[Statement] Tiraniko at sistematikong pagkitil sa kinabukasan ng kabataan ang pagpapababa ng edad sa responsibilidad sa krimen -KAISA-KA

Tiraniko at sistematikong pagkitil sa kinabukasan ng kabataan ang pagpapababa ng edad sa responsibilidad sa krimen

Mahigpit na kinokondena ng PAGKAKAISA NG KABABAIHAN PARA SA KALAYAAN (KAISA KA) ang galaw ng Mababang Kapulungan na pababain ang edad ng responsibilidad sa krimen sa siyam (9) na taong gulang.

Pangunahing obligasyon ng estado na tiyakin ang maganda, matiwasay at ligtas na kinabukasan ng kabataan sa pamamagitan ng mga batas at patakaran na magbibigay proteksyon sa mismong buhay at dignidad ng mga bata.

Kung kayat itinatakda ng ating Konstitusyon na bigyan ng pangunahing konsiderasyon ang interes ng bata sa lahat at anumang aksyon na may kinalaman sa kanila. At deklaradong polisiya ng estado na bigyang proteksyon at rehabilitasyon ang mga kabataang nasa gitna ng panganib na makaka-apekto sa kanilang kaligtasan at normal na pag-unlad na kanilang buhay at pagkatao.

Subalit nakakagalit na ang mismong mga mambabatas natin ang nanguna sa pagtalikod sa mandatong ito. Nakakagalit na ang ating mambabatas ang nanguna pa sa paglabag sa pinakamataas na batas— ang 1987 Konstitusyon.

Taliwas sa gustong palabasin ng marami nating mambabatas na ang nabanggit na panukalang batas ay pro-life at pro-children; ang katotohanan ay ang kabaligtaran: Ang panukalang batas na ito ay pagyurak sa karapatang-pantao ng mga bata; pagwasak sa buhay nila at pagkitil sa kanilang kinabukasan.

Sa pagpipilit na bigyang-katwiran ang nabanggit na panukalang batas, marami na diumano ang kabataan ang lulong sa droga at krimen , ito daw ay isang paraan para mabawasan ang krimen.

Taliwas ito sa ipinapakita ng datos na 2% lamang ng mga krimeng nangyayari ang kinasasangkutan ng bata. Samantala, napakaraming mga politiko at mga mismong nanunungkulang sa gobyerno ang napatunayang gumawa ng krimen at nagnakaw sa kaban ng bayan—- ni hindi pinarusahan; kahit nakakakulong na’y pinalaya naman.

Ang sabi ni Duiterte, hindi raw nya tatantanan ang mga bata.

Mga bata na lamang ba ang kaya (kinakaya at kinakayan-kayanin) ng Administrasyong Duterte? O mas tama bang sabihin na ang ating Kongreso ngayo’y umaastang malaking “bully” tulad ni Duterte?

Sabi ng mga tagapagsulong ng naturang batas, ginagamit diumano ang bata sa maraming krimen. Imbes na habulin ang mga gumagamit sa mga bata upang syang pananagutin sa batas, ang kakastiguhin ay ang mga bata. Pinupuntirya ang mga walang muwang at hindi ang mga taong nasa hustong edad at isip.

Ang sabi ni Panelo, ang siyam na taong gulang daw ay nasa “age of discernment” at alam na raw ang mali sa tama.

Sa napakaraming pag—aaral kaugnay sa juvenile justice, ipinapakita na ang pag-alam sa tama at mali ay hindi nangangahulugang pag-unawa sa kumplikasyon at implikasyon nito at ang “age of maturity” ay halos nagsisimula pa lamang sa edad 16-18 at nagiging ganap sa edad na 25.

Ito ang dahilan kung bakit kinakailangang nasa 18 and edad bago pumasok sa anupamang kontrata. At ito rin ang dahilan kung bakit sa mabigat na kontrata ng kasal, kailangan pang may “parental consent” sa edad na 18; at “parental advise” sa edad na 23. Bakit sa isang krimen na nakasalang ang buong buhay ay hahayaan nang managot sa edad na na 9?

Kahit pa ang sinasabi ng panukalang batas na “confinement” sa Bahay Pag-asa ay pinagandang salitang nangangahulugan ay pagkakulong at pagpapaliit sa mundong dapat galawan ng bata, pagkait sa kanyang kalayaan at hindi magbibigay nararapat na espasyo para sa lubos na pag-unlad ng kanyang pagkatao.

Sa ganitong kalagayan, maging ang karapatan ng mga bata sa edukasyon ay apektado. Kung sa labas ng kulungan ay hindi sapat ang bilang ng kwarto’t guro sa eskwela, paano pa kaya sa loob ng kulungan? Bakit hindi ang pagtutunan ay ang lubos ang implementasyon ng RA 9344 o Juvenile Justice Law, lalo na ang programa nito para sa rehabilitasyon?

Maliwanag na ang panukalang batas na ito ay pagwasak sa kinabukasan ng bawat bata– pandarahas at pang-aabuso sa kabataaan ng mismong mga nasa kapangyarihan. At ang bawat pandarahas sa bata ay pandarahas sa babaeng nagluwal sa kanya.

Ang panukalang batas na ito ay isang tiraniko at sistematikong hakbang upang gawing legal ang nagaganap nang araw araw at walang-pakundangang pag-atake, paghuli at pagpatay sa maraming kabataan sa ilalim ng Gyera laban sa Droga ni Duterte.

Hindi pa nasasapatan ang administrasyong Duterte sa dami ng bilang ng mga inang nawalan ng anak o mga anak na nawalan ng ina at ama.Hindi pa ito nasapatan na ang kanyang mga pahayag laban sa kababaihan ay nagbibigay-daan sa higit pang pang-aabuso at karahasan sa kababaihan.

Hindi pa ito nasasapatan na naglilikha ng takot, ligalig at pagkaka-watak-watak sa hanay ng mamamayan ang kanyang tiranong paghaharing naka-back up ang mga pinakamalalaki at pinaka kurap na mga trapo na wala ring pag-respeto sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan tulad ng mga Marcos at Arroyo.

Nais ni Duterte ang isang kimi at takot na henerasyon syang sinanay nya sa kanyang pahaharing walang paggalang sa batas at proseso. Isang seksyon ng populasyon na tinanggalan nya ng kapasidad na kwestyunin at salungain ang kanyang layon sa higit pang magtamasa ng kapangyarihan lagpas sa ipinahihintulot ng kasalukuyang Konstitusyon. Nais nila na ang tagapangmana ng ating lipunan, ang kabataan ay dungo sa kahirapan at ginawang pipi ng karahasan.

Huwag natin payagan ang malagim na kinabukasan na ito. Kung nakasalang ang interes ng mamamayan, tulad ng ating mga kabataan, walang lugar ang panukalang batas na ito sa isang demokratiko at sibilisadong lipunan.

Higit kailanman, kailangan nating sama-samang kumilos para sa buhay at dignidad ng bawat bata. Lumaban tayo para sa makaatao, demokratiko at soberanong karapatan ng bawat mamayang lumalaban. Ang pakikibakang ito ay para sa ating kinabukasan. Ito ay isang yugto sa nagpapatuloy na pakikibaka para sa kalayaan at demokrasyang bayan

#ragepinay
#resisttyranny
#eskwelahanhindikulungan

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s