Ang ating paninindigan laban sa patakaran ni Pnoy sa mga maralitang lungsod

Pambungad: Nilalayon ng papel na makabuo ng posisyon laban sa pahayag ng gobyerno kaugnay ng deklarasyon nito na pag-demolis sa lahat ng mga kabahayan na nakatirik sa mga danger zones makaraan ang pananalasa ng bagyo at habagat. Nais ring buksan ng dokumento ang diskusyon sa anti-kapitalistang linya at pagsusuri sa puno’t dulo ng usapin ng maralitang lungsod. Ang isyu ng demolisyon, mapaminsalang kalamidad natural man o gawa ng tao, hanapbuhay, serbisyong panglipunan at ang mga polisiya ng gobyerno ay dapat makita sa balangkas ng mapagsamantalang kapitalistang sistema na kinakatawan ni Noynoy Aquino bilang Chairman of the Board at ng uring manggagawa na bumubuo sa hanay ng maralitang mamamayan.

Sa proseso ng mga diskusyon ay inaasahang mapagyayaman pa ang nilalaman ng papel at makabuo ng higit pang talas sa pagdadala natin sa isyu ng maralita hindi bilang sektor kungdi bilang namumuong pwersa ng kilusang manggagawa sa yugto ng pagsusulong ng demokratikong pakikibakang hahawan sa landas patungong sosyalismo.

Sa pananalasa ng mga kalamidad gaya ng mga nagdaan at paparating pang mga bagyo nakatagpo ang gobyerno ng kumbenyenteng palusot upang walisin lahat ang mga itinuturong dahilan ng pagbabara ng mga lagusan ng tubig na nagdulot ng mga matitinding pagbaha. At dahil dito, buong-yabang na idineklara ni Pnoy ang pwersahang pag-demolis sa mahigit sa 195,000 informal settlers o mga iskwater sa Metro Manila na tatangging aalis sa mga danger zone gaya ng tulay, estero, tabing-ilog at tabing-dagat na daluyan ng tubig. Ipapatupad din ang three (3) meter easement sa mga tabing ilog at creek na madadag-dag pa sa bilang ng mga mawawalan ng tirahan.

Ang problema sa patuloy na pananalasa ng baha ay simplistikong tinitingnan ng gobyerno na dulot ng mga pasaway na mga maralitang naglulungga sa mga daluyan ng tubig. Tayo ang nakababara kaya dapat na tayo ang tanggalin. Ang nakikita ng gobyerno ay mga madudungis at mga baboy na mga iskwater na kung saan-saan nagtatapon ng kanilang mga basura habang pikit-mata ito sa mga naglalakihang gusaling nakahambalang mismo sa mga daanan ng tubig. Mga salaulang pabrika na nagtatapon ng mga mapaminsalang basura, walang-habas na pagmimina, pagka-kalbo ng kagubatan at iba pang mga kababuyan ng mga kapitalista sa paghahangad ng malaking tubo na lalo pang nagpapabilis sa pag-init ng daigdig o global warming.

Ang problema sa gobyerno, tayo lang ang kayang-kayang pagbuntunan ng lahat ng sisi sa mga pagbaha at hindi makita ang mga baradong programang pang-ekonomiya na hindi lumulutas sa patuloy na paglobo ng mga mahihirap na mamamayan na napipilitang manirahan sa kahit sa pinaka-mapanganib na lugar. Kung susuriin marami sa mga naninirahan sa mga danger zones ay mga maralitang galing na sa kung saan-saang relocation sites sa bansa. Marami ang nagsibalikang relocatees dahil sa kawalan ng hanap buhay sa mga pinagdalhan sa kanilang relocation areas. May mga napaalis din bunga ng bantang demolisyon at cancellation of rights dahil sa kawalan ng pera para sa mga bayarin sa mga relocation areas.

Ang dapat makita at dapat aminin ng gobyerno ay ang palpak na ipinatutupad na polisiyang pang-ekonomiyang neo-liberal na patuloy na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan habang binabale-wala ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Ang dapat makita ng gobyerno ay ang nakatakdang paglobo pa ng bilang ng mga maralitang lungsod na titira sa kahit sa pinakamapanganib na lugar dahil sa kakulangan at kawalan ng hanapbuhay dahil ang programang pang-ekonomiya ay inilaan hindi sa mahihirap na mamamayan kungdi sa mga dayuhan at bilyonaryong iilan.

Read full article @ kpml-org.blogspot.com

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading