Ang Pagkain ng Dumagat
by Bro. Martin Francisco
Nangangagutom at nangangamatay ang mga kasalukuyang mga katutubong Dumagat sa bahaging Bulakan. At ang itinuturing na dahilan nito ayon sa mga katagalugan ay TAMAD ang mga Dumagat magsipagtrabaho. Ganito rin ang kalalagayan at paniniwala ng ilang katutubo na ‘natagalugan na’ at ng mga Unat (panawag sa Tagalog ng Dumagat) sa loob ng Sierra Madre na sakop ng lupaing ninuno.
Tamad nga ba ang mga katutubo? Kultura nga ba nila ang mag-ipon ng sobra-sobra o kahit kaunti sa panahon ng kagipitan tulad ng ginagawa ng mga katagalugan? Ano nga ba ang katotohanan sa mga ganitong akusasyon sa mga itinuturing na nabubuhay lamang sa “hand-to-mouth existence” o nisang kahit-isang tuka at sa rasyon o “dole-out system” ang mga Dumagat?
Ang pananaw ng karamihang mga Tagalog na HINDI nakakaunawa sa tunay na kalagayan ng mga Dumagat kung bakit silang nangangagutom at nangangamatay magpahanggang ngayon ay dahilan sa ang mga katutubo daw ay bukod sa tamad, ay mangmang pa sa makabagong pagsasaka, marurumi, at gusto lamang ay maging palaasa sa mga rasyon o donasyon ng pamahalaan at ng mga grupong tumutulong – mapasimbahan man o NGO. Na ang kasipagan ay nangangahulugan para sa mga katagalugan na bungkalin o linangin ang lahat ng lupa simula sa pagtotroso at pag-uuling tungo sa pagkakaingin hanggang tuluyang maging taniman o makalbo ang kabundukan na dating hitik na kagubatan.
Ngunit kung bawat tao, Tagalog man o katutubo ngayon at ng mga grupo o indibiduwal na may pusong makatulong na nagmamahal sa mga Dumagat ay mamumulat sa tunay na kalalagayan sa kabundukan ng Sierra Madre at sa kultura ng mga Dumagat ay MAUUNAWAAN ng tunay na kasagutan sa mga MALI at SOBRANG paraan o akusasyon sa mga Dumagat.
Mamumulat ang lahat na bago pa dumating ang sinu man maging ang itinuturing na pamahalaan ngayon na dapat sana’y siyang mangunang tumulong lakip ang pagmamalasakip at ng mga taong “matatalino” at “edukado” lakip ang kanilang ipinagmamalaking “sibilisasyon kanluranin” ay NARIRITO NA sa kagubatan ng Sierra Madre ang mga katutubong nabubuhay ng payapa na ligtas sa mapanirang impluwensya ng katagalugan (negative values), busog at nabuhay ng masagana dulot ni Makedepat na itinuturing nilang Diyos na Mapagbigay.
Sa matagal na panahon na hindi nagagalaw ng sinu mang taga-kapatagan ang Sierra Madre o Mahabe Pagotan sa wikang Dumagat ay namumuhay ng payapa ang mga katutubong Dumagat sa PAGPAPAIKUT-IKOT nito na muling nagbabalik matapos ang ilang taon sa kanilang nakagisnang lugar na itinuturing nilang lupaing ninuno. Walang pagsasamantala sa kagubatan at walang pagmamalabis sa yaman ng kabundukan sa kagustuhang mapanatili at muling mapayabong ang anu man kanilang nakuha o inari sa pamamagitan ng pagbibigay pahinga sa lupa, sa pagpapaubayang makasibol muli ang kagubatan, at sa pamumuhay lang simple na may kakaunting pangangailangan sa kagustuhang mabuhay ng masaya at maayos, ligtas sa anu mang pagkakasakit, kagutuman at kapahamakan sa mga dayuhan.
Ganito ang ginawa ng mga purong Dumagat noon at magpahanggang ngayon sa iilan pang pamayanang natitira sa liblib ng Sierra Madre. Ngunit sa kasalukuyan ay mas marami nang katutubong Dumagat ang nagpapagamit sa mga katagalugan upang wasakin ang Sierra Madre ng HINDI nila NAMAMALAYAN at NABABATID na nagdudulot ng HIGIT na kagutuman sa kanila. Hindi nauunawaan ng mga bagong Sibol o henerasyon ng mga kadumagatan na sa tuwing nag-aangkat sila ng kaisipang Unat sa pamumuhay nila sa kabundukan ay lalong nadadali ang kanilang pagkalaho. At hindi na kinakailangan pa ang mga Tagalog o dayuhan ang magwasak nito bagkus ay sila na mismong mga katutubong walang maisip kundi ang kumain lamang sa kasalukuyan at magkamal ng higit na yaman.
Nakalimutan na ng maraming Dumagat na ang Sierra Madre ang siyang bumuhay sa kanilang tribu at hindi ang pumatay. Hindi ang pagiging taong-gubat ang dapat sisihin sa pagkawasak ng yaman sa kanila na sanay dapat ikabubuhay. Dapat pakaisiping mabuti ng kasalukuyang henerasyon ng mga katutubong Dumagat ang anu mang gagawin nila sa kanilang tribu, sa kanilang kultura at sa kanilang Sierra Madre.
Mayaman ang lupaing ninuno ng mga katutubo at sobra-sobra ang inilaang biyaya ni Makidepat sa tribung Dumagat na kahit ang mga kinakapatid nilang katagalugan ay maari ding buhayin kung magiging maayos lamang ang pagbibigay pahalaga sa kalikasan. Hindi dapat maging rason ang kahirapan ang pagdaming populasyon ng tao sa mundo o sa loob ng Sierra Madre kundi ang kasakiman ng bawat isa.
Pagkain ang hanap ng bawat isa? Araw-araw ay ito ang pinagkakaabalahan ng mga tao hindi lang ang mga katutubo kung saan kukunin ang isusunod na isusubo sa kanilang bibig. Palagi na lamang nagiging dahilan na di natin masisisi ang isang taong mahirap at gutom kung sakaling manira ito ng kagubatan sapagkat higit na iisipin nito ang kumakalam na sikmura kaysa ang mag-isip ng tama para sa kinabukasang tinatanaw.
Ngunit sa ganitong rason o prinsipyo ay lalong nagutom ang mas maraming tao na dati rati’y iilan lamang. Nagdulot din ito ng mas marami at komplikadong problema bilang epekto ng kaisipang pangkasalukuyang pangangailangan o “immediate needs” habang patuloy na nagmamasid ang kahabaan ng Sierra Madre ng buong kalungkutan.
Ang Sierra Madre ay isang napakayamang kabundukan. Binuhay nito at pinakain ang tribung Dumagat sa mahabang panahon at marami ng henerasyon ng mga katutubo ang payapang nakapamuhay at lumisan kapalit ng bagong grupong Dumagat. Walang tao o grupo na nagtanim ng mga kagubatan nito noon. Walang namuhunan o nagkagastos para sumibol ang mayabong na kakahuyan nito noon. Lahat ay biyaya ni Makedepat para sa lahat ng tao na nais mabuhay ng ayon sa batas ng kalikasan. Ngunit higit sa lahat ay inilaan ni Makedepat ang Sierra Madre – unang-una para sa kapakinabangan ng mga Dumagat bilang tagapag-ingat o “steward.”
Ngunit sa pagdagsa ng mga dayuhan mula sa mga Kastila, Amerikano, Hapon at kapwa nila Filipino na wala o ibang klase ang pagpapahalaga sa lupa ay nawasak ng tuluyan ang “pamingganan” ng mga katutubo. Ang tingin ng mga dayuhan sa Sierra Madre ay ginto na dapat minahin, puno na dapat trosohin, isda na dapat lasunin at kuryentehin, mga hayop na dapat pagkalibangan at pagkaperhan at mga nakatirang katutubong Dumagat na dapat pagtawanan, lokohin, gamitin sa turismo at palayasin sa lupaing ninuno.
Tuluyang nagutom ang mga Dumagat sa kabila ng mga trabahong ibinigay o ipinakilala ng mga katagalugan bilang manggagawa sa mga konstruksyon. Sa kabila ng pagtuturo sa kanila ng pagkakaingin ng malawakan at pagtatanim ng palay ay lalong nagutom ang mga Dumagat. Sumunod sila sa sistemang Tagalog ng pakikipagkalakalan na gamit ay pera na nagdulot ng lalo lamang na pagkagutom samantalang kabusugan naman ang idinudulot noong mga pagpapalitan at pagbibigayan ng pagkain ang kanilang ginagawang mga Dumagat.
Bakit nagkaganito ang kabundukan ng mga katutubo na dati namang sagana sa pagkain? Mayroon nga silang mga pera gunit lalo naman silang nangangagutom. Marami na silang nabibili ngayon na dati namang hindi nila kailangan ngunit patuloy pa rin ang kahirapan. Habang nagiging bato o semento na ang kanilang mga bahay ay lalo namang nagiging kabatuhan at kugunan ang kanilang lupaing ninuno. Umaangat nga ba ang kanilang katayuan sa lipunan o lalo lamang sila napapalubog sa kawala?
Sa ngayon ay mayroong mga Dumagat na ang panawag sa kanilay mga Remontado mula sa wikang Remontar sa wikang kastila na kahulugan na tumakas mula sa kabayanan papuntang kabundukan. Dahil nuon panahon ng Kastila ay nagpalabas ng kautusan sa bahaging kaMaynilaan na lahat ng katutubo ay kailangang pumaloob sa iisang maliit na pamayanan batay sa batas ng Reduccion o irereduce ang malawak na pamayanan ng mga katutubo sa isang poblacion para sa madaliang konbersyon sa pananampalataya at pamamahala ng mga prayle ngunit hindi ito gusto ng mga katutubo kaya silay nagpakalayu-layo sa kabundukan ng palihim kaya tinaguriang silang mga remontado.
Tatalakakayin sa paksang ito ang mga pagkain ng mga katutubong Dumagat na sa katotohanan ay ikagugulat ng lahat dahil sa kahit hindi kumain ng bigas at magtanim ang mga katutubo noon ay nabubuhay sila sa mahabang panahon. Tatalakayin din kung bakit ang mga pagkain ito ay unti-unting naglalho o tuluyan ng naglaho sa pagdagsa ng mga dayuhan.
Hahatiin natin ang talakayan sa mga sumusunod:
1. Mga dahilan ng mga pagkawala ng mga pagkain ng mga Dumagat.
2. Mga pagkain na ipinakilala sa mga Dumagat na nagpahina sa kanila ng mga Tagalog.
3. Mga pagkain na katutubo sa lupaing ninuno ng Sierra Madre na bumuhay sa kanilang tribu.
Mula sa Aklat ng, “Bakit sila Nangangamatay sa Gutom? ni Ilabe, pahina 261-263
Related articles
- [Statement/Pahayag] National IP Women Gathering – July 24 (hronlineph.wordpress.com)
- Don’t Worry About Tomorrow (akotalagasilog.wordpress.com)
- [Press Release] Legarda Gathers Indigenous Peoples of Luzon on Sept 9-10 – www.senate.gov.ph (hronlineph.wordpress.com)
- [Urgent Action] (Philippines) A “Dumagat” tribal member was abducted by unidentified armed persons believed to be affiliated with the military (hronlineph.wordpress.com)
- [In the news] Victims of human rights violations remembered – www.philippineasiannewstoday.com (hronlineph.wordpress.com)
- DY NEWS-JUNE 16,2011 (re-updated) (dongyanfever.wordpress.com)
- Kababaihan sa Kasaysayan (primasuprema.wordpress.com)
- [Isyung HR] Ligo na you, wangwang na me. (hronlineph.wordpress.com)
- [in the news] ‘US backed state abuse in Philippines’ -Wikileak (hronlineph.wordpress.com)
- [In the news] Feared Ampatuan clan outgunned Philippine military – WikiLeaks (hronlineph.wordpress.com)


![[People] No more safe spaces for journalists in Gaza | by Fr. Shay Cullen](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/unnamed.jpg?w=800)
![[Statement] TDC Statement on the bill to repeal CPD LAW](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/tdc-on-cpd-law.png?w=1024)
![[From the web] CONSUMER SAFETY ALERT: Food-Like Plastic Toys May Pose Serious Health Risks to Children | BAN Toxics](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/2.png?w=1024)
![[From the web] EcoWaste Coalition Calls for Stronger Measures to Stop Lead Paint Imports](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/laboratory-tests-confirm-the-presence-of-lead-a-toxic-chemical-banned-in-paints-and-similar-surface-coatings-at-levels-exceeding-the-legal-limit-of-90-ppm.jpg?w=1024)
Leave a comment