Tag Archives: Olegs

[Blogger] Pasko ng pagkabuhay… Alay sa mga nag-alay ng buhay – KAMPAY

by Rapha-el Olegario (KAMPAY)

olegs87.wordpress.com

Kadalasan tuwing semana santa, sinasariwa natin ang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Tinuring natin siyang napaka-“selfless” pagka’t inialay niya ang kanyang buhay para iangat ang buhay at dignidad lalo ng mahihirap at iligtas tayo mula sa “apoy ng impyerno” o “perdition”. Ano ba yung “apoy ng impiyerno” at “perdition” na tinatawag? Kung ihahalintulad natin iyon sa panahon ngayon, maaari ring sabihin na ang mga ito ay ang laganap na kahirapan at pangaapi na nararanasan lalo ng mga kapatid nating mardyinalisa. At ang buhay at kamatayan ni Hesukristo ay simbolo ng mga simpleng mamamayan at/o mga “Human Rights Defenders” na tinatawag na inapi ng estado at nagalay ng buhay sa pagsisilbi sa mga inaapi. Si Hesukristo nung panahon niya ay isang halimbawa ng isang HRD. Mas pinili niya na makiisa (hindi lang makisama) sa mga taong kinalimutan at inaabuso ng mga nasa kapangyarihan. Nag-organisa, nangaral siya at isiniwalat niya ang kabulukan ng sistema ng kanilang gobyerno at pati ng kanilang “simbahan”. At dahil dun, tinuring siyang kaaway! Siya ay tinugis, pinagtaksilan, pinahirapan at pinatay.

Patuloy siyang nabubuhay sa puso ng marami at marami din ang sumasabuhay sa kaniya na patuloy na nagsisilbi sa mamamayan lalo sa mga kapus-palad. Kahit na patuloy na nakakaranas ng panggapi, pangungutya, pagpapahirap at pagpatay ang mga HRD’s natin, sa kabila ng lahat, pinakita sa atin na kaya nating pagtagumpayan ang lahat ng iyan! Ayon kay Prof. Gerry Lanuza “Ipinakita sa atin ni Hesus na ang kamatayan, pang-aapi, at kahirapan ay kaya nating lagpasan at pagtagumpayan! Binigyan nya (Hesukristo) tayo ng panibagong bukas upang sa mas lalong matinding pakikibaka at pagsisilbi sa bayan na puspos ng pag-asa at pagmamahal!”

Nawa’y sa Pasko ng Pagkabuhay ay ipagpaptuloy natin, at bagkus, mas umigting pa ang pagsisilbi natin sa ating mga kapatid hanggang makamit natin ang lipunang walang nangaapi at isang kinabukasan na siksik, liglig at umaapaw ang grasya.