[Right-up] Hamon Sa Mga Makatang Pugante -ni Rene Boy Abiva

Hamon Sa Mga Makatang Pugante
ni Rene Boy Abiva
Bago ka magsimulang humabi ng mga salitang Victorian
at iputong sa ‘yong ulo ang gintong laurelya
mainam na hubarin mo ang ‘yong sapin sa paa
gayundin ang balanggot ng ‘yong kaluluwa.
Kung tunay kang ‘di pugante
ay bakit ‘di mo gawing isang napakalaki
at napakalapad na papel
ang magaspang, maputik at maalikabok
na kapirasong lupa kung saan ka
nakatayo na waring isang bulaklak na sumibol
sa gitna ng disyerto
ng mga kalansay at bungo?
Bakit ‘di mo gawing bida
ng ‘yong mga obra
silang mga nakadungaw at nakatanghod
sa kulay dagat na langit
silang mga yayat ngunit butete ang tiyan
silang amoy panis na laway at pawis
silang ang mata’y waring sa mata ng uwak
na gutom, gutom na gutom?
Kung tunay kang ‘di pugante
ay bakit ‘di mo damputin ang ‘yong sariling anino
at gamitin ito bilang ‘yong pluma
at iukit mo sa dibdib ng nilalagnat na daigdig
-ang init at kirot ng lipunang wari
sa isang bulkang malapit nang sumabog
at nagpupumiglas na mga atungal
dulot nang labislabis na pagpapagal
sa kalawakan ng kahirapan
at dagling buhay at kamatayan?
Dito ka susukatin at hahatulan
kasama ng ‘yong panitik ng kasaysayan
na madalas mong banggitin, landiin at paglaruan-
kung kaisa mo ba hanggang sa huli
ang mga hinabi mong titik
o likas na hinabi mo lamang sila
upang ika’y makaani ng mga papuri
matapos mong bulagin ang mga ‘di mo kauri?
Kung pugante ka nga’y higit na mainam gawing balot ng iyong kabaong
ang madalas mong sambahing kurtina ng venetian
na naghihiwalay sa ‘yo at sa buong uniberso
ng mga taong tinik na bakal ang korona sa ulo.
Enero 13, 2019
Lunsod ng Quezon, Maynila
*Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.