[From the web] Paalam, Ms. Education by Merck Magudayao

Paalam, Ms. Education
by Merck Maguddayao
March 15, 2013
Nasubukan niyo na bang makulangan ng pamasahe? Yung tipong nagpa-xerox ka ng bulto-bultong readings tapos, shit, ganun pala kakapal yung pina-xerox mo. Yung tipong, nage-expect ka ng sweldo sa akinse, tas pagsilip mo sa atm mo, insufficient funds pa, at sa tatlong araw pa maki-clear ng bangko ang paycheck mo. At shit, sasampung piso na lang pala laman ng bulsa mo. Nasa Diliman ka, at sa Pasig ka pa uuwi.
Hindi birong makulangan ng pera. Kung mas makapal pa ang nakatagong business card, love letter ng syota, o mga naipong Form 5 kesa sa lamang pera ng pitaka mo, mapipilitan kang maglakad pauwi. Swerte mo kung may bike ka para di ka na namamasahe. Swerte mo kung ligtas mag-bike sa EDSA o Commonwealth. Malas mo kung ni pambili ng bike, wala ka.
Hindi birong makulangan ng pera. Una, pag wala kang laptop, kailangan mong mag-rent sa computer shop para maisulat mo yung finals papers mo. E paano yung pa-print. Maiha-hand written mo ba ang 10,000 word na thesis? E kung matyaga kang magsulat nang mano-mano, may pambili ka ba ng bond paper na pagsusulatan nun? Paano mo maipapasa ang sem kung ni pambili ng bond paper, wala ka? Kung pamasahe, wala ka. Pang-meryendang monay, wala ka. Mga nagmamalasakit na kaklase, wala ka. Mga aktibistang lumalaban sa karapatan mong mag-aral, nawawala na?
Sa nagpakamatay na freshman ng UP Manila na naibalita kanina lang, nakikita ko ang nilikha namin ng kartunistang si Mikey Marchan at ng Six Will Fix Campaign team na si Ms. Education, ang comic character na sumasalarawan sa maralitang UP student.
Nakikita ko si Ms. Education sa nakasabay kong kumain sa Istarbak noong 2007, ang unang taon ng tuition increase sa UP, kung saan nagtaas ang matrikula mula P300 per yunit, sa kasalukuyang P1,500 per yunit. Kasama ang isang kaibigan, kinekwento niya na ibebenta ng magulang niya ang kalabaw nila sa probinsya para lang makapasok sa Bracket C ng tuition, kung saan may discount at malalagay lang sa P600 kada yunit ang matrikula. Isang estudyanteng promdi na nakaasa sa kalabaw ang matrikula, at nagla-lunch sa isang mumurahing karinderya kung saan lasang pansit ang spaghetti at lasang spaghetti ang pansit.
Nakikita ko si Ms. Education sa dalagang nagtitinda ng Dried Mangoes nung nagpalipas ako ng oras sa isang bench sa AS Walk. Pang-tuition daw niya at kelangang maka-quota sa araw na yun.
Nakikita ko si Ms. Education sa mga batang nagtitinda ng danggit at tuyong pusit sa isang highway sa Pangasinan. Pagbaba mo ng sasakyan, marami silang papalibot sayo, sabay-sabay magpapataasan ng boses at magpapababaan ng presyo para lang mabenta ang kanilang “special” danggit. Para raw may baon sila sa eskwela kinabukasan.
Nakikita ko si Ms. Education sa mga dalagang nakatambay sa mga bangketa ng Aurora Boulevard sa Cubao kapag mga alas-diyes na ng gabi. Sisitsitan ka ng kasama nilang ale at aalukin ng panandaliang aliw. Ilan kaya sa kanila ang nag-aaral sa kolehiyo?
Sinasabi ng iba, kailangang malalim ang dahilan para magpakamatay. Ang sabi ng iba, mga hibang lang ang nagpapatiwakal. Hindi sapat na dahilan ang kawalan ng pera.
Pero paano pag may pangarap ka? Ambisyon na maiahon ang pamilya sa karukhaan. Ambisyon na sa magiging mga anak mo, hindi nila maranasan ang nararanasan mong hirap.
Sa atrasadong mundong ito, kung saan nakabatay ang iyong pagkatao, ang iyong dignidad, ang iyong survival, sa kakayanan mong bumili ng mga bagay-bagay, aba, tila mas may ginhawa kung mawala ka na lang na parang bula. Ba’t ba mag-aaral pa kung may mga taong kumikita ng bilyon-bilyon sa pamamagitan ng pagpapahirap sa nakararami? Ba’t ba kailangang magkadiploma kung ang halaga lang nito ay pagpapahirap sa iyo bilang isang kontraktwal na empleyado?
Paalam, Ms. Education. Ang lipunang sinusukat ng numero, ng abstraktong estadistika, ng pera ay sadyang miseducated. Malamang, sa kinaroroonan mo ngayon, walang TOFI at STFAP.
https://www.facebook.com/notes/merck-maguddayao/paalam-ms-education/10151295816737085
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.