[Press Release] Mga guro nakiisa na sa panawagang payagan na ang pag-angkas sa motor -Ating Guro
Mga guro nakiisa na sa panawagang payagan na ang pag-angkas sa motor
Nakiisa na rin ang mga guro sa panawagang pahintulutan na ang pag-aangkas sa motor bilang alternatibong transportasyon sa panahon ng ‘new normal.’
Ayon kay JR Dona, Secretary-General ng ATING GURO Partylist, nagdudulot umano ng diskriminasyon ang pagbabawal sa pag-angkas sa motor lalo na sa panahong limitado pa ang pampublikong transportasyon. Ayon sa kanya, “Katulad rin ng mga simpleng manggagawa at kawani, marami sa mga guro natin- publiko man o pribado, sa lungsod man o kanayunan ay motor ang gamit na transportasyon kahit bago noong magdeklara ng mga community quarantine dahil sa pandemya. Sa tingin namin ay anti-poor ang polisiyang ito sapagkat ang mga may magagarang sasakyan ay hindi naman pinagbabawalan na bumiyahe kahit pa may mga pasahero.”
Hindi umano nila maunawaan kung bakit ipinagbabawal ang pag-angkas sa motor samantala malaking tulong ito sa mga manggagawa kahit pa sa gobyerno dahil nababawasan ang mga kailangang serbisyuhan ng libreng sasakyan.
“Ang problema nga dito ay hindi ka maaaring mag-angkas dahil umano sa physical distancing pero itinatambak naman nila sa mga truck na libreng sakay ang mga pasahero kung saan ay nagsisiksikan ang mga ito,” dagdag pa ni Dona.
Ayon naman sa Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ay dapat umanong ikonsidera ng IATF na pahintulatan ang pag-aangkas para sa mga empleyado at guro na mag-asawa o magkakasama sa bahay pati na rin yaong mga nasa malalayong pook na salat sa transportasyon.
“Malaking bagay ito lalung-lalo na sa mag-asawang teacher na motor lang ang nakayanang bilhing sasakyan. Bakit aalalahanin ng IATF na magkahawaan ng virus sa pag-angkas samantalang magkatabi sila sa pagtulog at magkasabay kumain nang walang facemask?” Tanong ni Romel Lleva, guro sa Sorsogon at Deputy Secretary-General ng TDC. Dagdag pa niya, “Maliban sa mga mag-asawa, malaking tulong din ang motor o habal-habal sa mga guro na nakatalaga sa mga bundok at liblib na lugar na tanging ito lamang ang means of transportation.”
Ang pahayag ni Lleva ay nauna nang sinang-ayunan ni Nono Enguerra, guro sa Roxas High School, Maynila at pangulo ng TDC-NCR Teachers’ Union (TDC-NCRTU), ayon sa kanya, “Marami sa ating mga guro, lalo na ang mga mag-asawang nasa pareho o magkalapit na paaralan ay motor ang gamit na transportasyon. Paano na sila kung hindi papayagan ang angkas sa motor?”
“Sa NCR ay maraming guro na nakatira sa mga housing projects sa mga kalapit na bayan ng Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan ay motor ang pinakamabilis at matipid nilang gamit, lalo na sa mga mag-asawa,” dagdag ni Enguerra.
Ayon sa mga guro, magiging malaking dagok ito sa kanila sapagkat bagamat wala pa umanong face to face learning ay may mga pangangailangan pa ring mag-ulat paminsan-minsan sa paaralan ang mga guro.
“Ang panawagan namin sa pamahalaan ay timbangin sana ang praktikalidad ng mga bagay na ito. Hindi kami tutol sa polisya kung pantay ang pagpapatupad at malinaw ang layunin, pero kung hindi naman ito lohikal at pahihirapan lamang ang mga mahihihrap, mas mainam pang huwag na itong ipatupad,” pagtatapos ni Lleva.
Pormal na iaapela ng TDC at ATING GURO ang usaping ito sa IATF ngayong linggo.
Para sa mga detalye:
Rommel Lleva, TDC Deputy Secretary-General/
President, TDC- Bicol Teachers’ Union (TDC-BCTU)
0906-1039165
Juanito JR Dona
ATING GURO Partylist Secretary-General
0965-5470700
Ildefonso Enguerra III
President, TDC-NCRTU
0908-1637529
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc