[Event] Kalbaryo ng mga Maralita | KPML

Photos by KPML

Krisis sa kabuhayan, klima at karapatan – wakasan! Cha-cha para sa elitista at dayuhan – ilantad at labanan!

Ito ang tema ng pagkilos ng mga maralitang lungsod bilang dramatisasyon ng semana santa. Dala ang mga krus na sumisimbulo ng tinawag nilang Kalbaryo ng mga Maralita, nagmartsa ang grupo sa pangunguna ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lunsod (KPML) at Samahan ng Mamamayan Zone One Tondo Organization patungong tulay ng Mendiola sa Maynila upang ipahayag ang kanilang mga karaingan at panawagan sa pamahalaan.

Ayon kay Manny Toribio ng ZOTO “Kalbaryo pa rin ang dinaranas ng mga maralitang manggagawa sa ilalim ng gobyernong tagapagpatupad ng mga patakarang kontra-mahihirap. Ang patung-patong na krisis dulot ng mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, mababang suweldo at kontraktuwal na trabaho. Nariyan rin ang palagiang banta sa buhay ng mga maralita sa krisis sa klima na pinakabulnerable sa samut-saring panganib dulot ng pag-iinit ng daigdig”.

Para naman kay Kokoy Gan, pambansang tagapangulo ng KPML, “Wala kaming makita, wala kaming maramdamang pagkalinga sa ilalim ng gobyerno laluna sa hanay naming mga maralitang manggagawa. Sa halip, araw-araw kaming nilalatigo ng krisis at kahirapan resulta ng patuloy na pagpapatupad ng mga proyektong may pakinabang lamang sa mga mayayaman. Isa rito ang programang Pambansang Pabahay sa Pilipino Program o 4 PH ng rehimeng Marcos Jr. na hindi lulutas sa problema ng kawalan ng tirahan ng mga manggagawang maralita kungdi ay para pagkakitaan ng iilang kapitalistang ginagawang negosyo ang aming kalagayan.”

Ayon pa sa grupo, nagaganap din ngayon ang mga hakbangin para sa pagpapa-alis sa mga maralitang manggagawang nananahan sa mga relocation areas at mga housing projects dahil sa pagpapatupad ng RA 9507 o ang Housing Loan Restructuring Program. Libo-libong pamilya ang nakatakdang palayasin sa mga kabahayan dahil sa kawalan ng kakayahang makabayad ng upa sa mga relocation sites at mga low-cost housing program ng gobyerno. “Paano nga kami makakabayad kung sa pagkain at iba pang pangangailangan ng aming pamilya ay kinakapus na kami? Ang RA 9507 ang isa sa pinakamapanlinlang na patakarang ipatutupad para tuluyan na kaming burahin sa lugar na pinagtapunan sa amin sa mga relocation areas ganundin sa mga manggagawang nasa mga proyektong pabahay ng gobyerno” dagdag pa ni Gan.

Sa bahagi naman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), “Inutil ang gobyernong Marcos sa pagbibigay proteksyon sa kanyang mahihirap na mamamayan. Sa halip na magpatupad ng programang pangkaunlaran, ang inaatupag ngayon ay ang pagbabago ng konstitusyon o Cha-cha na hindi para sa kagalingan ng bayan kungdi ng pagbebenta ng mga natitirang likas na yaman; lupa, tubig/karagatan sa dayuhan. Pagbibigay ng “pantay” na karapatan sa dayuhan sa lahat ng aspeto at patakaran sa ekonomiya ng bansa na tuluyan pang “magpapako sa krus” sa mga maralitang manggagawa”, ayon kay Gie M Relova ng BMP NCRR Chapter.

Binatikos rin ng BMP ang reaksyon ng mga kapitalista sa panukalang pagsasabatas ng umento sa sahod ng mga manggagawa na anila ay kasuwapangan sa tubo. “Ang ECOP bilang samahan ng mga kapitalista ay daig pa ang sirang-plaka sa paulit-ulit na linya nitong maraming kumpanya ang malulugi at magsasara pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa. Wala itong katotohanan, hindi pagkalugi kungdi pagsigla ng ekonomiya ang idudulot ng pagtataas ng sahod ng manggagagawa dahil magkakaroon na kami ng perang ipambibili o ipambabayad sa mga produkto at serbisyo. Makikinabang sa umento sa suweldo maging ang mga maralitang nabubuhay sa pagtitinda, pamamasada ng pampublikong sasakyan at iba pang hanapbuhay sa mga serbisyo at hindi totoong mapaminsala ito sa seksyon ng mga manggagawa sa tinatawag na informal workers. Sagad-sagaring kasuwapangan at kasinungalingan lang ang ipinakikita ng ECOP sa pagtutol nitong itaas ang sahod ng mga manggagawa!” dagdag pa ni Relova

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com Include your full name, e-mail address, and contact number. All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit the submission in a way that does not alter or change the original material. Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.