[Right-Up] Isang Bukas na Liham Para kay Bb. Angel Locsin | by Jose Mario De Vega

Isang Bukas na Liham Para kay Bb. Angel Locsin

Mahal na kapatid na Angel,

Isang mainit na pagbati. Marahil hanggang ngayon ay binabagabag ka ng iyong loob at labis na nalulumbay gawa ng insidenteng naganap nitong nakaraang pagtatayo mo ng community pantry upang isabay sa pagdiriwang ng iyong kaarawan.

Ayoko nang ulitin pa ang detalye ng nakalulungkot na nangyari, sapagkat batid na naman ito ng lahat at nakadalawang beses ka nang humingi ng patawad at ng patuloy na pang-unawa. Hindi mo alam, ngunit, labis-labis mo akong pinahanga sa iyong pagpapakumbaba at pag-ako sa responsibilidad, kahit pa nga, sa aking tingin ay wala ka namang sagutin ukol doon.

Ipinakita din ng iyong akto kung paano ka wastong pinalaki ng iyong mga magulang. Napakatatag at lalim ng konsepto mo, kapatid ng responsibilidad, tungkulin at pananagutan. Mga katangian, nakalulungkot na hindi mo makita ni madama sa mga walang silbi at walang kuwentang kinatawan daw at trapo ng ating bansa.

Hindi ko alam kung makagagaan sa iyong loob at kamalayan, ngunit ibig kong malaman mo na ang ating paggampan sa ating mga tungkulin at pagsasabuhay ng ating mga buhay bilang mga tao ay nakasalalay din hindi lamang sa ating mga layuning hinahangad at mga simulaing pinapangarap, sapagkat dinedetermina din ito ng ilan pang mga salik at kadahilanan na madalas ay labas sa ating mga inaasahan o marahil ay di saklaw ng ating orihinal na nilayon o plano.
Inaamin ko na kailangang magpakatao, kahit pa napakahirap nito, gawa nga ng napakaraming pagsubok, tukso at mga kagipitan ngunit wala tayong opsyon kundi ang manatiling mabuti at marangal kahit pa nga may ilang masama at marahas sa balintuna at baluktot na daigdig na ito na pinatatakbo ng mga nilalang na walang wastong damdamin at pinaghaharian ng marumi at madilim na kaisipan.

Mahalagang maisaalang-alang na hindi lamang ang layon o kinalabasan ng akto ng isang mabuting tao ang dapat na tingnan o suriin; sa ganang akin, tunay na importante at mapagpasya din ang mismong intensyon at karakter ng tao o indibidwal na yaon na gumagawa o gumampan ng tungkulin o responsibilidad.
Mahalagang tukuyin at itanong ang sentral na mga katatanungan: bakit ba nating ginagawa ang ating mga ginagawa?

Ano ang primordiyal na konsiderasyon at kadahilanan kung bakit natin ginagawa o isinasagawa ang mga bagay na ito?

Mahalaga ito, sapagkat dito natin makikita at maaapuhap ang tunay na pagkatao o alalaum baga’y ang mismong karakter ng nasabing indibidwal o persona.

Ang Tatlong Elemento

Kalabisan ng sabihin pa, ngunit kaagad na makikita o madadalumat ang tatlong krusyal na elemento at ang mga ito ay:

Una, Ang mabuting layon na mula sa kagandahan o kabutihang-loob.
Ikalawa, Ang inaasam na kalalabasan o hangganan o konsekuwensiya ng nasabing akto o aksyon.

Ikatlo, ang primerong motibasyon o malinis na pagnanasa ng awtor o aktor, ang kanyang intensyon na walang pasubaling nagpapakita ng kanyang lantad na pagkatao at karakter.

Gayompaman, katulad ng natukoy ko na sa itaas at ibig kong salungguhitan, an gating mga layunin at pagsasagawa ng ating mga responsibilidad ay nakabatay din sa sirkumstansiya o sa panahon.

Pagpapalalim/Paliwanag

Hindi kasalanan ng duktor o manggagamot kung matapos na niyang gawin ang lahat, gamitin ang lahat niyang lakas, dunong at kagalingan ay mamatay pa din o pumanaw ang kanyang pasyente, lalo na’t kulang na ang mga silid sa nasabing pagamutan, kulang-kulang o ubos na ang mga medisina o gamot at ang mga aparatong kinakailangan upang gamutin o dugtungan ng buhay ang naghihingalo, o kung silang mga health care professional/frontliners ay pagod na din at kinakapos na sa bilang.

Hindi kasalanan ng isang marangal na abogado o manananggol kung matapos niyang ipaglaban ng todo ang kanyang kliyente ay ideklara pa din itong guilty ng isang ungas na hukumang hindi nag-iisip, walang paninindigan, walang dangal ni prinsipyo, walang takot ni pagpapahalaga sa katarungan, ngunit takot sa powers that be.

Ako, kapatid, bilang isang guro ay walalng kasalanan kung matapos kong gawin ang lahat para sa aking mga mag-aaral at halos patayin ko na ang aking sarili sa kakapayo, kakaturo at kahihimok sa aking mga estudyante na maging mabuti at marangal, ngunit sa kabila ng lahat ng mga ito ay may isa o dalawa pa ding nanatiling tamad, iresponsable, di nag-iisip o masama ang ugali.

Hindi natin mababago ang nakalipas, ngunit may kapangyarihan tayong lumikha ng mga Bagong Ngayon at Bukas na May Pag-asa Kung mamarapatin ko kapatid, hayaan mong sipiin ko sa’yo ang dayalogo o palitang-pananaw nina Katsumoto at Algren (sila ang mga tampok na karakter) sa pelikulang “The Last Samurai (2003)”:
Katsumoto: You believe a man can change his destiny?

Algren: I believe a man does what he can, until his destiny is revealed.
Ibig ko lamang sabihin kapatid ns Angel, we can only do so much. Maging si Hesus ay nagwika: maraming gagapasin, kulang ang manggagapas. Kaya naman, kung sa iyong paningin ay nagawa mo na ang lahat at ang iyong akto ay ginagabayan o pinasisilab ng kabutihang-loob, wala ka nang dapat pang ipangamba.

Wala kang kasalanan kapatid! Walang may kagustuhan ng pagpanaw ng isa nating maralitang kababayan!

Kung mayroon mang dapat na sisihin o singilin, ito ay ang masama at demonyong sistema na lumilikha at nagpapalala ng kagutuman, desperasyon at kawalang pag~asa sa ating mga mamamayan at sa buong taong-bayan.

Alam ko, nalulungkot ka pa rin at marahil ay nagdaramdam, ngunit ibig kong malaman mo na di kami nawawalan ng tiwala, pagmamahal at pagtangkilik sa’yo!
Huwag nawa sana kang panghinaan ng loob o manghinawa sa malungkot na pangyayaring ito. Ito sa palagay ko ay isa lamang pagsubok o isa sa maraming lubak na ating pagdaraanan bilang isang lipunan at bansa bago pa man tayo tumungo o makarating sa dako pa roon para sa isang mas mabuting lipunan at mas makatao at makatarungang bansa.

Hindi kailanman naging masama o krimen ang pagbibigay~pag~asa sa kapwa, lalo na ang mga maliliit! Ang iyong likas na kabutihang~loob at pagiging mapagkalinga ay hindi kailanman matatabunan ng anumang upasala, mga paninira at mga kahayupa’t~kalapastangang walang makatulad!

Sa aking pakiwari, kapatid na Angel, hindi aksidente o nagkataon lamang na Angel ang pangalan mo, sapagkat para sa akin, para sa mas higit na nakararami nating mga Kababayan, ikaw ay tunay na anghel at ang mga naninira sa’yo kundi man mga tae ay mga demonyo, diablo at satanista na Kampon ng Kadiliman!

Ikaw (si Bb Anne Patricia Non at iba pa) ay isa sa mga Luningning at Liwanag sa gitna ng dilim sa ating bayang sawi at nagdurusa!

Magpakatatag at magpadayon, kapatid! Huwag tumugot o mapagod sa pakikipagkapwa, sapagkat pananagutan din natin ito sa ating mga sarili!

Maligayang Kaarawan! Mabuhay ka!!!

Nasusulat: you can never ever put a good (wo)man down!!!

Jose Mario De Vega
PhD student
Philippine Studies
Asian Center
University of the Philippines-Diliman

Faculty member
Social Science Department
College of Education and Liberal Arts
Adamson University

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.