Walang demolisyon hangga’t walang maayos na relokasyon, ayon sa mga maralita sa mga estero’t tabing-ilog

Mga maralita mula sa mga estero, tabing-ilog at ilalim ng tulay, o yaong tinatawag na “waterways” ang may banta ng demolisyon. Ayon kay DILG Usec Francisco Fernandez (Agence France-Presse, Enero 12, 2013), may tinatayang 105,000 pamilyang iskwater na naninirahan sa mga waterways o tabing-ilog at estero sa Kalakhang Maynila (NCR). May inilaan umano silang P10B ($246M) para sa proyektong demolisyon at naghahanda umano sila para magtayo ng mga “medium-rise building” bilang tahanan ng mga iskwater.

Nababahala ang mga maralita kaya nais nilang sa maagang yugto pa lang ngayong Pebrero ay malaman na nila ang buong plano ng pamahalaan upang hindi sila mabigla sa pagdating ng demolisyon sa Hunyo. Kailangan nila itong paghandaan at depensahan ang kanilang mga karapatan. Handa silang lumaban at kung kinakailangan ay makipagbatuhan kung sapilitang tatanggalan sila ng kanilang tahanan, kahit barungbarong man iyan. Kailangan ng maayos na negosasyon. Kailangang ihayag at ilabas ng pamahalaan ang lahat ng dokumento at plano na tatama sa mga maralita. Maaaring sabihin ng DILG, sa Hunyo na lang ito pag-usapan matapos ang eleksyon. Ngunit para sa maralita, dapat na sa maagang yugto pa lang ngayong Pebrero ay malaman na nila ang buong plano upang kanila itong paghandaan.

Tanong ni Glen Mendina, tagapagsalita ng Koalisyon Kontra Demolisyon (KKD), “Itatapon ba ang maralita sa malalayong lugar na walang serbisyong panlipunan, malayo sa kanilang trabaho, at di sapat na pabahay? Ang nais ng maralita ay in-city relocation dahil malapit ang ganito sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay, at nais nilang sapat, maayos, matibay at ligtas ang mga bahay na pagdadalhan sa kanila.”

Huwag itago ng pamahalaan ng totoong proyekto, dahil baka walang kasiguruhan ang proyekto ng pamahalaan kung pagbabatayan ang iba’t ibang lugar ng relokasyon kung saan itinapon sa mga relocation sites ang mga maralita na naniniwalang aayos ang kanilang buhay doon, ngunit kabaligtaran ang mga nangyayari – walang tubig, di matibay na bahay, malayo sa trabaho, gutom ang inaabot ng mga pamilya, banta sa kalusugan, malayo ang serbisyong panlipunan.

Ngayong Pebrero na ito pag-usapan, ayon sa mga maralita. Huwag sa Hunyo kung saan mabibigla sila sa agarang demolisyon.

Para sa karagdagang impormasyon at katanungan, mangyaring makipag-ugnayan kina Glen Mendina, spokesperson ng KKD sa CP # 09398149517 at Tita Flor Santos sa cp# 09164816585

KOALISYON KONTRA DEMOLISYON (KKD)
PRESS STATEMENT
Pebrero 8, 2013

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading