Matapos sibakin sa trabaho noong nakaraang October 1 at masaktan makaraang lusubin ng mga hired goons ng PAL ang kanilang protest camp noong nakaraang Sabado, magsasagawa ang mga myembro ng PALEA ng “Lakbay-Hustisya” simula ngayon, November 2, hanggang November 4.

File photo source Partido ng Manggagawa

Layunin ng ‘Lakbay-Hustisya’ ng PALEA na kalampagin ang kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan at ilang personalidad na may kinalaman sa sinapit nilang inhustisya sa kamay ng PAL.

Ayon kay Ginalyn Licayan, pinuno ng Women’s Committee ng PALEA, simula alas otso ng umaga bukas ay maglalakad ang mga myembro ng PALEA  mula sa kanilang protest camp sa may MIA Road.

Sasamahan din sila ng iba pang samahang manggagawa tulad ng Partido ng Manggagawa sa kanilang 3 araw na paglalakbay.  Nagpahayag din ng supporta ang mga parokya ng simbahang Katolika paglalakbay para sa hustisya ng PALEA.

Unang dadaanan Lakbay-Hustisya ang Pasay Regional Trial Court kung saan nakabinbin ang petisyon ng PAL na paalisin sila sa kanilang protest camp.  Sa katabing Pasay City Jail ay nakakukulong naman ang umaming hired goon na naaresto ng mga myembro ng PALEA matapos lusubin ng mga ito ang picketline noong nakaraang Sabado.    Ang goons na ito umano ang kanilang matibay na ebidensya sa isasagawang imbestigasyon sa naganap na kaguluhan noong Sabado.

Mula dito ay tutungo na ang martsa sa may tanggapan ng PAL sa PNB building upang doon kondenahin ang ginawang pagsibak sa kanila at sa pagpapasimula ng karahasan sa kanilang picketline.  Ang PAL umano ngayon ang pinakamalaking simbolo sa Pilipinas ng kinamumuhiang corporate greed sa buong mundo.

Matapos sa PAL ay tutulak naman ang PALEA patungong  Malate Church kung saan sila hahainan ng libreng pananghalian ng mga opisyal ng parokya.  Matapos makapagpahinga ay tutungo naman ang martsa sa Court of Appeals para mananawagan sa Korte na pawalang bisa ang outsourcing plan ni Lucio Tan.

Mula sa Court of Appeals ay dadaanan muna nila ang katabing ticketing office ng PAL bago tumulak patungong Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan naman nila babatikusin ang ginawang pagpanig ng departamento sa malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon sa PAL.

Mula sa DOLE ay tutungo na ang PALEA sa simbahan ng Quiapo kung saan ipaghahanda sila ng parokya ng libreng hapunan at matutuluyan sa magdamag.

Kinabukasan ay maglalakad naman ang PALEA patungo sa tahanan ng may-ari ng PAL na si Lucio Tan sa may Biak na Bato sa Quezon City.  Sa harapan ng tahanan ay magsasagawa sila ng ‘boodle lunch’ bilang simbolo umano ng gutom at inhustisya sa sinapit na kalagayan ng manggagawa sa PAL.

Mula dito ay tutungo sila sa tanggapan ng National Labor Relations Commission (NLRC) kung saan nakaapila ang kaso nila sa refusal to bargain ng PAL.   Mula sa NLRC ay magmamartsa na sila patungo sa Holy Trinity Church sa may Balic-Balic para doon maghapunan at magpalipas ng gabi.

Sa huling araw ng martsa ay tutungo na sila sa Malacanang kasama ang iba’t-ibang samahang manggagawa at iba pang mga organisasyon para hilingin sa Palasyo na bawiin ang desisyon sa outsourcing at ibalik sa trabaho ang 2,600 empleyadong sinibak ng PAL.

PRESS RELEASE
November 2, 2011
Contacts:    Ginalyn Licayan @ 09158698104
Judy Ann Miranda @ 09228677522

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading