DISCLOSE ALL!

MAINIT ang sagutan nina Corona at Noynoy. Parehong naghahamunan na ilabas ang kanya-kanyang mga SALN (statement of assets, liabilities and net worth) mga bank accounts — peso at dollar accounts.
Umigting ang kanilang “berbalan” matapos na maglabas ang korte ng TRO sa pagbubukas ng mga “dollar accounts” ni Corona. Isang kautusang agad sinunod ng Senado na hindi pinalagan ng mga kongresistang nasa prosekusyon.

Sinunod nila ang TRO hindi pa dahil nirerespeto ng impeachment court ang tungkulin ng Korte bilang taga-interpret ng batas. Hindi lang dahil sila-sila mismo ay may mga dollar accounts na ikinukubli sa mata ng publiko. Higit dito, nagkaisa sila – bilang isang uri – na ipagtanggol ang “property rights”! Ibig sabihin, depensahan ang pribadong pag-aari laban sa anumang anyo ng pampublikong imbestigasyon.

Hinahamon natin ang LAHAT ng opisyal sa gobyerno, hindi lamang si Corona at Noynoy. Buksang ang bank records, kasama ang dollar accounts ng lahat ng opisyal sa gobyerno! DISCLOSE ALL!

Kung tunay ngang may demokrasya sa bansa, walang sikretong ikukubli sa taumbayan – na siyang sinasabi nilang pinagmumulan ng soberanya at lahat ng kapangyarihan ng gobyerno. Ang karapatan malaman ito ng publiko (right to know) ay higit pa sa “karapatan sa pag-aari” ng mga indibidwal na depositor sa bangko! #
http://workersstandpoint.wordpress.com/2012/02/21/4/

https://www.facebook.com/pages/DARe-Disclose-All-Records-of-Public-Officials/134600256662883

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading