Ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon ay dapat na nasa balangkas ng “just transition”.

Ang “just transition” ay binalangkas ng kilusang unyon sa maraming bansa bilang gabay upang proteksyunan ang mga karapatan ng manggagawa sa pagbabago ng ekonomya tungo sa sustenableng produksyon, paglaban sa climate change, at pagprotekta sa biodiversity ng ekolohiya’t kalikasan.

Sa pagbabago ng mundo, halimbawa, tungo sa malinis na enerhiya mula sa fossil fuel gaya ng coal o karbon, dapat binigyang konsiderasyon ang buhay at kabuhayan ng mga manggagawang nagmimina ng ganitong mineral.

Kung sa kaso ng mga jeepney driver at operator, gayong ginagamit ang “environment” bilang dahilan ng PUV phaseout, hindi dapat sila pinupwersa, bagkus ay tinitiyak na sila ay hindi maiiwan o maisasantabi sa transisyon.

Ilang hakbang dito ay ang pagtitiyak sa pagpinansya sa mga bagong yunit na hindi papasanin ng mga operator (na ngayo’y pwersahang pinagbubuo ng korporasyon o kooperatiba). Kung mahal ang amortisasyon, at walang subsidyo mula sa gobyerno, ang public transportasyon ay magiging pribadong negosyo ng malalaking mga korporasyon, tataas ang pamasahe sa paghahabol na mabayaran ito agad ang utang sa mga bangko.

Isang usapin ang tiyaking hindi babagsak ang kabuhayan ng mga operator at masusunod ang mga karapatan ng mga drayber kapag sila ay magiging empleyado ng kooperatiba o korporasyon. Kasama na dito ang living wage, social benefits gaya ng SSS, Pagibig, at Philhealth, ang maayos na kondisyon sa trabaho (kasama ang sapat na pahinga), na hindi lamang para sa kapakanan ng mga drayber kundi maging ng mga mananakay.

Matitiyak na makakamit ang ganitong balangkas kung ang mga operator at drayber mismo ay kasama sa mga pagpapasya sa modernisasyon, at hindi simpleng pinasusunod sa banta ng kawalan ng hanapbuhay.
Nanawagan tayo sa gobyerno para ekstensyon ng “consolidation” at sa paggamit sa “just transition framework” sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon.

Ang ganitong pagtrato at pagpepwersa sa mga drayber at operator ay hindi nakatungtong sa kagalingan ng mananakay o ng kalikasan. Tinutulak ito ng mga kikita sa madaliang modernisasyon: ang gobyernong mangongolekta ng prangkisa, ang mga bangkong magpapautang para sa pagbili ng mga bagong yunit, ang mga negosyong nasa manupaktura at importasyon ng sasakyan, at ang negosyanteng nais malugi ang mga operator upang sila ang mamuhunan at kumita sa public mass transport.

Makatarungang transisyon. Modernisasyon na may hustisyang panlipunan. Pag-unlad na may pagpapahalaga sa tao, hindi sa bagay. Progreso na para sa pangangailangan, hindi para sa tubo. Napakasimple at makatuwirang reporma. Subalit kung hindi pagbibigyan, ang makatuwirang transisyon ay wala sa ilalim ng gobyerno at lipunang pinaghaharian ng mga bilyonaryo at mga dinastiyang pulitikal. Ang kailangan ay “system change” para sa lipunang totoong magpapahalaga sa Kalikasan at Paggawa, na siyang pinagmumulan ng yaman at pangangailangan ng sangkatauhan.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com Include your full name, e-mail address, and contact number. All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit the submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading