Picket at DOJ Aug 1, 2011. Photo by Rommel Yamzon

Para sa mga Bilanggong Pulitikal na kasalukuyang naka hunger strike upang hilingin ang kanilang kalayaan sa Pangulong Aquino
Posted in FB by Estrellita Evangelista on Thursday, August 11, 2011

“BALABAL NG KALAYAAN”

Lamig ng simoy ng hangin
Ay hindi madama
Sa silid na yaon
Ningning ng tala ay di Makita
Pawis ay dumadaloy
Hanggang sa tungki ng ilong
Di man lang maipikit
Mga matang may piring

Ahhhh… nanlalatang katawan
Lakas ay naglaho na
Dinig din ang pagbukas ng pinto
Tanda na sila ay narito na
Ilang araw na nga ba
Sa silid na ito’y nakapiit
Dina mabilang
Mga araw na may hapis

Muling ginulat nila
Ang aking katahimikan
Mahigpit na pinisil
Mga bisig ko at balikat
Sabay na isinalya sa upuang bakal
At muling iginapos
Duguang mga kamay

Ilang Saglit pa
At bumuka na ang bibig nila
Tuloy tuloy na pagtatanong
Na may kasamang sampal at sipa
Lamog na mukha
Di na makuhang makailing pa
Habang ang isa patuloy sa pagkulata
Tubig at kuryente
Muli kong naramdaman
Boltahe ay tinataas
Kung tanong nila
Ay walang kasagutan
Sa bloke ng yelo
Ako’y pinahigang hubot hubad
Habang pinapalo
Mga hita ko at katawan

Tanong ko sa sarili
Bakit kaya sila ay ganito
Gusto nilang baguhin
Pinayaman kong prinsipyo
Paglilingkod sa bayan
At para sa kalayaan
Ito ba ay mali
At ito ba ay kasalanan

Saktan man nila
Pisikal kong katauhan
Hiwaan man nila impis kong katawan
Di nila kayang
Agawin ang aking diwa
Sapagkat sa aking puso
Nagsusumigaw ang paglaya

Sa inyong mga kampon
Mga kampon ng mapaniil
Pantayin nyo man ang aking paa
Sila ay marami pa
Muli nilang isisigaw
Ang tamis ng pinaglalaban
At kayong mga pasista
Ikukubli sa
Balabal ng kalayaan.

Tula para sa mga Bilanggong Pulitikal na nakaranas ng Pagpapahirap (Torture) sa loob ng Kulungan at patuloy na hindi ipinagkakaloob ang minimithing kalayaan!!!!!

Mula kay
Noel C. Evangelista
August 2011

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading