[Blog] Sino ang tunay na baboy? By Jose Mario De Vega

Sino ang tunay na baboy?
By Jose Mario De Vega
Ang akda ito ay reaksyon sa panulat ni Ambet Nabus na may titulong: “Joey Ayala ‘Binaboy’ ang ‘Lupang Hinirang’, kailangang parusahan”. Lumabas ang nasabing artikulo sa pahayagang Bandera noong ika-25 ng Nobyembre.
Narito ang unang bahagi ng pahayag ng may-akda:
“BIGLANG gumuho ang paghanga ko kay Joey Ayala nang dahil sa tila kakapusan nito ng pang-unawa sa tunay na diwa at kahulugan ng ating Pambansang Awit na “Lupang Hinirang”.”
Komentaryo:
Inaakusahan ni Nabus si Ayala ng “kakapusan nito ng pang-unawa sa tunay na diwa at kahulugan” ng ating Pambansang Awit at dahil dito ay “gumuho ang paghanga” niya sa mang-aawit.
Ang tanong: ano ang ginawa ni Ayala na nagpakita ng kanyang “kakapusan ng pang-unawa sa tunay na diwa at kahulugan” ng ating Pambansang Awit?
Ang pagmumungkahi ba ng alternatibong paraan o malikhaing pamamaraan ng pag-awit ng ating Pambansang Awit at pagsasaayos ng ilan sa mga titik nito ay pagpapakita ba ng kakapusan ng pang-unawa sa kahulugan nito?
Hindi ba, ito sa katunayan ay pagpapakita ng malalim at masusing pagmamatyag, pagtingin at pag-aaral ng mang-aawit sa kabuuan ng ating Pambansang Awit?
Narito ang sumunod na pahayag ni Nabus:
“Kalat na kalat na kasi ngayon sa social media ang bersyon niya ng ating National Anthem na ayon pa sa kanya ay mas napapanahon at bagay sa bagong henerasyon.
“Hindi na namin tinapos pakinggan ang kanyang awitin na talagang naiba ang tempo kaya hindi na namin napakinggan ang isa sa mga issue sa social media – ito ngang pagpapalit ng lyrics sa ilang stanza ng kanya, lalo na yung linyang “…ang mamatay ng dahil sa ‘yo.””
Komentaryo:
Ang kanyang layunin ay gamitin ang awit bilang haligi ng sining at tingnan kung papaano itong magagamit na kasangkapan upang tumulong sa tao na damhin ang kanilang mga karanasan at pagkatao sa isang pamamaraang kakaiba; gayundin layunin niya na sa pamamagitan ng pagkakakatuparan ng hangaring ito na pukawin ang kamalayan ng ating mga kababayan na talikuran na o itakwil ang ating mga nakagawian o kinapamihasnang paniniwala na wala ng saysay o hindi na makabuluhan sa ating panahon.
Eto ang tinuran ni Joey Ayala na dahilan niya kung bakit niya ginawa ang kanyang ginawa:
“How songs can help people experience themselves in a different way, or catch themselves in habits that are no longer productive.”
Ayon pa kay Nabus, hindi na nila “tinapos pakinggan ang kanyang awitin na talagang naiba ang tempo kaya hindi na namin napakinggan ang isa sa mga issue sa social media – ito ngang pagpapalit ng lyrics sa ilang stanza ng kanya, lalo na yung linyang “…ang mamatay ng dahil sa ‘yo.””
Komentaryo:
Kung hindi na nila tinapos pakinggan ang rendisyon ng awit ni Ayala, paano nila nalaman ang pagpapalit ng liriko ng awit?
Sinabi pa ni Nabus na:
“Ayon pa kay Joey Ayala, mayroon diumanong “grave psychological damage” na epekto ang naturang linya sa ating kamalayan kaya raw kapag guma-graduate na ang mga Pinoy sa pag-aaral ay gustong makapag-abroad agad.”
Komentaryo:
Kaya bang pasubalian ng ‘manunulat’ na ito ang pahayag ni Ayala na mayroong “grave psychological damage” na epekto ang Pambansang Awit?
Ang pagmamahal ba sa bayan ay nangangahulugan lamang ng pagpapakamatay para rito?
Hindi ba’t ang pagsasabuhay ng isang buhay na produktibo at makabuluhan para sa taong-bayan ay pagpapakita din ng pagmamahal para sa bayan?
Sumasang-ayon ako kay Ayala na positibo at mas mabuting gamitin ang salitang “ang magmahal ng dahil sa’yo” keysa sa “ang mamatay ng dahil sa’yo”.
Idinugtong pa ni Nabus na:
“Aniya, “Kasi ang implicit belief is kapag dito ka, tepok ka, killed ka.” Nakakabaliw ang mahusay pa namang singer na akala namin ay nauunawaan ang kasaysayan ng “nasyonalismo” ng ating “Lupang Hinirang”.
“At ang hindi namin mapapatawad ay ang kakapusan nito ng kaalaman sa ating mga wika dahil ultimo yung ilang linya gaya ng, “…may dilag ang tula at awit sa paglayang minamahal…,” ay pinuna pa niya.
““Ulam ba yun?” tanong niya sa salitang “dilag” (binibigkas nang mabilis) na ang tunay na ibig sabihin ay lakambini, mutya, babaeng inspirasyon, o ang mas malalim na inang bayan.
“Gawin bang “dalag” ang salita na ulam lang ang peg? Nakakawalang-respeto di ba? Hindi namin alam kung ano ang pumasok sa isip ng singer na ito at pati ang nananahimik na “Lupang Hinirang” ay pinakialaman niya.”
Komentaryo:
Inaakusahan ng ‘manunulat’ na ito si Ayala ng kawalan ng pang-unawa sa “nasyonalismo”, ang problema, hindi naman niya ipinaliwanag kung ano ba ang pagkakaunawa o depinisyon niya ng “nasyonalismo”?
Inaakusahan din ng ‘manunulat’ na ito ang mang-aawit ng “kakapusan” nito ng kaalaman sa ating wika.
Si Ayala ay nagboluntaryo ng buong tapang na ipahayag sa madla, sa kanyang paningin ang ilang mga maling salita o di tamang pagbigkas ng ilang mga salita sa ating Pambansang Awit; ang tanong: sino sa dalawang taong ito ang kapos sa kaalaman sa wika?
Sinabi pa ni Nabus na hindi nila mapapatawad si Ayala at wala na silang respeto dito dahil diumano sa ginawang pagpuna ng huli sa mga maling salita sa Pambansang Awit.
Ibig kong itanong kina Nabus at sampu ng kanyang mga kampon: sino ba kayo na kung makapagsalita kayo ay parang monopoly ninyo ang lahat ng nasyonalismo sa bayang ito?
Sino ba kayo na kung makapagsalita kayo ay tila ba kayo ay mga dalubhasa’t pantas sa sining, kultura at wikang-Pilipino?
Sino ba kayo na kung makapagsalita kayo ay masahol pa kay Padre Damaso?
Ano ang karapatan ninyo upang huwag magpatawad? Ano ba ang kasalanang nagawa ng mang-aawit at ano ang pinsalang inyong natamo?
Wala na kayong respeto? Eh, ano ngayon? Wala naman kayong mga modo!
Ano ang alam ninyo hinggil sa sining, musika, kultura at wikang-Pilipino?
Ano ang nagawa o nagging ambag ninyo upang palakasin, paunlarin, palaguin at payabungin ang sining, musika, kultura at wikang-Pilipino?
Panghuli, tinuran din at hangarin ng ‘manunulat’ na ito na:
“May gawin sana ang mga ahensya ng gobyerno na nagpapanatili ng mga kinagisnan nating kultura at kasaysayan dahil kung madadagdagan ang mga kagaya ni Joey Ayala sa ating bansa, naku po, ano na nga lang klaseng “kasaysayan” ang maipapamana natin sa mga susunod na henerasyon?
“Hay, sa tagal naming hinangaan si Joey Ayala at ang kanyang musika, sa ganito lang pala niya kami madi-dis-appoint! Sayang!”
Komentaryo:
Sa aking paningin, kung may gagawin mang hakbang ang kinauukulang ahensya ng gobyerno, ito ay ang marapat na pagkukunsidera nila ng mga panukala at suhestiyon na ipinahayag ni Joey Ayala.
Nangangamba ang ‘manunulat’ kung anong uri ng kasaysayan ang maipapamana natin sa ating susunod na henerasyon; ibig kong itanong sa nilalang na ito (sampu ng kanyang mga kasama): ito ba ang ang mga maling salita at di tamang pagbigkas ng mga salita sa ating Pambansang Awit?
Iyon ba ang ibig nilang ipamana sa ating mga susunod na salinlahi?
Nagsasalita sila ng tungkol sa kultura, ang tanong: ano ba ang pananaw o pagkakaunawa nila sa salitang ito?
Para sa kaalaman at kabatiran ng mga nilalang na ito, ang kultura ay hindi tulad ng isang baradong kanal na nakatigil at hindi gumagalaw. Dengue at malaria ang ibubunga nito!
Ang kultura, tulad din ng iba pang kaluluwa’t elemento ng isang bansa o lipunan ay nagbabago kasabay ng pagbabago ng panahon.
Ito ay tulad ng isang malinis na ilog na patuloy na dumadaloy at umaagos kasabay ng pagdaloy ng panahon; kaakibat ng kasaysayan.
Ngunit ibig ko ding idagdag at diinan na habang patuloy na nagbabago ang panahon at ang mga bagay-bagay kasabay nito. Mayroon ding mga bagay at kaugalian at paniniwalang nananatili, na patuloy mang nagbabago ang panahon; buhay pa din ang kahapon — hanggang ngayon…
Kay Nabus at sampu ng kanyang mga kauri at kapanalig: walang babuyang naganap o nangyari. Ang tunay na baboy ay yaong mga nilalang na sarado ang pag-iisip, yaong mga hungkag ang kamalayan, yaong panot ang isipan, yaong bulag sa katotohanan, yaong mga hindi marunong umunawa ng malalim na pahayag o manipestasyon ng sining, yaong mga nilalang na nagdudunung-dunungan (na wala namang alam), yaong mga nilalang na nagmamagaling (na mga mangmang naman) at yaong mga kulang ang mga kaluluwa, mga hangal, dayukdok at mga linsil na pamumuna.
Hindi mapapasubalian o maitatatwa ang katotohanan na isa kayo sa mga nilalang na mga yaon!
Kaawaan nawa kayo ng kasaysayan!
Jose Mario Dolor De Vega
Propesor ng Pilosopiya
Kolehiyo ng Sining at Literatura
Poleteknikong Unibersidad ng Pilipinas
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.