[Statement/Pahayag] National IP Women Gathering – July 24
Paghahabi ng ating mga adhikain, panaginip; pagsasama-sama ng ating kolektibong lakas tungo sa pagkakaisa, tungo sa tunay na pagbabago.
NATIONAL IP WOMEN GATHERING
July 23-24, 2011 / Marbel, South Cotabato
Kami, limampu’t anim (56) na kababaihang katutubo na nagmula sa dalawampu’t apat (24) na tribo sa bansa ay nagtipon para sa isang National IP Women Gathering nitong ika-23 at 24 ng Hulyo, sa Christ the King Retreat Center, Koronadal, South Cotabato, upang pagtibayin ang aming mga paninindigan at pangarap.
Pinalakas ng pagtitipong ito ang aming mga boses bilang kababaihang katutubo, sa pamamagitan na rin ng sama-samang pakikinig sa yaman ng kaalaman at karanasan ng bawat isa. Subalit batid namin na bagaman bilang babae ay may karunungan kaming maiaambag, hindi ito kadalasang nabibigyang halaga sa komunidad. Nagkakaisa kami na ang pagtitipong ito ay unang hakbang upang makilala ang kakayanan ng kababaihan na maging bahagi ng pagdedesisyon sa komunidad.
Hinabi ng pagtitipong ito ang aming mga karanasan, kagyat na alalahanin at mga isyu. Bagaman mula kami sa iba’t ibang tribo na may kinakaharap na kanya-kanyang suliranin, tinatahi ng aming pagiging babae ang ilang karanasan ng diskriminasyon na nangyayari sa loob ng pamilya, komunidad at bayan.
Pinagtibay sa pagtitipong ito ang karapatan naming mga katutubong kababaihan – ang karapatang magsalita at mapakinggan; ang karapatan sa ating mga lupaing ninuno at pangangalaga sa kalikasan; ang karapatang mabuhay na malaya sa anumang uri ng diskriminasyon, gutom, kahirapan, at karahasan.
Binuhay ng pagtitipong ito ang lakas ng loob ng bawat isang kababaihang katutubo. Nagsilbing inspirasyon ang aming mga kwento upang lalo pa kaming magsalita, maging mapanuri sa nangyayari sa aming komunidad, at maging mapagbantay sa mga namumuno sa ating bayan. Niyakap namin sa pagtitipong ito ang bawat isa, kasabay ng pagyakap sa pangarap ng tunay na pagbabago at pagsisimula nito sa aming mga sarili.
Ano nga ba ang aming mga pangarap?
Pangarap namin ang isang lipunang malaya sa kahirapan, kagutuman, kamangmangan, pagkakasakit; matutupad ito kung ang aming salalayan ng buhay – ang aming lupa at katubigan – ay malaya din mula sa mining, logging, at iba pang mapanirang porma ng kaunlaran.
Pangarap din naming maging bahagi ng mga kapulungang nagdedesisyon sa mga programa sa komunidad, mula sa loob ng ating tribo hanggang sa istruktura sa LGUs. Bagaman may puwang para sa representasyon ng kababaihan sa loob ng LGUs, napakadalang na mula sa tribo ang mga women representatives na ito. Kung kaya’t nananatiling bulag ang mga polisiya at programa sa interes ng mga tribong kababaihan, gaya ng hindi pagiging akma ng mga programang pangkalusugan, edukasyon, at ibang serbisyo.
Pangarap namin na makatamasa ng pagkalinga mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapaabot sa amin ng mga batayang serbisyo lalo pa’t sa pangkalusugan, edukasyon, abot-kayang kuryente at malinis na tubig; at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin. Kaming mga katutubong kababaihan ay maituturing na pinakamahirap sa mga mahihirap. Kaya naman malaki ang inaasahan namin sa pamahalaang ito na nagsasabing maninilbihan para sa mahirap.
Papasa ba si PNoy bilang kakampi namin sa pag-abot ng aming pangarap?
BAGSAK sa maraming dahilan ang unang taon ng Administrasyon ni PNoy. Unang dahilan ang kawalan ng matuwid at malinaw na programa para sa katutubo, lalo pa sa katutubong kababaihan. Sa halip na kaunlaran sa kanayunan ang aming makita, patuloy na militarisasyon sa teritoryo ng mga katutubo ang aming nararamdaman. Hindi ito maihihiwalay sa mga dambuhalang kumpanya na hinihikayat ng Administrasyong PNoy para magmina, mamutol ng kahoy, palitan ng gamit ang lupaing natatamnan ng pagkain, sirain ang bundok dahil sa mga dam, at iba pang mapanirang proyekto.
Dahil nananatili na interes ng malalaking kumpanya ang nasusunod, hindi nakapagtataka na walang naganap na rebyu sa proseso ng FPIC. Talamak na ang mga kaso kung saan ang FPIC ay ginagamit laban sa amin, sa halip na maging instrumento na syang kikilala sa aming karapatan sa aming lupa at teritoryo, at sa aming karapatang pumayag o hindi sa pagpasok ng mga proyekto sa aming mga komunidad.
Bagsak din si PNoy dahil sa gitna ng kawalan ng kontrol sa ating mga kabundukan at pinagkukunan ng pagkain at tubig, patuloy namang tumataas na presyo ng mga bilihin. Hindi ito nasasabayan ng programang pangkabuhayan at paglikha ng trabahong nagbibigay sana ng dignidad ng kababaihang katutubo.
Ang programang ipinagmamalaki ni PNoy ay ang 4Ps o ang pantawid programa para sa pamilyang Pilipino (CCT at conditional cash transfer). Pero maging ang implementasyon nito ay bagsak para sa maraming katutubong kababaihan na hindi man lang naaabot ng 4Ps at CCT – conditional cash transfer. Sa mga kakaunting naaabot naman ng 4Ps, hindi naman maitanggi na may dagdag pasanin din itong naidulot para sa kababaihan.
Sa kabuuan, hindi pa lubos na nararamdaman ng kababaihang katutubo ang mga ipinapangako ng Magna Carta of Women (MCW, RA9710)!
PASANG-AWA sa kabilang banda ang Administrasyong PNoy sa usapin ng pagsasa-ayos ng pamunuan ng NCIP lalo na antas sa nasyunal. Pero kailangang isagawa rin ito sa lokal na mga opisina sa rehiyon at probinsya, kung saan mas direktang nararamdaman naming katutubo ang mga problema nang katiwalian, pagwalang bahala, at maraming pagkakataon, panlilinlang.
Mahalaga ang mga konsultasyong ginagawa ng pamahalaan ukol sa usaping pangkapayapaan o peace talks, kung saan kailangang igiit ang paggalang sa mga lupaing ninuno at mga traditional boundaries, gaya ng usapang GRP–MILF. Pero paano ito mangyayari kung hindi naman awtomatikong isinasama ang katutubong kababaihan sa mga konsultasyon para sa kapayapaan?
Pasang-awa ang aksyon ni PNoy sa korupsyon, dahil hindi sapat na ibunyag lamang kung sino-sino sila. Mas nararapat ding pananagutin at ipakulong ang mga may-sala. Hindi rin sasapat na korupsyon lang ng nakaraang administrasyon ang pagtuunan ng pansin. Kailangan ring singilin, imbestigahan at panagutin ang mga may kinalaman sa pagpatay at pagdukot sa mga katutubong lider noong panahon ni Arroyo.
Ganunpaman, PASADO pa rin si PNoy sa pagpapaupo ng mga progresibong tao sa mga ahensyang gaya ng NCIP, CHR, NAPC, at pagtatalaga ng maka-IP na peace talks negotiators. Ang mga taong ito ay aming inaasahan na makakatulong sa aming pagtutulak sa interes sa amin, bilang katutubong kababaihan at sa aming komunidad.
HINAHAMON namin si PNoy na maging tunay na kakampi nating mga katutubong Pilipino; seryoso niya sanang pagsikapan na alamin at intindihin ang aming tunay na kalagayan at kahilingan; tugunan ang mga kagyat naming isyu bilang mga babaeng katutubo, bilang mga nanay at anak sa loob ng pamilya, bilang kasapi ng tribu at komunidad, bilang Pilipinong mamamayan.
Sa gitna ng talamak na kahirapan at kakulangan ng serbisyong edukasyon sa kanayunan, ang mga kababaihang katutubo ay mas nakakaranas ng kakulangan sa kabuhayan at kakayanang proteksyunan ang mga sariling karapatan. Pangunahin sa mga suliraning ito ang patuloy na diskriminasyon bilang katutubo, hindi pagkilala sa tradisyunal na pangangalaga sa kalusugan ng kababaihan, problematikong pagpapatupad ng programang 4Ps, pagkasira ng kalikasan, at banta sa buhay naming mga lider kababaihan.
DISKRIMINASYON. Sa pangaraw-araw naming buhay, aming nararanasan ang diskriminasyon sa iba-ibang paraan. Naririyan ang karanasan ng kakaibang trato sa mga pangkaraniwan sanang transaksyon gaya ng pagsakay sa publikong transportasyon, pagrenta ng bahay, pagpasok sa eskwelahan, at paghahanap ng trabaho. Naririyan din ang paggamit ng pangalan ng aming tribo bilang ekspresyon ng mababang deskripsyon sa kapwa. Ang ganitong diskriminasyon ay ilan lamang sa kaagad na mapapansin, pero mas higit ang mababang trato, at kadalasan pa nga’y bulag na turing, sa aming mga katutubo kapag programang pangkaunlaran na ang pinag-uusapan. Kung walang respeto sa aming pagkatao, lalong walang respeto sa aming kultura at mga katutubong kaalaman, gawi at sistema.
Ang diskriminasyon laban sa amin ay pinalalakas at pinagtitibay pa ng ilang mga patakaran ng pamahalaan, tulad halimbawa ng paghingi sa amin ng mga rekisitong dokumento na hindi naman naming kinalakhan, tulad ng birth certificate, bago kami maabutan ng mga programang pangmahirap. May mga pagkakataong ding hinihingan kami ng mga karagdagang rekisito kapag kailangan naming pumunta sa ospital, tulad ng Certificate of Confirmation mula sa NCIP, gayong pwede naman sanang sumapat ang pag-certify sa amin ng DSWD bilang indigent.
HINDI PAGKILALA SA TRADISYUNAL NA PANGANGALAGA SA KALUSUGAN NG KABABAIHAN, lalo na sa panganganak. Mangunguyamo para sa Higaonon; panday tyan para sa Subanen; paltera para sa Blaan; mamaananak para sa Aaeta; mananabang para sa Bukinon; partera para sa Manobo; at mangilot para Cordillera – sila ang mga tagapagpaanak o komadrona ng mga katutubong kababaihan. Sila ang pangunahing tagapangalaga ng mga nanay sa tribo; hindi sila naniningil ng bayad bagkus kung kinakailangan ay sila pa nga ang naghahatid ng mga kailangang gamot, pagkain at gamit ng mga bagong panganak na kababaihan.
Subalit sila rin naman ang mga katutubong komadrona na hindi kinikilala at walang suportang nakukuha mula sa pamahalaan. Bagkus, ang mga sanggol na naipanganak sa tulong ng mga katutubong komadrona ay nakakaranas pa ng diskriminasyon, gaya halimbawa ng pangtanggi ng health centers na bigyan sila ng bakuna. Hindi rin inaasikaso ang mga katutubong kababaihan na nakakaranas ng kumplikasyon sa panganganak, kung hindi rin lang sila nanganak sa health center.
Sa ganitong kalagayan, naoobliga ang mga katutubong babaeng buntis na manganak sa health centers; subalit malaking suliranin ito dahil sa layo ng mga health centers sa aming lugar. Kadalasan, kailangan naming maglakad, o bumaba ng bundok ng ilang oras, at kinakailangang magbyahe ng malayo mula sa komunidad at magbayad ng P1,500 hanggang P2,000, bukod pa sa gastusin sa pagkain at gamot. Sa panahon naman ng emergency, hirap din ang katutubong kababaihan sa transportasyon dahil maging ang mga ambulansyang mahihiram sa LGUs ay kailangan pang pagasolinahan.
PROBLEMATIKONG PROGRAMA NG 4Ps. Bagaman bida ang programa ng 4Ps/CCT para sa Adminsitrasyong PNoy, problematiko naman ito para sa maraming kababaihang katutubo. Maganda sana ang intensyon, pero kung nakakaabot sa tunay na benepisaryo; kapansin-pansin kasi na sa aming mga komunidad ay hindi napasama ang mas maraming mahihirap na pamilyang katutubo.
Samantala, sa mga nakasama naman sa 4Ps/CCT, naging dagdag problema at dagdag trabaho para sa kababaihan ang pagkuha ng pera at ang pagtupad sa mga kondisyon nito. Hindi biro ang pagpunta sa bangko para kunin ang naturingang tulong na P1,400 kada buwan (kapag may 3 anak); nangangailangang kumontrata ng sasakyan at minsan pa nga ay umaabot ng P400 na pamasahe at pagkain. Sa layo ng mga komunidad sa sentro kung saan kinukuha ang pera, may mga kababaihang nagkakasakit sa byahe at ang ilan pa nga ay nakakaranas ng aksidente dulot ng mapanganib na daan (lalo na kung masama ang panahon) at maging biktima ng krimen (nauso na rin daw ang panghohold-up sa panahong napapabalitang may release ng CCT). Mas mabigat na problema ito sa mga nanay na walang mapag-iwanan ng maliliit nilang mga anak; may napabalita pa na namatayan ng sanggol habang nakapila ang gutom na nanay sa pagkuha ng CCT.
Hindi rin nagiging sustenable ang programa. May mga pagkakataon na mas pangangailangang pagkain ang bilhin; kaya naman kapag hindi tama ang liquidation ng pera, natatanggal na ang mga nanay sa listahan, at tigil na ang pagtanggap ng suporta.
PAGKASIRA NG KALIKASAN. Ito ang dulot ng mga dambuhalang proyekto ng mga korporasyon tulad ng pagmimina ng mga kompanyang Oceania Gold Phils., PHILSAGA, SMI-XTRATA, TVI, at iba pa. Samantala, pagkasira din ng kabundukan ang dulot ng patuloy na logging na kinakanlong ng mga local na politiko, mga forestry programs tulad ng IFMA (Integrated Forest Management Agreement) na hindi tumutupad sa mga regulasyon ngunit patuloy pa rin, ganundin ang mga mega dams tulad ng Pulangi DAM V ng NAPOCOR at FIBECO, Green Energy Corp.
Katumbas ng pagkasira ng kalikasan ay pagkasira ng pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan; dahil dito ay mas nagiging mas bulnerable kaming mga kababaihan sa iba pang uri ng karahasan. Ang aming kasanayan at kagalingan ay nakatali sa lupa, sa pagkawala nito, napwpwersa kaming kababaihan na maghanap ng ibang pagkukunan ng pagkain at panustos sa pamilya. Ilan na bang kababaihang katutubo ang sumubok magtrabaho sa syudad at mamasukan; ang nakakalungkot, marami rin ang nagiging biktima ng trafficking at prostitusyon.
BANTA o DEATH THREATS sa mga nakikipaglabang katutubong lider kababaihan . Sa gitna ng kahirapan, diskriminasyon at di-pantay na kaunlaran, matibay pa rin ang paninindigan ng mga lider kababaihan, kasama ang mga kalalakihan, sa pakikipaglaban para sa karapatan ng tribo. Subalit kadalasan na ito rin ang dahilan para makaranas ng direktang banta sa kanilang buhay at sa seguridad ng kanilang mga pamilya. Bilang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao (human rights defenders), ilan sa aming mga lider kababaihang ang nakaranas na ng harassment gaya ng mapagbantang phone messages at mga direktang pananakit gaya ng pagbubugbog ng mga armadong tao habang hinaharangan ng katutubong babae ang pagpasok sa kanilang lupain; pagbundol ng sasakyan, mula sa mga pinaghihinalaang grupong malalapit sa mga dambuhalang kumpanya.
NANANAWAGAN KAMI NG KAGYAT AT MAKATARUNGANG TUGON SA MGA ISYU NA AMING IPINAHAYAG. Sa pangkalahatan, nangangarap kami ng isang KINAKABUKASAN na may sustenableng kaunlaran, kung saan ang mga programa ay direktang nakakarating sa mamamayang naghihirap, lalo na sa mga kababaihang katutubo.
NANANAWAGAN din kami ng isang kinabukasang may kabuhayan at trabahong may dignidad ang bawat isa, kung saan hindi patong-patong ang pasanin naming mga kababaihan. Ganundin, isang kinabukasang may akses sa edukasyon at personal na pag-unlad ang bawat isa, babae man o lalaki, anuman ang kanyang edad, tribo, paniniwala, at katayuan sa buhay. Higit sa lahat, isang kinabukasang walang puwang ang anumang uri ng karahasan; nananawagan kami ng kapayapaan sa loob ng aming mga pamilya, sa bawat tribo at komunidad, at sa ating bayan.
Sa isyu ng DISKRIMINASYON:
- Iwaksi ang di magandang pagtrato na nakakasakit sa pagkatao ng mga katutubo.
- Kilalanin at igalang ang dignidad ng mga katutubong Pilipino.
- Magkaron ng pagkakapantay-pantay na pagtrato sa lahat ng Pilipino – ano man ang tribo, paniniwala, babae man o lalaki.
Sa isyu ng PANGANGALAGA SA KABABAIHANG KATUTUBO:
- Kilalanin at suportahan ang mga tradisyunal na pamamaraan ng pagpapaanak.
- Bigyang halaga ang papel na ginagampanan ng mga katutubong babaeng tagapa-anak – kumadrona; mangunguyamo (higaonon); panday tyan (subanen) paltera (blaan) mamaanak (aeta), mananabang (bukinon), partera (manobo), mangilot (cordillera).
- Siguruhing abot-kamay at abot-kaya ang mga serbisyong pre-natal at post-natal care para sa mga katutubong buntis.
Sa isyu ng PAGSUGPO SA KAHIRAPAN, 4Ps , CCT:
- Magkaroon ng komprehensibong pagrerebyu ng 4Ps at siguraduhin ang partisipasyon ng mga katutubong kababaihan sa proseso ng rebyu.
- Magkaroon ng masusing dokumentasyon ng mga karanasan at isyu patungkol dito.
Sa isyu ng PAGKASIRA NG KALIKASAN:
- Protektahan ang kabundukan, kagubatan, katubigan at mga sagradong lugar na pangunahing pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan
- Itigil ang pagpasok ng malawakang komersyal na paggamit ng kalikasan
- Itigil ang pagmimina ng mga dambuhalang korporasyon at iba pang porma ng pagmimina na nakakasira.
- Bawiin ang mga mining permits na nasa loob ng aming katutubong lupain, lalo pa’t ang mga may nakuhang FPIC (Free, Prior Informed Consent) sa mapanlinlang na paraan.
- Ipahinto ang operasyon ng Pulangi Dam V.
- Itigil ang malawakang pagpuputol ng kahoy, lalo na sa mga protected areas, watershed, at sagradong lugar.
Sa isyu ng BANTA SA BUHAY NG MGA LIDER KABABAIHANG KATUTUBO:
- Kilalanin ang karapatan ng mga kababaihang katutubo bilang WOMEN HUMAN RIGHTS DEFENDERS.
- Magkaroon ng maagap at masusing dokumentasyon ng mga pagbabanta at iba pang mga harassment laban sa mga kababaihang katutubo na nagdedepensa ng kanilang mga karapatan at teritoryo.
- Bigyan ng proteksyon ang mga may direktang banta sa kanilang seguridad at buhay, at pati na rin sa kanilang pamilya.
SAMANTALA, kami ay magpupursigi sa pagpapalakas ng aming sarili, habang nagpapalakas rin ng iba pang mga kasamahang kababaihan;
Kami ay patuloy na mag-aaral upang lalong mapalalim ang aming pang-unawa sa relasyon ng mga pambansang usapin at ng aming pang-araw araw na karanasan;
Kami ay magpapanday ng aming kasanayan upang mas maging aktibo at produktibong miyembro at lider ng organisasyon, at sa kabuuang kilusan para sa katutubo.
Kami ay magiging mas mapagbantay sa mga paglabag sa aming mga karapatan bilang katutubo, bilang babae. Ang kabuuang kilusan ng katutubo para sa sariling pagpapasya ay mas higit na lalakas at titibay kung kasabay nito ang pagsulong ng karapatan at kagalingan ng kababaihang katutubo.
ISULONG ANG KARAPATAN NG KABABAIHANG KATUTUBO! PALAKASIN ANG KILUSANG KATUTUBO! KILANLIN ANG KARAPATAN PARA SA SARILING PAGPAPASYA.
July 24, 2011
Marbel, South Cotabato
Related articles
- Kababaihan sa Kasaysayan (primasuprema.wordpress.com)
- [People] TALKING POINTS on HUMAN RIGHTS SITUATIONER 2011 By Dr. Renato Mabunga (hronlineph.wordpress.com)
- DY NEWS- AUG 04, 2011 (re-updated) (dongyanfever.wordpress.com)
- DY NEWS – AUG. 08, 2011 (re-updated) (dongyanfever.wordpress.com)
- Dy News- Aug.03, 2011 (dongyanfever.wordpress.com)
- The Operation: Snakes (alantorresorong.wordpress.com)
- School Homecoming (rojan88.wordpress.com)
- Staying pure as a TEEN. (edwardbaloja.wordpress.com)
- DY NEWS-JUNE 16,2011 (re-updated) (dongyanfever.wordpress.com)
- [Press Release] PNoy miserably failed. Life for workers and the poor gone worse – CTUHR (hronlineph.wordpress.com)
wow..you may also like to read more inspirational thoughts about life at http://edwardbaloja.wordpress.com
LikeLike
Pingback: [Blogger] Hustisiyang atrasado, hustisiyang pinagkait; Hustisiyang pinagkait ay buhay na pinagkait | Human Rights Online Philippines
Pingback: [Literary/Tula] “BALABAL NG KALAYAAN” – Noel C. Evangelista | Human Rights Online Philippines
Pingback: [Blogger/Tula] Anak ng DESAPARECIDOS | Human Rights Online Philippines
Pingback: [Blogger/Tula] Hanggang Islogan Ka Lang (?!) – matangapoy.blogspot.com | Human Rights Online Philippines
Pingback: Well what can I say? I was shocked! | Perspective
Pingback: [Statement] Pahayag ng FIND para sa Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecidos | Human Rights Online Philippines
Pingback: [In the news] Bukdinon Lumad farmers decry killing of Higaonon farmer – www.mindanews.com | Human Rights Online Philippines
Pingback: Well what can I say? I was shocked! | The Mokong Perspective
Pingback: [In the news] Media malaki ang naitutulong sa pagsugpo ng krimen — CHR – www.journal.com.ph | Human Rights Online Philippines
Pingback: [Blogger] Ang Pagkain ng Dumagat – by Bro. Martin Francisco | Human Rights Online Philippines