Pahayag ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) hinggil sa SONA 2023: Walang Pagkilala o Pagkundena sa Nagpapatuloy na Krisis sa Karapatang Pantao

Sa gitna ng nagpapatuloy na paglabag ng mga puwersa ng estado sa mga karapatang pantao, wala man lang pagbanggit hinggil dito matapos ang unang taon ng kanyang panunungkulan. Ito ang masusing inantabayanan ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), isang organisasyon ng mga pamilya ng biktima ng sapilitang pagwala (enforced disappearance).

Nagtuon ang SONA sa aniya’y naging pag-usad ng ekonomiya ng bansa. Naglatag ang Pangulo Ferdinand Marcos, Jr. ng iba’t ibang mga datos bilang patunay ng pag-unlad ng Pilipinas, pagdidiin na ang lahat ng mga ito’y nagtuturo sa magagandang resultang natamo ng gobyerno. Dahil dito, naipinta ang isang administrasyong tila matagumpay sa pagpapatakbo ng isang bansang kanilang sinasabing nalugmok sa maraming aspeto dahil sa mga nakaraang administrasyon.

Kitang kita ang matinding pagkukulang ng SONA. Halata ang pag-iwas ng administrasyon sa pagtalakay sa mga kaso ng libo-libong extrajudicial killings, sapilitang pagwala, pag-aresto at detensyong naganap at nagpapatuloy pa. Ito ay isang paraan upang itanggi ang krisis ng karapatang pantao sa bansa, patunay na ang mga batas na pumoprotekta sa karapatang pantao ay hindi lubos na ipinapatupad. Ito ay sa kabila ng desisyon ng International Criminal Court (ICC) na ibasura ang apela ng gobyernong harangin ang pag-iimbestiga sa mga crimes against humanity dulot ng giyera kontra droga. Mahigit mula 6,000 hanggang 30,000 na mga kaso ang iimbestigahan ng ICC.

Magmula nang nanungkulan si Marcos Jr. bilang pangulo, mayroon nang naiulat na 23 kaso ng sapilitang pagwala–ang pagdukot ng estado sa mga mamamayang nagpapahayag ng maayos na pamumuhay, pantay-pantay na pag-unlad, at makataong pamumuno. Patunay ito na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring pagpapahalaga ang estado sa papel nitong itaguyod, proteksyunan at isakatapuran ang karapatang pantao. Kinukundena rin ng FIND ang lahat ng pagtatangkang burahin sa kasaysayan ang sapilitang pagwala at mga biktima nito.

Iginigiit ng FIND na ang pag-unlad ng isang bansa ay nakakabit sa kung paano nito kinikilala ang bawat karapatan ng mga mamamayang sakop nito. Hindi masasabi na umuunlad ang sitwasyon sa bansa kung ang mismong karapatan ng mga mamamayan ay hindi binibigyan ng sapat na halaga–at sa maraming pagkakataon ay nilalabag pa.

Patuloy na isinusulong ng FIND ang pagkamit ng katotohanan at hustisya sa ilalim ng administrasyong tahasang itinatanggi ang katarungan sa mga biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao. Nananawagan ang FIND sa lubos at istriktong pagpapatupad sa Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 (RA 10353). Gayon din ang pagpirma sa International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (ICPAPED), isang pandaigdigang tratado na nilagdaan na ng 98 estado sa ilalim ng United Nations.

Nananawagan ang mga pamilya ng biktima ng sapilitang pagwala na tuparin ng gobyerno ang kanyang obligasyon na respetuhin, protektahan at tuparin ang mga karapatan ng bawat mamamayan. Itigil na ang lahat ng anyo ng paglabag sa karapatang pantao.

Protection, Not Persecution, of Human Rights Defenders!

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit the submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading