[Statement] Tuwid nga ba kung walang paninindigan sa karapatang pantao? -FIND

Tuwid nga ba kung walang paninindigan sa karapatang pantao?

Nang hindi nabanggit ang usaping karapatang pantao at hindi naging bahagi ng tema sa SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Noynoy Aquino noong Hulyo 25, 2011, nabahala ang mga organisasyong tagapagtaguyod ng karapatang pantao. Higit sa lahat, labis itong ikinabahala ng mga pamilya at kaanak ng biktima ng enforced disappearance o sapilitang pagwala. Walang linaw at katiyakan ang usaping karapatang pantao sa ilalim ng pamunuang Aquino. Lalong walang linaw kung makakamit nga ba ang hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Nitong nakaraang panahon minabuti ng Senado at Kamara na ipasa ang panukalang batas laban sa enforced disappearance. Kinakailangan na ngayon ihapag sa isang Bicameral Conference Committee upang tuluyang maging isang batas. Magsisilbing mabigat na tulak sana kung manggaling sa Pangulo ang pagsasakatuparan nito.

Subalit ang kakulangan ng paninindigan mula sa Pangulo hinggil sa usaping pangangalaga, pagtataguyod, pagpapatupad at pagtatanggol ng mga karapatan ng mamamayan ay nagpapahiwatig ng baluktot na sinyales sa mga ahensiya ng gobyerno. Patunay dito ay ang panlalamig ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pangunahan at itulak ang pagpirma at pagsang-ayon sa International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance. Itong kawalan ng human rights agenda na magsisilbi sanang gabay ng pamahalaan ay mas lalong nagpapalakas ng loob ng mga masasamang elemento sa gobyerno at ng mga taong kasabwat nila upang tahasang labagin ang karapatang pantao ng kanyang mamamayan.

Katunayan, patuloy na tumataas ang bilang ng mga dinukot at pilit iwinala sa ilalim ng pamunuang Aquino. Ayon sa tala ng FIND ay umaabot na sa 17 ka-tao ang iniulat na iwinala, 7 sa mga ito ay hindi pa rin natatagpuan hanggang sa ngayon. Katulad na lamang ng tatlong iskolar ng Islam; sina Najir Ahung, 38, Rasdie Kasaran, 21 and Yusup Mohammad, 19 pawang mga taga Al-Barka, Basilan na dinukot ng mga pinaghinalaang ahente ng gobyerno sa loob mismo ng Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport noong Enero 3, 2012; Si Daryl Fortuna at Jinky Garcia kapwa estudyante, huling nakita noong Marso 9, 2010 na nananaliksik tungkol sa pinsala dulot ng malawakang pagmimina sa Masinloc, Zambales. Patuloy pa ring naghahanap ang kanilang mga magulang hanggang sa kasalukuyan.

Malinaw na may naiambag na ang kasalukuyang rehimen sa kabuohang bilang na 2,201 na mga biktima ng enforced disappearance simula pa sa panahon ng diktaduryang Ferdinand Marcos. Tiyak, hindi ito ang tipong pamana na nais iwanan ng administrasyong PNoy at kanyang tuwid na daan.

Mananatiling hungkag ang “landas ng katapatan at integridad sa pamamahala” ng Administrsyong Aquino hangga’t walang malinaw na paninindigan hinggil sa karapatang pantao, lalo na sa usaping enforced disappearance na kasalukuyang nakasalang sa Kongreso. Kung tunay nga na nagtatrabaho ang gobyernong ito para sa mamayang Pilipino, ay nararapat na bigyan ng atensyon at prayoridad ang mga sumusunod:

Ang pagharap at pakikipagtalakayan sa mga lider ng mga Human Rights Organizations upang mas lalong makatulong at makapagpapabilis ng pag-intindi ng Pangulo sa usaping enforced or involuntary disappearance;
Hikayating ang kaagarang pagpulong ng Bicameral Conference Committee upang pag-isahin at maisumite para lagdaan ang Anti-enforced Disappearance Law of 2011;
Simulan na ang proseso ng pagratipika at pagsangayon ng Estado sa International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (ICPAPED) sa pangunguna ng DFA.

Ito ay ilan lamang sa mga kongkretong paraan upang patotohanan ni Pangulong Noynoy Aquino na ang sambayanang Pilipino nga ang kanyang tinatawag na Boss.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.