PAGBATI AT PASASALAMAT SA MATAGUMPAY NA OCTOBER 11 POWER OFF

Isang Bagsak para sa ating Lahat sa Matagumpay na Pambansang October 11
Power Off laban sa Mataas na Presyo ng Koryente at sa EPIRA !

Nagkaroon ng malalawak at kapansin-pansing Patay-Ilaw sa 10 syudad sa
National Capital Region at sa Bulacan sa Luzon,  sa Cebu, Iloilo, Negros Occidental,
Samar at Leyte sa Kabisayaan at sa Zamboanga del Sur, Misamis Occidental, Bukidnon,
Sultan Kudarat. General Santos City at Davao City sa Mindanao. May mga lugar na
ang Patay-Ilaw ay sinabayan ng mga noise barrage, candle marches at torch
parade.  Sa umaga at hapon, may mga noise barrage at aksyong protesta sa
Welcome Rotunda at Batasang Pambansa sa Quezon City at sa ilang branches
ng Meralco sa Kamaynilaan.

Tumampok sa media ang National Power Off.  Pinakita sa GMA 7 ang ating
pagkilos sa kahabaan ng Kalayaan Avenue sa Quezon City at sa Bandila ng
ABS-CBN ang aktibidad sa Barangay Manggahan sa Pasig City.  Nasa maraming
istasyon ng radyo ang balita tungkol sa Patay-Ilaw. Inulat sa mga pahayagan
na may pambansa at rehiyonal na sirkulasyon ang ating Power Off.

Binabati namin ang ating mga Chapter, mga pambansa at lokal na organisasyon
mga Pampulitikang Bloke at mga indibidwal na kasapi sa kanilang masigasig,
matiyaga, at mapanlikhang kampanya ng edukasyon, alyansa at mobilisasyon
para maipagtagumpay ang Pambansang Power Off. Binabati namin ang
ating Power Program Team, ang ating Task Force Power, at ang ating
Secretariat sa kanilang pagbibigay hugis at pagkokoordina sa Pambansang
Kampanyang ito.

Binanabati namin sa ngalan ng FDC ang mga rural electrical cooperatives sa
mga probinsya ng Mindanao na nakabilang sa AMRECO,  at mga rural electrical
cooperatives sa Kabisayaan na nakapaloob sa AVEC.  Nagpapasamalat din ang
FDC sa suportang ibinigay ng Association of Major Religious Superiors of the
Philippines ( AMRSMWP ) ng Sangguniang Panglunsod ng Cebu at Tacloban,
ng Provincial Board ng Negros Occidental at maraming sangguniang barangay
sa Kamaynilaan, Bisaya at Mindanao.

Damang dama sa araw na ito ang boses ng mamamayan at ang mataas na
popularidad ng pagtutol sa napakataas na protesta ng koryente sa bansa na bunga
ng ganid sa tubong korporasyon at isinabatas na privatization sa EPIRA.

Sa mismong araw ng Pambansang Power Off,  nagdesisyon ang House Energy
Committee na  repasuhin at i-negosasyon muli ang mga IPP contracts.  Kinabukasan,
inatras ng PSALM ang kanilang mga aplikasyon para itaas ang presyo ng
koryente.  Ang mga aksyong ito ng mga ahensya ng gubyernong ito ay kasama
sa ating mga kahilingan.

Sa press conference na tinawag ng National Execom ng FDC, nanawagan tayo
kay Presidente Benigno Simeon C. Aquino na Umaksyon Na! Ngayon Na!
para pababain ang presyo ng koryente at irepaso para i-overhaul ang
EPIRA.  Nagharap tayo ng mga partikular na paraan na direkta niyang magagawa
bilang Presidente ng Pilipinas.  Nakasaad ang mga ito sa isang hiwalay na
pahayag.

Mag-assess tayo at magtukoy ng mga susunod na hakbang.  Mangyaring ipaabot
lamang sa National Execom ng FDC ang inyong mga obserbasyon, puna at mga
ideya kung paano natin isusulong pa ang ating kampanya.

Tuloy ang Laban!   Tayo’y Magtatagumpay !

Para sa National Executive Committee, FDC,

Ricardo B. Reyes
Presidente

Milo Tanchuling
Sekretaryo-Heneral

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading