[Statement] Isulong ang Karapatang Pantao, Bagong Pulitika, Bagong Ekonomiya, Bagong Sistema -FDC/PAHRA/KonTRAPOrk

Pahayag sa Okasyon ng 2014 State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Benigno Aquin0 III.
Isulong ang Karapatang Pantao, Bagong Pulitika, Bagong Ekonomiya, Bagong Sistema
Bulok at Huwad ang “Tuwid na Daan”
Muling nagigising ang buong bayan samapanlinlang na panunungkulan ng gobyernong Aquino. Bulok at huwad ang “Tuwid na Daan.”Bigo ang masang Pilipinong makaahon mula sa gutom at kahirapan.Mula kay Cory na nangako ng tunay na demokrasya pagkabagsak ng diktadura,walang natupad sa mga pangako ng lahat ng mga administrasyong umupo sa Malacañang.Nananatiling pangarap ang pagtatamo ng kaginhawaan at katarungang panlipunan na nagtutulak sa mamamayan upang paigtingin ang pakikibaka para sa tunay na pagbabago sa pulitika, ekonomiya at sistemang panlipunan.
Ang Pangulong Noynoy (PNoy) na mismo ang sumira sa kanyang “Social Contract” sa taumbayan. Nabugok ang pangakong mabilis na pagpapatupad ng hustisya, trabaho para sa lahat at mga serbisyong panlipunan na magpapalaya sa madla mula sa kahirapan at inekwalidad. Umaalingasaw ngayon ang gobyerno sa iskandalo ng pangungulimbat at pandarambong sa pera ng bayan at pang-aabuso sa kapangyarihan. Nitong huli, sa deklarasyon nitong ilegal ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ni Aquino at Abad, ang Korte Suprema na ang naglantad sa tunay na anyo ng administrasyong Aquino bilang bulok, abusado, elitista at trapo.
Walang makabuluhang reporma at kaginhawaang natamo ang sambayanan sa ilalim ng gobyernong Aquino. Pinapasasaan ng iilan ang ekonomiya, bagsak ang mga sektor ng agrikultura at industriya, kakaunti ang mapagkukunan ng trabaho at kabuhayan, palpak ang reporma sa agraryo, laganap ang kagutuman at kahirapan, matindi ang inekwalidad, tumitingkad ang imperyalistang panghihimasok sa bansa, patuloy ang karahasan at paglabag sa karapatangpantao, lumalala ang pagkasira ng kalikasanat krisis sa klima. Ang epekto ng lahat ng ito ay lalong pinabigat ng malawakan at iskandalosong pandarambong sa pera ng bayan dulot ng grabeng katiwalian sa lahat ng antas ng pamahalaan.
Itinuloy ang Mapang-aping Neoliberal naKalakaran, Ekonomiya’yPinapakinabangan ng Iilan,
Karapatang Pantao ay Tinatamaan
Patuloy naibinukas ng administrasyong Aquino ang ekonomiya ng bansa sa kontrol ng mga dambuhalang korporasyon na ang pangunahing layunin ay pagkakitaan ng husto ang pagbebenta ng mga produkto at serbisyo sa mamamayan. Limampu’t pito (57) pang proyekto ang nakasalang sa programang Public-Private Partnership at kasama rito ang sektor ng serbisyo sa tubig, kuryente at transportasyon. Kaya, lumalago raw ang ekonomiyapero abot-langitang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa tubig, kuryente, kalusugan, edukasyon at pampublikong transportasyon. Samantala, sagad-lupa ang sweldo at laganap ang kontraktwalisasyon at kawalan ng trabaho.At dahil nakaasa sa mga malalaking pribadong korporasyon, hanggang ngayon ay hindi naglalaan si PNoy ng sapat na pondo para sa mga pinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayang biktima ng mga kalamidad na tulad ng superbagyong Yolanda.
Sa halip na paunlarin ang sektor ng industriya at agrikultura na pangunahing nagpapa-usbong ng bago o dagdag na yaman at trabaho, tila umaasa na lang ang administrasyong Aquino sa pagdagsa ng mga call centers, sa bilyun-bilyong dolyar na padala ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at sa paulit-ulit na pangungutang upangtakpan ang kakapusan nito sa pera para sa taunang pambansang budget.Kaya, mula 2010 hanggang 2013, lumobo ng 20.41 porsyento at umabot sa P7.5 trilyon ang utang ng Pilipinas. Ang perang inutang, kasama ang buwis ng mamamayan, bukod sa ipinambayad sa mga dating utang na hindi napakinabangan ng bayan, ay ginamit pang pangsuhol at ninakaw ng mga tiwaling opisyaltulad ng nangyari sa pamamagitan ng DAP at ni Napoles.Kakarampot at tira-tirang pondo ang napupunta para sa mga serbisyong panlipunan at pang-ekonomiya. Nitong huli, sa halip na manindigan ang administrasyong Aquino na kanselahin ang napakabigat na utang ng Pilipinas para sana ibuhos ang pampublikong pondo para sa rehabilitasyon ng mga sinalanta ni Yolanda, nangutang itong muli ng halos US$ 2 bilyon para sa mga proyektong hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ng mga biktima ng superbagyo.
Sinasalamin ng mga opisyal na datos ang mapait na katotohanang hinaharap ng mga mamamayan:
• Lugmok ang sektor ng agrikultura dahil sa kawalan ng suporta mula sa gobyerno. Ang kalagayang ito ay lalong pinalalala ng ampaw na pagpapatupad ng repormang agraryo at kawalan ng prayoridad sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-adaptasyon sa tumitinding epekto ng pagbabago ng klima (climate change). Nitong 2013, tinamo ng sektor ng agrikultura ang tinatayang 74 porsyento ng kabuoang pinsalang idinulot ng mga kalamidad. Mahigit 600,000 ektaryang sakahan ang nasirasapananalasa lang ng bagyong Yolanda. Hindi langkabuhayan ng mga magsasaka ang nawawasak, nanganganib din ang seguridad sa pagkain ng mamamayan.
• Tinatayang dalawa (2) sa bawat sampung mag-anak o 30 milyong katao ang mahirap batay sa sukatan ng gobyerno na kinakailangan ng P16,841 taunang sahod para matustusan ng pamilya ang mga pangangailangan nito (poverty threshold). Napakababa na ng sukatang ito. Iginigiit ng Partido ng Manggagawa na kailangan ngayon ang P1,200 arawang sweldo para mabuhay ng sapat at may dignidad ang bawat pamilyang Pilipino. Samantala, walang trabaho ang apat (4) sa bawat 10 Pilipinong kabilang sa lakas-paggawa at mahigit pitong (7) milyon ang underemployed. Umabot na sa 2.2 milyon noong 2012 ang nakipagsapalaran sa labas ng bansa, na nadagdagan pa ng 157,681 OFW mula Enero hanggang Marso nitong taon.
• Papatindi ang inekwalidad sa ating lipunan. Napunta ang 60 porsyentong paglago sa ekonomiya noong 2013 sa iilang pamilyang bumubuo ng 15 porsyento ng buong populasyon ng Pilipinas. Kumikita ang mayayamang pamilyang ito ng mahigit sa 10 beses ng halaga ng poverty threshold.
• Nananatiling lubhang mababa sa itinakdangpandaigdigang pamantayan ang pondong inilalaan para sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan (6 porsyento ng GNP dapat para sa edukasyon at 5 porsyento ng GDP para sa kalusugan).Kaya,nanatiling 60 porsyento lamang ng kababayan natin ang nakakatapos sa mataas na paaralan at mahigit 50 porsyento ng gastos sa serbisyong pangkalusugan ay nanggagaling sa bulsa ng mamamayan.
• Itinuloy at pinalawak pa ni PNoy ang Pantawid Pamilyang Pilipino (4Ps o CCT) ni Arroyo upang diumano’y makatapos sa mataas na paaralan ang mga batang kasama sa programang ito. Maliban sainutang ang pondo para rito, nagtipid na naman ang gobyerno sa halip na magtakda ng porsyento mula sa GDP na sasapat para palakasin ang kapasidad ng mamamayan na makaahon sa kahirapan. Wala rin garantiyang makakahanap ng trabaho at matatag nakabuhayan ang mga pamilyang umaasa rito.
Hindi lang karapatan sa buhay na may dignidad ang nilalabag ng administrasyong Aquino, laganap pa rin ang pagyurak sa karapatang sibil at pulitikal.
• Tatlong taong pinaghirapan ng mga organisasyong nagtataguyod ng karapatang pantao ang National Human Rights Action Plan ngunit ibinasura ito ng pamahalaanat hindi sinuportahan ng Commission on Human Rights.
• Naipasa ang batas naAnti-Enforced or Involuntary Disappearance noong 2012 ngunit umaabot na sa 27 ang desaparecidos sa panahon ni PNoy.
• Naipasa angAnti-Torture Law noong 2010 ngunit patuloy ang mga insidente nito. Sa kalahatian pa lamang ng taong 2014 , 40 na ang torure cases sa Region IV pa lamang kasama ang 26 na biktima ng “Wheel of Torture” sa Laguna
• Mayroong batas para sa kumpensasyon ng mga biktima ng Martial Law ni Marcos ngunit ang itinalaga sa pamunuan ng Compensation Board ay isang heneral mula sa kapulisan at wala ring suporta ang gobyerno para sa pag-aasikaso ng mga kaso at dokumentasyon ng mga biktima.
• Hindibababa sa 10 ang mga Human Rights Defenders na nagtataguyod sa yaman ng kalikasan kasama na ang lumalaban sa malawakan at mapanirang pagmimina ang pinatay, kasama dito ang mga katutubo at mga misyonaryo ng simbahan
Mga Proyekto at Planong Itinago sa Publiko
Una, palihim na pumasok sa negosasyon at pinirmahan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagbigay ng legal na permiso para sa itayo sa buong Pilipinasang base militar ng mga Amerikano. Ito ay taliwas sa nakasaad sa Saligang Batas/Konstitusyon na nagbabawal sa pananatili sa bansa ng mga banyagang tropang militar at sa pagdadala at paggamit dito ng kanilang mga armas o sandatang pangdigma at nukleyar.
Ikalawa, walang kamalay-malay ang publiko at maging ang Kongreso sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na naglipat ng budgetng bayan mula sa dapat nitong alokasyon papunta sa ibang proyektong piniling pondohan ni PNoy, kasama na ang sinasabing isinuhol sa mga Kongresista para patalsikin ang dating punong mahistrado ng Korte Suprema.
Sa parehong pagkakataon, walang naganap na konsultasyon sa publiko kahit ang mga isyung ito ay may kinalaman sa pangkalahatang interes ng mamamayan. Maliwanag angpanloloko at pang-aabuso sa kapangyarihan.Ano pa kaya ang mabahong bombang itinatago ng administrasyong Aquino na bigla na lamang sasambulat sa kaawa-kaawang masang Pilipino?
Tama na, Sobra na ang Apat na Taong Huwad na “Tuwid na Daan”
Gumigising na ang mamamayan mula sa mahabang panahong panloloko ng mga ilusyong ibinenta ng mahusay na propaganda ni PNoy. Bistado na ang mga kasinungalingan at buladas. Sapat na ang apat na taong pagtitimpi, paninimbang at pag-asa sa mapagkunwaring ginintuang itlog ng “pagbabago.” Penoy pala, bugok at huwad.
Tuluyan nang iwaksi ang mga ilusyon. Panahon na ng pagbangon, pagkilos at pakikipagtuos. Walang maasahang manunubos kundi ang sama-samang pagkilos ng mamamayan upang muling angkinin angkatarungan, kalayaan at kaginhawaan para sa lahat.
Isulong ang bagong pulitika, bagong ekonomiya, bagong sistema!
Itakwil ang elitista, tiwali at trapong Gobyernong Aquino!
28 Hulyo 2014
Para sa Ugnayan: Don Pangan, Media Liaison Coordinator, +63932 872 6168
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.