“Ang takot namin ay mamamatay kami sa gutom, hindi sa COVID virus.”
Yan ang sagot sa amin ng isang lider babaeng katutubo mula sa Bukidnon nang kumustahin namin sila. Halos ganyan din ang sagot ng mga katutubong kababaihan mula sa Saranggani, Palawan, Oriental Mindoro, Zambales at General Nakar sa Quezon, habang sila ay nababahala sa epekto ng mga polisiya ng pamahalaan bilang tugon sa COVID-19.
Bagama’t maganda ang balitang walang nare-report na may COVID-19 infected sa mga indigenous communities, malaki ang pagkabahala ng mga katutubong kababaihan dahil sa ang isa sa pinakamalaking epekto ng “lockdown”, ay ang kawalan ng kaseguraduhan sa pagkain.
“Maagang dumating ang tag-init ngayon sa amin. At ang tindi. Nangamatay ang mga tanim namin – palay, pinya, at mga gulay,” ang kwento ng isang B’laang babaeng lider. “Kaya wala pa ang usaping COVID-19, naghahanda na kami sa panahon na taggutom. Pero sa pagdating ng lockdown, walang mga transportasyon, hindi man kami maka-diskarte para kumita ng pera.”
Ganito rin ang kwento ng Higaonong lider mula sa Bukidnon. “Dahil sa tagtuyot, hindi maganda ang ani namin. Kaya marami sa amin ang namamasukan muna bilang laborers sa ibang sakahan, o di kaya bilang construction workers, o domestic help. Pero dahil sa marami ngayong restrictions, marami ang nahinto muna sa trabaho – kung hindi man dahil pinahinto mismo ng kanilang amo para iwas ang pagkahawa, ang iba ay nahinto dahil sa mahirap ang transportasyon papuntang trabaho.”
Sa ibang may mga naitanim, at gustong magbenta ng kanilang gulay at prutas, may mga takot na lumabas; meron namang lumalabas kahit takot pero, walang masakyan o kung makarating man sa bayan, halos wala naman daw bumibili sa kanila.
“May makakain kaming mga gulay at kamote na nakatanim sa aming bakuran. Pero hanggang kelan na ganito lang kami? Walang bigas, walang isda man lang, dahil wala kaming pambili,” sabi ng lider Aeta mula sa Zambales. “Naka-asa ako sa aking pinapasukang pag-aalaga ng matanda, sa araw-araw. At ang asawa ko ay arawan din sa bukid. Ngayon, tigil lahat.”
At paano kung magkasakit sila – dala ng tindi ng init ng panahon, ng kawalan ng tamang sustansya mula sa kakulangan sa pagkain, sa tindi ng pag-aalala sa anong pwedeng mangyari sa kanila – ano ang kakayanan nila na labanan ito? Ang iba ay may access sa mga traditional medicines. Pero kung COVID-19 ang dumating? Wala talaga silang panlaban – walang pambili ng gamot, at napakalayo ng health center. Pano na nga ba?
Ang krisis dulot ng COVID-19ay pinatitingkad ang palalang “inequality” o di pagkakapantay-pantay sa ating lipunan. Bago pa man ang krisis na ito, hirap na ang mga pamayanan sa kanayunan, lalo’t higit ang mga katutubong kababaihan at kanilang pamilya. Ang epekto ng pagbabago ng klima ay isa sa mga pasanin ng mga magsasaka at vegetable growers – ang sobrang ulan at ang matinding tag-init ay sumisira sa kanilang mga pananim. Karamihan pa sa kanila ay inaagawan ng kanilang lupaing ninuno ng mga dambuhalang proyekto para pagkakitaan ang likas yaman – malawakang pagmimina, mega dams, at malalawak na mga plantasyon. Patuloy ang militarisasyon sa mga katutubong pamayanan na syang dahilan ng pagbabakwit. Kaya ang pagdating ng COVID 19 krisis, ay malaking dagok sa mga katutubong kababaihan na syang pangunahing abala sa pagsisiguro ng pagkain para sa pamilya. Mas mahirap para sa kanila ang harapin ang krisis na ito – ngayong simula ng tag-araw, wala silang sapat na ipon na pagkain ngayong lockdown, lalo nang walang ipong pera para pang tustos sa araw-araw na walang trabaho.
Marami sa kanila ang umaasa sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Pero napakagulo ng mga impormasyong nakukuha mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na syang pangunahing nagpapatupad nito. Ang pinaka huling anunsyo nila ay mag tuloy-tuloy daw ang serbisyo ng DSWD. Magpapatupad daw ng “force majeure” ang programa sa lahat ng mga benipesyaryo nito, bilang pagtugon sa deklarasyon ng Presidente Duterte ng Public Health Emergency. Kaya “pansamantalang matitigil ang pagmomonitor sa pagsunod ng mga benepisyaryo sa mga kondisyon ng programa at awtomatiko silang makakatanggap ng tulong-pinansyal para sa edukasyon at kalusugan simula buwan ng Pebrero haggang sa matapos ang deklarasyon ng Pangulo.” (mula sa website ng DSWD) Ibig sabihin – wala munang mga Family Development sessions, hindi na muna iche-check kung nagpa check up ang nanay sa health center, o iche-check ang school attendance ng bata. Derechong pay out kagad.
Ang deklarasyon ng Pangulong Duterte ng Public Health Emergency (Proclamation No. 922) ay binaba nung ika-8 ng Marso, 2020, na epektibo sa loob ng anim na buwan, pwera na lang kung tatapusin ng mas maaga ng Presidente. Ito ay nagsasabi na mas paiigtingin ang tugon ng pamahalaan, at sisiguraduhin na ang mga ahensya at lokal na pamahalaan o LGUs ay may kakayanan na gamitin ang lahat ng rekurso ng pamahalaan para ipatupad ang mga urgent at kritikal na tugon sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19.
PERO – ang mga reports na nakukuha namin – wala pang laman ang accounts ng mga nanay sa ilang mga lugar, mula Pebrero pa. At ang sabi din, hinto muna ang over-the-counter na pagkuha ng ayuda. Sa ibang lugar tulad ng sa Midsalip, Zamboanga, ang mga Subanen na senior citizens ay di rin nakakatanggap ng kanilang pension. Wala pa rin daw nag-iikot na mga barangay upang mag-bigay ng suporta. “Ni wala man lang anunsyo o balita kung may plano ba o may ginagawa ana ba ang barangay namin para matulungan ang mga mamamayan,” ayon sa isang Mangyan lider mula sa Oriental Mindoro.
Ang nakita nating tugon ay ang mabilis at malawak na pagpapakalat ng mga militar at kapulisan sa ga checkpoints. Ang paulit-ulit na pananakot ng Presidente ay dapat sumunod, kung hindi, huhulihin. Pero hindi natutumbasan ito ng sigasig sa pagpapabilis at pag-aayos ng sistema ng pagtulong, pag-alalay at pag-suporta.
Sa konkreto, dapat mas may sistema ang DSWD na mas mapabilis ang pagpapa-abot ng suporta sa mga nangangailangan, at sa mga bulnerableng pamayanan. Dapat mas maging malinaw ang mga pahayag at mekanismo ng DSWD – hanggang sa community level. Para sa 4Ps, ibigay na ang Pebrero at Marso. Ihanda na ang Abril. Gayundin sa mga susunod pang buwan. Kailangan mas maging maagap, dahil ang bawat isang araw ng pagka-antala ay maaring katumbas ng kalusugan, o buhay ng mga katutubong mamamayan.
Ang mga barangay ang dapat ay nag-iikot na, para alamin sino sa kanilang mga constituents ang nangangailangan ng pagkain, at ng tulong. Mayroon namang pondo, ayon sa Presidente, kaya walang dahilan para magpatumpik-tumpik pa.
“Nangangamba ako kung makakarating ba talaga sa amin ang suporta ng aming barangay. Alam po nila na kritikal kami sa gawain nila, at di kami kampi sa Mayor. Nung isang araw nong Pebrero, pinatawag ako ng barangay, at pinapipirma sa petition na sumusuporta sa pederalismo. Tumanggi po ako, at ang sabi ko ay kailangan magdaos muna tayo ng mga diskusyon sa pamayanan,” ayon sa isang lider katutubo mula sa Zambales. “Ang sabi sa akin, bahala ka.”
Maraming reports na natatanggap kami sa LILAK, noon pa, na sa panahon ng bagyo, o kalamidad, hindi nakakatanggap ang mga lider katutubo ng ayuda mula sa barangay – dahil malayo sila, o di sila kampi. Sa ibang lugar pa nga, ang sabi ay sanay naman sila sa hirap. Sa ating pagsugpo ng COVID-19 virus, dapat ding puksain ang malalang diskriminasyon laban sa mga katutubo.
Sana, dapat, iba na ang kalakaran ngayon. Obligasyon ng pamahalaan – mula sa Malacanang hanggang sa barangay, na siguraduhing may suporta ang mga mamamayan, lalo na ang mahihirap at nangangailangan. Kailangang siguraduhin na lahat ay may kakayanan na maigpawan ang krisis na ito – ng may pag-asa at may dignidad.
Kumakatok din po kami sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Kumusta po kayo? Nasan na po kayo? Aktibo po kayo sa pagpapatupad ng EO70 o Creating a National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Ang kalaban po ngayon ay COVID-19, at kahirapan ng mga katutubo na harapin ang araw-araw ng buhay. Sana po magpakita rin kayo ng sigasig sa pagtulong at pagpuksa ng gutom at kahirapan ngayong krisis na ito.
Magpalabas sana kayo ng tulong – bigas, mga pagkaing tatagal, para sa mga katutubong mamamayan na dapat ay pangunahin nyong kinakalinga. Sana, dapat, ngayon na.
“May awa ang Diyos, malalagpasan din namin ito,” sabi ng B’laan lider.
Pero hindi awa ang hinihingi ng mga katutubong kababaihan mula sa pamahalaan, kundi ang obligasyon nitong magserbisyo sa lahat ng mamamayan, lalo’t higit sa mga nangangailangan.
Kailangang kumilos ng maagap, sistematiko at mapagkalinga ang pamahalaang Duterte lalo na ang DSWD, ang barangay LGUs, at ang NCIP. Tama na ang mga polisiyang ibinaba patungkol sa mga lockdown, at checkpoints. Kailangang magpakita ng malasakit sa mga katutubong kababaihan at sa kanilang mga pamilya, at sa lahat ng mamamayan.
Kilos na, Ngayon Na.
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.
Like this:
Like Loading...