Para-paraan
By Rodne Galicha

NAGBUNYI mag-uli ang sambayanang Pilipino sa pagkapanalo ng isa sa mga binabansagang bagong bayani sa Gitnang Silangan. Unang yugto pa lamang ng X-Factor Israel, naideklarang panalo si Rose “Osang” Fostanes matapos niyang bigyan ng karampatang katarungan ang awiting “My Way.”

Rod Galicha2

“My Way,” ika nga kung ating isa-Filipino, sa madaling sabi, “sa sarili kong paraan.” Isang awiting sinulat ni Paul Anka na pinasikat naman sa tinig ni Frank Sinatra. Ang himig naman nito ay nagmula sa awiting Pranses na “Comme d’habitude” na ang ibig sabihin naman ay “as usual” o “tulad pa rin ng dati” – na hinango naman sa orihinal na awiting Ingles na “For Me” na kung isalin sa ating wika ay “Para sa Akin.”

Ngunit sa maniwala tayo o sa hindi, ang ating kinalakhang “My Way” ay ang kay Sinatra na kumintal na sa ating kamalayan. Ang kuwento buhay at mga hamon sa pagdating katandaan at kung paano ito hinarap nang taas-noo sa iba’t ibang paraan.

Noong naimbento ang karaoke o kaya nama’y nagawang videoke, ang awitin ay kalimitang maririnig hindi na upang pagnilay-nilayan ang pagiging matatag sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Ang katagumpaya’y ni hindi man lang nais masilayan kundi ang paglimot sa mga suliraning bumabagabag sa puso’t isipan. Sa pinaghalong pait, lamig at bula ng serbesa o kaya ng matapang na alak na pilit gumuguhit sa lalamunan, ang awiting nagbibigay sana ng kalakasan ay naging sanhi na ng isang sumpa.

Tulad ng pang-aabuso ng tao sa kanyang tahanan, ang kalikasan kung saan nagmumula ang buhay at ikinabubuhay nito. Upang mapunan ang bagong pangangailangang bunga ng kalabisan at kasakiman, gumawa ang tao ng sariling paraan upang ang kalikasa’y sapilitang tumugon.

Dumating naman ang panahong ang pagtugon ng kalikasan ay mukhang “Comme d’habitude” na kung ano ang ginawa ng tao ay iyon din naman ang itutugon – “reaction to stimulus.” Ang simpleng tugon ay nakamamatay.

Kamakailan, naranasan nga natin ang isang makirot na tugon ng kalikasan at mahigit anim na libong buhay ang nawala sa Silangang Kabisayaan. Ang danyos ay umabot ng bilyon-bilyong piso, libu-libong tahanan ang nawasak at milyon-milyong katao ang apektado. Hindi naiwasan ang “looting” ng mga biktima ng delubyo upang makakain at mabuhay. Ang iba nama’y kahit hindi na kailangang mga bagay ay pilit na inangkin, isang sumpang hindi pa rin natitinag sa karakter ng tao. Para-paraan.

Pasalamat tayo at napakaraming tulong ang dumating mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang United Nations ay nanawagan upang matugunan ang mga pangangailangan at ang agarang rehabilitasyon ng mga pamayanan. Para-paraan.

At sa muli, narinig na naman natin ang awiting “My Way” nang ang mga kinauukulan ay nagdesisyong tugunan ang mga pangangailangan pagkatapos ng delubyo sa kanilang sariling paraan. Sinaliwan pa ito ng awiting “I Believe I Can Fly” at “I Will Survive.”

Natapos na ang dalawang buwan, karamihan sa mga Yolanda survivors ay “as usual” pa rin. Parating na naman ang ga-higanteng mga unos. Hinihintay na lang nila at sabay-sabay na aawitin ang “Wrecking Ball” ni Miley Cyrus bilang tugon sa “My Way” ni Frank Sinatra.

Sana hindi nakamamatay. Sana may X-Factor. Sana si Osang na lang ang umawit.

Para-paraan. Nakabubuhay o nakamamatay?

Ikaw? Ano ang paraan mo?

Visit Rodne’s blog @rodgalicha.com

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading