Mga magsasaka nangamba sa SC na makontrol ng mga hasyendero
Sa isang piket-rali ng mga militanteng magsasaka sa harapan ng Korte Suprema, mariin nilang ipinahayag ang posibilidad ng isang “Haciendero-controlled Supreme Court” kung mai-impeach ang kasalukuyang Chief Justice Renato Corona.
Ayon sa grupo, pangunahing interes nila na maparusahan si Gloria Macapagal-Arroyo kaya sang-ayon sila sa impeachment proceeding laban kay Corona na itinuturing nilang isa sa mga balakid para mangyari ito.
“Pero kailangang maging malinaw na maniobrang politikal ni Aquino ang pagpapatalsik kay Corona at ang interes ng hasyenderong pangulo ay makontrol ang Korte Suprema upang di-maipamahagi ang kanyang hasyenda. Kung gayon, pangunahing hadlang pa rin si Aquino para mapanagot si GMA,” pagdidiin ni Nestor Villanueva, tagapagsalita ng grupo.
Bitbit ang mga plakard na nagsasaad ng “No to Haciendero-Controlled Court! Distribute Hacienda Luisita, Now!”, ang may 100-magsasaka mula sa Southern Tagalog na pinangunahan ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan ay nagsabing sinumang hukom ng Korte Suprema ang papabor sa pamamahagi ng Hacienda Luisita o lalabag sa interes ng kasalukuyang administrasyon ay tiyak na magiging target ng pagpapatalsik.
Sa ginaganap na impeachment proceeding sa Senado, matatandaang mismong ang defense panel ni Corona ay nagsabing politically motivated ang pagpapatalsik sa Punong Mahistrado at pangunahing dahilan ay ang desisyon ng SC na ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga benepisyaryo nito.
“Interes rin ng mga magsasaka sa Southern Tagalog ang pagtitiyak na maipamahagi ang Hacienda Luisita sa Tarlac na pag-aari ng hasyenderong si Aquino. Anumang kahihinatnan ng labanang legal na ito ay tiyak na magiging panuntunan sa iba pang kasong agraryo sa rehiyon at buong bansa,” pahayag ni Villanueva.
Ayon sa grupo, mahalagang kagyat na gawing final and executory ang desisyon sa Hacienda Luisita para hindi na makapagmaniobra pa ang pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, kasabay nito ay agarang desisyunan din ang iba pang kasong agraryo na nakabinbin sa SC, pabor sa mga magsasaka.
Laman ng pahayag ng Kasama-Tk ang mga sumusunod na kaso:
–> Hacienda Zobel – 12,000 hectare land in Calatagan, Batangas owned by Jaime Zobel de Ayala
–> Hacienda Roxas – 7,183 hectare land in Nasugbu, Batangas owned by Don Pedro Roxas
–> Hacienda Looc – 8,650 hectare land in Nasugbu, Batangas being developed by SM Devt Corp
–> Hacienda Yulo – 7,100 hectare land in Calamba City owned by Jose Yulo and being developed by Ayala Land Inc.
“Mapapansing ang mga landlord at real estate developer sa mga kasong nabanggit ay puro political backer at financier ni Aquino noong nakaraang eleksyon kaya ganoon na lamang ang pangamba naming mga magsasaka na makuha ng hasyenderong rehimen ang kontrol sa SC dahil tiyak na sa impyerno ng kahirapan kami pupulutin,” mariing pahayag ni Villanueva.
Pagkatapos ng rali ng mga magsasaka sa harapan ng SC ay tumuloy silang Department of National Defense sa Quezon City para naman iprotesta ang diumano’y patuloy na militarisasyon sa kanayunan.
Lalahok din ang kanilang grupo sa ika-25 taong paggunita ng Mendiola Masaker kinabukasan.
“Lupa pa rin ang pangunahing usapin sa bansa. Ipinakikita ito ng kasalukuyang krisis-pampolitika sa pagitan ng mga naghaharing paksyon sa gobyerno. Dalawampu’t limang taon ang nakaraan, ito rin ang sigaw ng mga magsasakang pinaslang sa Mendiola kaya mahalagang maintindihan ng buong bayan na hangga’t hindi nalulutas ang suliranin sa lupa ay walang makabuluhang pagbabago na magaganap sa ating lipunan,” pagtatapos ng pahayag ng grupo.
KASAMA-TK
Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan
Press Release: January 19, 2012
Reference Person: Nestor Villanueva


![[Press Release] Envi group says PBBM order to inspect Manila Bay dredgers ‘long overdue’ | ATM](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2026/01/611266739_857788566880357_613411987971048784_n.jpg?w=1024)
![[Statement] Ninja Van riders’ reinstatement, a boost to platform workers’ rights | CTUHR](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2026/01/613613978_1305637741609830_7278802790473352916_n.jpg?w=1024)
![[Press Release] Teachers welcome bigger education budget but decry lack of pay increase | TDC](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2015/06/photo-by-arnel-tuazon.jpg?w=960)
![[Press Release] “Reduce Waste at Home, Make Zero Waste A Daily Habit” | BAN Toxics](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2026/01/zw1.png?w=1024)
Leave a comment