Tag Archives: Rapha-el Olegario

[Blogger] ‘Till DEATH do us part – olegs87.wordpress.com

by Rapha-el Olegario
olegs87.wordpress.com
KAMPAY!

Hanggang saan ang hangganan sa pagsisilbi lalo sa mga kapatid na kapus-palad at biktima ng kawalan ng katarungan sa ating lipunan? Hanggan saan? Kamakailan lang, ay nanggaling ako sa isang seminar patungkol sa ”Spirituality of Stewardship and Service”. Sponsored ito ng Socio-Pastoral Institute (SPI) at ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) na kungsaan, layon nila na palaganapin ang kahalagahan ng stewardship sa mga taong gobyerno. Maganda ang hangarin nila na palaganapin ito pagka’t kailangan talagang tulungan ang pamahalaan partikular ang pangulo na mamuno sa ating bansa at sa pamamagitan ng stewardship, pinapakita ang kahalagahan ng kanilang tungkulin bilang mga LINGKOD BAYAN o sa ingles ay public servant. Naalala niyo pa yung una kong blog tungkol sa lingkod bayan? Kung ano ang depinisyon ko sa lingkod bayan sa una kong blog ay siya rin ang gusto naming ipaalala sa kanila.

Siguro nga, merong spirituality sa paglilingkod sa bayan. Lalo sa bayang marami ang naghihikahos. Ang pagsisilbi nga naman talaga ay dapat walang kapalit na malaking halaga. Kaya ang ”totoong” pagsisilbi ay isang spiritual na paglalakbay pagka’t nakikita natin ang sarili natin na kasama at kaisa natin ang mga kapuspalad nating mga kapatid upang maiangat natin ang kanilang dignidad bilang tao at umunlad sa buhay. Tulad ng ginawa ni Hesus! Nagsilbi siya sa mga tao lalo sa mga mahihirap at kahit mga hindi Hudyo! Wala siyang pinipili kung ’di ang mahihirap. Preferential option for the poor kung baga, kaya yung misyon niyang iyon ang naging hudyat ng kanyang kamatayan pagka’t alam niya, na sa pagsisiwalat ng kabulukan ng sistema ng lipunan at pagmumulat ng isipan ng mamayan lamang makakamtan ang “new heaven and new earth”. Kaya ba nating tapatan ang sakripisyo na ginawa niya upang iangat ang buhay at dignidad ng tao?

Kahapon lamang ay nakilala ko ang dalawang Sri Lankan. Clueless ako sa kanilang pakay at nagulat pa ako nung sinama ako nila bosing upang makausap sila. Bilang isang mabuting “steward” siyempre hindi na ako tumaggi. Pinabasa sa akin ang liham at ayon sa sulat nila, isang knowledge sharing ang gusto nila. Gusto nilang malaman kung ano ang ginagawa ng TFD lalo sa sitwasyon ng Pilipinas at ano ang mga paraan upang magkatulungan ang dalawa. Nang makilala namin sila, binigyan nila kami ng “natsit” ng bansa nila. Mas grabe pa sitwasyon ng bansa nila! Parang martial law ni Makoy! Sa pagtatanong, siniwalat din nila na nangangannib ang buhay ng mga human rights advocates at defenders ng bansa nila. Gawa na din ng counter-insurgency campaign ng gobyerno nila laban sa Tamil Tigers at mga supposedly supporters nila, kasama na dito ang mga human rights defenders, particularly sila. Tulad dito, basta basta nalang dinudukot ang mga human rights defenders! Mapalad nalang kung sila ay matatagpuan sa kulungan. Karamihan sa kanila ay hindi na natatagpuan.

Eh alam pala nila na nanganganib ang buhay nila at tukoy na tukoy sila bilang mga human rights defenders, bakit pa sila babalik? Naalala ko na dalawang beses itinanung iyon sa dalawa naming panauhin. Ang sinabi nalang nila, expired na ang tourist visas nila sa ating bansa. Wala na din silang resources dito kaya minarapat nalang nila na bumalik. Ginawa namin ni Egay, isa kong katrabaho ang aming tungkulin. Nagbigay kami ng orientasyon tungkol sa natsit ng ating bansa at ang aming opisina. Nagtanong sila kung sa paanong paraan kami makakatulong at mga humingi sila ng mga ideas kung paano mag-share ng info ng hindi mahuhuli? At ano ang maaaring gawin upang ma-inspire at mawala ang takot ng mga tao upang lumaban? Binahagi namin ang mga naging karanasan namin nung panahon ni PGMA at mga personal na karansan nung panahon na kumikilos pa kami nung kabataan. Nagtanong uli kami, hindi ba kayo natatakot na bumalik kahit alam niyo na magiging mapanganib kung kayo ay babalik? Ang sabi nalang nung isa ay ”We only live once! I am leaving it all to up above” .

Nagkakuwentuhan pa kami at nagpaalam na. Kaunting words of encouragement, at nauna na sila. At habang nagkakuwentuhan kami ni Egay, kinilabutan, namangha at biglang bumuhos ang awa ko sa kanila sa repleksyon ni Egay. Sila ay MAMATAY. Ang pagpunta nila dito sa Pilipinas at pagbalik sa bansa nila ay isang act of sacrifice. Sila ay nagiiwan nalang ng mga “footprints in the sand” na kung saan, kung may mangyari man sa kanila, ay nabahagi nila sa amin nag kanilang pakikibaka at makatulong kami sa kanilang pakikibaka sa kanilang bansa. Halimbawa ay si Ninoy. Alam naman niya na mamamatay siya, pero mas pinili niyang bumalik upang makiisa ang ibang bansa sa pakikibaka ng Pilipinas na makalaya sa diktador na si Makoy.

Bilang isang kristiyanong naglilingkod sa mga mahihirap at inaapi, sadyang ang pagsunod sa yapak ni Hesukristo ay hindi biro. Kailangang mangingibabaw ang pagmamahal lalo sa sinumpaang tungkulin. Ayon nga sa 1 John 3:16 “… we know love by this, that he laid down his life for us – and we ought to lay down our lives for one another”. Tulad ng dalawang Sri Lankan na nakilala ko at mga kapatid nating nagbuwis ng buhay sa ngalan ng hustisiya, karapatang pantao at pambansang kalayaan, mas pinili nilang ialay ang kanilang buhay para sa ibang tao, tulad ng ginawa ni Hesus.

Babalik tayo sa tanong kanina. Hanggang saan ang hangganan sa pagsisilbi lalo sa mga kapatid na kapus-palad at biktima ng kawalan ng katarungan sa ating lipunan? Hanggan saan? Ayon sa karanasan ng mga human rights defenders na nauna na… HANGGANG KAMATAYAN.

[Blogger] Teroristang walang kamalaymalay – KAMPAY!

Personal photo. olegs87.wordpress.com

Personal photo. olegs87.wordpress.com

by Rapha-el “Olegs” Olegario
KAMPAY!
URL: http://olegs87.wordpress.com/

Ako ay isang bininyagang kristiyano-katoliko at hindi ko ikinahihiya iyon. Naniniwala ako na ang simbahang katoliko ay nakapagbigay ng pinakamahusay na dahilan ng existensya ng isang “supreme being” o “God” na tinatawag, salamat kay Sto. Tomas Aquino at ang likha niyang Summa Theologica. At dahil din dito, sa pamamagitan ng mga Encyclicals na inilabas ng simbahang ito, mas binigyang linaw nito ang kaniyang tindig lalo sa isyu ng kahirapan at pangaapi na ito ay dapat sugpuin salamat sa Vatican II at iba’t ibang liberation theologians mula Latin America atbp.

Ngayon sa panahon na ito, pinagdedebatihan ang isyu ng RH Bill. Matagal na itong tinutulak sa kongreso pagka’t ayon na rin sa talaan, maraming ina ang namamatay dahil sa komplikasyon sa panganganak at upang magkaroon ang pamahalaan ng batayan upang sugpuin ito, ay sa pamamagitan ng batas. At ang tingin ng mga mambabatas dito na ang RH Bill ang solusyon dito. Tumutol ang simbahang katolika dito pagka’t, sa pagkakaunawa ko, mas iigting daw ang pagbebenta o pamimigay ng mga ”condom” at mga gamot na pampalaglag pagka’t kinikitil nito ang buhay na magbunga at/o kumikitil ng buhay sa sinapupunan. Nauunawaan ko ang simbahan, bagkus tama rin naman pagka’t buhay din ang nakasalalay, ’di nga lang buong buo sa pisikal na aspeto. Bilang isang ordinaryong mamamayan at naniniwala sa pananampalatayang katolisismo, ginagalang ko yan.

Hindi ako pupunta sa argumento ng Pro- o Anti- at hindi ako eksperto dun. Ngunit hanggang saan ang linya na kung saan ipaglalaban ng simabahan ang kanyang paninindigan? Kamakailan lang naglabas ng isang napaka-irisponsableng kataga ang VP ng CBCP na si Arch. Palma na tawaging “TERORISTA” ang mga nagtutulak ng RH Bill sa kadahilangang pumapayag tayong mamatay ang mga ‘di pa pinapanganak. TERORISTA? Ang pagkakaalam ko, ang terorista ay yung mga nangha-hijack ng eroplano at ibabangga sa building! O yung mga nangingidnap at namumugot ng ulo para sa pera sa harap ng kamera! O yung mga nagpapasabog ng bomba o yung naglalabas ng poison gas sa pampublikong lugar. O yung walang habas na pamamaril sa gitna ng mataong lugar! Yan ang alam kong gawain ng TERORISTA.

‘Di ko akalaing hahantong sa ganito! Dati kasama pa nga ang simbahan dahil ang mga Human Rights Defenders (HRDs) ay tinaguriang terorista ng estado at tinuring ding defenders ng HRD’s ang simbahan . Umabot sa puntong naglabas ng Human Security Act na kung saan halos lahat ng pag-exercise ng civil rights natin ay tinaguriang ”terorist” acts eh, at ang simbahan ay kaisan natin upang labanan ito. Ngayon, ang mga human rights defenders ay tinutulak ang RH Bill na maisabatas. Ang simbahan, tinaguriang terorista ang mga nagsusulong nito. Ang lungkot! Ang salalayan ng aking moralidad at pananampalataya ay tinatawag akong terorista pagka’t ako’y isang human rights defender at kinikilala ko ang reproductive rights.

Father forgive me for I have sinned. I confess of being a TERRORIST for advocating HUMAN RIGHTS.

[Blogger] Pasko ng pagkabuhay… Alay sa mga nag-alay ng buhay – KAMPAY

by Rapha-el Olegario (KAMPAY)

olegs87.wordpress.com

Kadalasan tuwing semana santa, sinasariwa natin ang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Tinuring natin siyang napaka-“selfless” pagka’t inialay niya ang kanyang buhay para iangat ang buhay at dignidad lalo ng mahihirap at iligtas tayo mula sa “apoy ng impyerno” o “perdition”. Ano ba yung “apoy ng impiyerno” at “perdition” na tinatawag? Kung ihahalintulad natin iyon sa panahon ngayon, maaari ring sabihin na ang mga ito ay ang laganap na kahirapan at pangaapi na nararanasan lalo ng mga kapatid nating mardyinalisa. At ang buhay at kamatayan ni Hesukristo ay simbolo ng mga simpleng mamamayan at/o mga “Human Rights Defenders” na tinatawag na inapi ng estado at nagalay ng buhay sa pagsisilbi sa mga inaapi. Si Hesukristo nung panahon niya ay isang halimbawa ng isang HRD. Mas pinili niya na makiisa (hindi lang makisama) sa mga taong kinalimutan at inaabuso ng mga nasa kapangyarihan. Nag-organisa, nangaral siya at isiniwalat niya ang kabulukan ng sistema ng kanilang gobyerno at pati ng kanilang “simbahan”. At dahil dun, tinuring siyang kaaway! Siya ay tinugis, pinagtaksilan, pinahirapan at pinatay.

Patuloy siyang nabubuhay sa puso ng marami at marami din ang sumasabuhay sa kaniya na patuloy na nagsisilbi sa mamamayan lalo sa mga kapus-palad. Kahit na patuloy na nakakaranas ng panggapi, pangungutya, pagpapahirap at pagpatay ang mga HRD’s natin, sa kabila ng lahat, pinakita sa atin na kaya nating pagtagumpayan ang lahat ng iyan! Ayon kay Prof. Gerry Lanuza “Ipinakita sa atin ni Hesus na ang kamatayan, pang-aapi, at kahirapan ay kaya nating lagpasan at pagtagumpayan! Binigyan nya (Hesukristo) tayo ng panibagong bukas upang sa mas lalong matinding pakikibaka at pagsisilbi sa bayan na puspos ng pag-asa at pagmamahal!”

Nawa’y sa Pasko ng Pagkabuhay ay ipagpaptuloy natin, at bagkus, mas umigting pa ang pagsisilbi natin sa ating mga kapatid hanggang makamit natin ang lipunang walang nangaapi at isang kinabukasan na siksik, liglig at umaapaw ang grasya.