[Statement] Natapos ang third quarter nang walang dumating na printed modules | TDC

#HumanRights #Teachers #COVID19Ph
Natapos ang third quarter nang walang dumating na printed modules

Ngayong araw magtatapos ang Third Quarter para sa School Year 2020-2021 at magsisimula ang Fourth Quarter sa Lunes, Mayo 17, 2021.
Kung tutuusin ay halos patapos na ang kasalukuyang school year at papasok na uli tayo sa susunod na taong-pampaaralan, ang SY 2021-2022 na maagap na itinakda ng DepEd sa Agosto 23, 2021. Inaasahang distance learning muli ang sistema ng susunod na school year dahil na rin sa sitwasyon ng COVID sa ating bansa. At habang lubos ang suporta ng mga guro sa edukasyon sa ilalim ng pandemya, hindi naman maaaring pikitan natin ang mga pagkukulang ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) upang maihatid ang ipinangakong serbisyo para sa ating mga mag-aaral at mamamayan. Ang mga pagkukulang kasi na ito, bandang huli ay mga guro ang siyang magpupuno at mahihirapan.
Tama, natapos na ang third quarter pero hanggang ngayon ay marami pang mga paaralan sa halos lahat ng mga dibisyon- probinsiya at lungsod sa bansa ang wala pa ring printed modules. Kung mayroon man ay kulang na kulang ito o kaya’y soft copy lamang na ida-download ng mga guro ang ibinigay sa kanila.
Sa ganitong mga pagkakataon ay papasok muli ang sakripisyo ng mga guro. Gagawa o magsusulat ng modules, magpi-print at magre-reproduce upang may magamit ang kanilang mga mag-aaral. Magastos ang sariling printing maliban pa sa kumukuha ito ng oras ng ating mga guro na maliit na ang sahod ay hindi pa magkandaugaga sa napakaraming trabaho.
Sa kabila nito, tila walang pag-amin sa bahagi ng pamunuan ng DepEd sa pagkukulang o pagpapabayang ito. Walang printed modules at taliwas ito sa mga nagging pahayag ng DepEd. Kung walang modules, ang mga guro ang kailangang gumawa ng paraan. Kung walang modules, ang mga guro ang sasalo sa pagkadismaya ng mga magulang. Kung walang modules, ang mga guro ang kailangang maghagilap ng pera para sa printer, ink at papel. Sa madaling salita, kung walang modules, ang mga classroom teachers at hindi ang DepEd officials ang mahihirapan.
Hindi ba’t ayon sa DepEd mismo ay nakahanda ang ahensiya? Nakahanda umano ang pondo, nakahanda rin ang mga tao. Mayroon umanong mga inatasang magsulat o lumikha ng modules- mga eksperto kaya hindi kailangang gawin ito ng mga guro. May nakalaan rin umanong pondo at hindi kailangang mag-solicit, mag-barter o mag-abono ang mga guro. May nakatalaga rin umanong mga tao kaya hindi rin nila kailangang mag-print o mag-reproduce sapagkat may gagawa na nito. Pero kabaligtaran ang nangyari. Mula first quarter hanggang third quarter, mga guro pa rin ang naghagilap ng pondo para sa ink, papel at printer at ipinasubo sa lahat ng trabaho.
Kailangang magsagawa ng pagtutuos- mula sa pondo hanggang sa kung paano nakarating sa paaralan ang modules na ito. Marami kasing pagkakataon na kung hindi man mga guro ang gumawa o gumastos sa modules, sinagot naman ito ng LGUs o private donors. May mga kumpirmadong ulat pa na dumating ang modules kung kailang natapos na klase.
Ngayong papasok na fourth quarter naman ay muling naglaan ng pondo ang DepEd para sa ilang subjects. Kabuuang 4.2 bilyong piso para sa pagbili ng modules na ang bidding ay nagsimula lamang nitong huling linggo ng Abril. Isang nakababahalang aksiyon ito ng DepEd, sapagkat tila hindi kakayanin ang ganito kabilis na procurement. Kung noong mga nakalipas na quarter kung saan may mas mahabang panahon ay hindi na-deliver ang modules, paano pa ngayong napakasikip na ng oras? Maaaring matulad lamang ito sa mga nakalipas, kung saan dumating ang modules kung kailang tapos na ang quarter na paggamitan sana nito. Mahigit apat na bilyong piso ang gugugulin at maaaring masayang.
Kaya mahalagang magkaroon ng audit sa pondong inilaan ng DepEd para sa modules. Kung sakaling may mapatutunayang nagkulang o nagpabaya, dapat lamang managot. Lubhang pasakit na ang dinaranas ng taumbayan dahil sa krisis dulot ng pandemya, marami ang nawalan ng kabuhayan at pag-asa, pumipila sa community pantries at naghihintay ng ayuda. Bigyan natin sila ng katarungan.
PAHAYAG
Mayo 14, 2021
Reference:
Benjo Basas, TDC National Spokesperson
0927-3356275
For cases:
NCR
Hannah Dionela, San Bartolome HS, QC, 0947-8308471
Jesus Valencia, Jr. Pasay City Teachers’ Federation, 0947-3149712
CALABARZON
Aby Orozco, Infanta NHS, Quezon, 0910-8038387
Francis Gaspar, Dayap NHS, Calauan, Laguna, 0961-7233992
Central Luzon
Antonio Andaya, Jr., Bulihan NHS, Malolos City, 0923-6153387
Link to FB post:
https://www.facebook.com/teachers.dignity/photos/a.136476869715369/4680427688653575/

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.