon sa inisyal na pagbasa ay hindi ito makakaapekto sa sa hinihintay nating PBB 2022, dahil ito ay nakabatay sa ating performance rating noong school year 2022-2023. Samantala, ayon din sa kautusan ay kailangang makapagplano para sa transition ng PBB para sa fiscal year 2023 (SY 2023-2024).

Nais nating maging bukas sa nasabing kautusan. Nangangahulugan kasi ang suspensiyong ito ng pagbibigay-daan sa pagbusisi sa matagal na nating inirereklamong pahirap na performance rating system sa ilalim ng RPMS. Kung mabubuksan ang pagtalakay dito ay magkakaroon din tayo ng pagkakataon upang itulak ang ating mga panukala para sa patas at makatarungang merit and performance rating system, kabilang na ang tuluyang pagbasura sa pahirap na RPMS at ibalik na lamang sa pinasimpleng Performance Appraisal System for Teachers (PAST) na bahagi ng Item No. 11 sa ating 13-Point Teachers’ Dignity Agenda.

Subalit kung tuluyang maaalis na ang RPMS ay maaaring mawala na rin ang PBB. Dapat ba natin itong ikatakot? Dati pa naman nating sinasabi na ang PBB na ito ay nagiging sanhi lamang ng paghihirap ng mga guro. Ginagawa itong dahilan upang tambakan ng trabaho ang mga guro, hanapan tayo ng sandamakmak mode of verification (MOVs) at isubsob tayo sa pag-accomplish ng reports, documents, pictures, classroom observation tool (COT) at kung anu-ano pang detalye para sa ating Individual Performance Commitment and Review Form (IPCRF). Ang PBB na napakaraming kuskos-balungos at umaabot sa dalawang taon bago makuha ang nagiging pang-enganyo ng gobyerno sa atin na tila ba lagi tayong tinatakaw. Gayunman, kung aalisin ang PBB, dapat itong mapalitan ng mas nakatutugon at patas na benepisyo, halimbawa ay ang pagbibigay ng mas malaking input at reward kagaya ng mas mataas na PEI at Service Recognition Incentive (SRI). Sapagkat ang PEI at SRI ay hindi nangangailangan ng mga pahirap na rekisitos at ito’y totoong nakakatulong sa produktibidad ng mga kawani at guro.

Hinggil sa nasabing EO No. 61, nais din nating ikunsidera ng DepEd, DBM at ng bubuuing Technical Working Group (TWG) ang mga sumusunod:

  1. Ganap nang ibasura ang RPMS at gawing simple, patas at hindi pahirap ang performance rating ng mga guro na kagaya ng dating PAST.
  2. Isali sa bubuuing TWG ang mga kinatawan ng mga guro at kawani na magsisilbing consultative council at uupo sa mga regular na talakayan at konsultasyon.
  3. Linawin kung kailangang pa bang magsumite ng IPCRF para sa SY 2023-2024 gayong ayon sa EO 61 ay transition year ang fiscal year 2023.
  4. Kung aalising tuluyan ang PBB, dapat na itaas ang halaga ng mga insentibo o benepisyo na hindi nangangailangan ng mga report kagaya ng PEI at SRI, dahil ang performance ay hinid nasusukat ng napakaraming MOVs.
  5. Tapusin na ang napakatagal na pag-aaral hinggil sa suweldo ng mga guro at isabatas ang umento sa sahod na nakabatay sa Magna Carta for Public School Teachers o anumang substansiyal na umento na nakabinbin sa Kamara at Senado.

Hindi lamang tayo maghihintay, bagkus ay igigiit natin na makasama ang ating mga hinaing, puna, opinyon at panukala sa gagawing bagong polisiya. Ito ay sa pamamagitan ng mga dayalogo, public statement, konsultasyon o mga pagkilos.

For details:
Richie Salubre, TDC CALABARZON President*
Spokesperson
0921-3380309

*Richie Salubre is a lawyer who passed the bar exams last year. He is a classroom teacher in Dasmarinas Integrated High School and currently the president of TDC Regional Chapter in Region IV-A. He also served as the president of Dasmarinas City Federation of Teachers.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com Include your full name, e-mail address, and contact number. All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit the submission in a way that does not alter or change the original material. Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.