
Balitang Mokong
MOKONG: Magandang pagbabalita po sa inyong lahat. Ito po ang inyong tagapagbalita Mokong para sa mga Bumabandilang balita bente kwatro oras sa araw na ito.
MOKANG: kasama po ang inyong tagapagbalitang Mokang at ang ligang saksi ng mga balitang hindi totoo.
MOKONG: Para po sa mga ulo ng balita, “JINKY PAQUIAO DATING NAGPI-PILLS AT DATI RING SANG-AYON SA DIVORCE.”
Noon yon nang hindi pa mayaman si Pacman.
MOKANG: “SIKAT NA AWITING BAHAY KUBO, PAPALITAN NA NG BAHAY KUBOL.”
Bahay kubol kahit munti ang VIP doon ay sari-sari.
MOKONG: “PAMUNUAN NG AFP at PNP NAG-FUN RUN PARA SA KARAPATANG PANTAO.”
Mamamayan ng Central Luzon nag-scare run dahil sa harassment ng Militar doon
MOKANG: “P-NOY NASORPRESA DAHIL SA NAUDLOT NA SURPRISE VISIT NIYA SA NBP.”
Iaanounce na lang daw kung kelan ang re-set.
MOKONG: Para po sa detalye ng mga balita…
To divorce or not to divorce?
Ayon sa survey ng Social Weather Stations nitong Marso sa kamaynilaan, kalahati sa mga Pilipinong tinanong ay payag na ang hindi na nagkakasundong mag-asawa ay mag-divorce upang makahanap ng panibagong mapapangasawa. Ikatlong bahagi nito ang tumutol at ang natitira ay hindi makapagdesisyon.
Kung ikukumpara daw ito sa resulta ng survey na ginanap noong nakaraang anim na taon, na kung saan ay 43% lamang ang pumapayag at 44% ang hindi sang-ayon ay nangangahulugang dumadami at pumipihit ang bilang ng mga Pilipinong hindi na masaya sa pagkakatali sa kasal.
Ang kalahating sumasang-ayon sa Divorce ay napag-alamang mga Pilipinong ang asawa ay babaero, ‘di kaya ay lalakero. Natanong din ang mga may asawang babaerong lalakero.
Ang ilan pa nga ayon sa istatistika ay mga bata pa nang magpakasal kaya naman napilitan lang dahil nakabuntis, ‘di kaya ay nabuntis at ang ilan naman ay hindi makabuntis-buntis o kaya ay mabuntis.
Mayroon ding namang nanakit ang napangasawa o ‘di kaya’y palaging nagkakasakit.
Ang ilan pa sa mga respondents na ito ay pawang mga kalalakihan at kanilang mga kabit.
Ang mga natanong naman na hindi sumasang-ayon sa divorce ay pawang mga hindi pa nakaranas magpakasal, o yung nangangarap pang makasal.
Ang ilan pa nga daw sa mga ito ay mga relihiyoso o sagrado katoliko at ang ilan sa mga respondents ay pari at Obispo.
Nahati naman ang opinyon ng mga wedding coordinators. Ang ilan sa mga respondents na wedding coordinator ay payag daw dahil makakarami sila ng kikitain dahil sa mga magpapakasal ng ilang beses sa iba’t-ibang tao. Ang iba naman ay walang pakialam dahil ang mahalaga sa kanila ay may nagpakasal at kung anuman ang mangyari matapos ang kasal ang mahalaga ay kumita na sila.
Hindi naman makapagdesisyon ang ilan sa mga natanong dahil ikukunsulta pa daw nila sa kanilang mga magulang, sa kanilang espiritista at sa kanilang mga political adviser.
Hindi din makapagdesisyon ang mga wedding singers at caterers dahil sa anumang mangyari ay parehas silang magkakaraket.
Payag naman ang mga paper mill company dahil hindi naman sila maaapektuhan sa panukalang ito at tutol naman ang mga environmentalist dahil nasasayang lamang ang mga papel na nagmula sa puno na ginagamit sa mga pinipirmahang dokumento.
Ang mga dati namang hindi payag sa divorce na nagbago ng isip, napag-alamang sila daw nakapanood ng interview ni Cong. Manny Paquiao.
Panoorin po natin ang isa sa mga naganap na interview.
SWS: Nagsusurvey po kami hinggil sa Divorce.
Mokang: Tinatanong ko te?
SWS: Pwede ho ba kayong matanong?
Mokang: Nagtatanong ka na nga e. May magagawa pa ba ako?
SWS: Survey lang po ito, survey po.
Mokang: Paulit-ulit. Unli ka te?
SWS: Kayo naman masyado kayong masungit. Wala bang ibang pwede?
Mokang: Choosy ka te?
SWS: Papa-interview ba kayo o hindi?
Mokang: Ay pikon ka na te?
SWS: Hmp! Sungit makaalis na nga!
Mokang: ay Walk out. Best actress ka te?
Cong. GMA kinasuhan ng UCCP
Kinasuhan ng UCCP si Pampanga Representative GMA sa kasong pagpatay sa mga kasapi nila noong ito pa ang presidente ng Bansa.
Napag-alamang binale-wala lamang ito ng dating pangulo dahil hindi rin naman daw ito kayang patunayan at maiuugnay sa kanya.
“Malinis akong trumabaho este malinis ang aking pagkatao. Atake lamang ito ng mga kalaban ko. Kaya hindi sila magtatagumpay no.” ayon pa sa kanya.
Ayon sa ating impormante, tama si GMA na mali-mali ang kanyang mga kalaban sa kanilang bintang. Ang “Hello Garci scandal” nga daw ay classic example ng maling paratang. Dahil hindi si Garci ng Comelec ang kanyang tinatawagan kundi si Garcy ng Ombudsman (Garcia Mercy).
Paano daw magpapasimuno si GMA ng pagpatay gayong sagrado siyang relihiyoso at makadiyos. Kay hindi naman daw kayang paniwalaan na UCCP member pa ang kanyang ipinapatay.
“Sadya lang talagang matigas ang aking dating. Inaamin kong maiinitin ang aking ulo, madalas akong nagsusungit noon pero hindi ko kayang pumatay.” Ayon pa sa dating pangulo.
Nang tinanong natin kung ano ang kanyang mensahe sa mga nagdedemanda sa kanya ngayon, ito ang kanyang masasabi, “I will not run to the next election. I am sorry. If you insist, I will send you Palaparan and dare ask him.”
Ang ating impormante na itago natin sa pangalang Kwidaw ay isang tsismis columnist sa isang hindi sikat na magazine. Nasasagap kasi niya ang mga impormasyon at balita dahil sideline niya ang pagiging kongresista.
Paggiba ng mga Kubol sa mga bilangguan at surprised visits ni P-Noy sa NBP
Sa gitna ng tumitinding kampanya ng DOJ laban sa VIP treatment sa loob ng NBP, napag-alamang hati ngayon ang opinyon ng mga mamamayang Pilipino.
Ang sabi ng mga hindi sumasang-ayon sa patakarang ito, si DOJ Secretary De Lima daw ay Kill Joy. Hindi daw kasi nito alam kung paano talaga ang kalagayan sa loob ng mga bilangguan.
Ayon sa mga mahihirap na preso, ang mga kubol na ito na tanging mayroon na lamang sila ay tinatanggal pa. “Ok naman ang anumang reporma o pagsasaayos ng mga kulungan, pero pati ba naman ang mga kubol namin ay idamay pa.”
“Kasalanan kasi ito ng mga katulad ni Leviste, ang VIP treatment ay natatanggap lamang ng mga may perang katulad niya, ang mga kubol ba naman namin ay VIP treatment na matatawag?” dag-dag pa ng mahihirap na preso.
Ayon sa ating impormante, ang lihim na nagsumbong daw sa DOJ ay yaong mga presong walang dalaw. “Inggit ang nagtulak sa kanila para i-tip ang mga kubol. Nahihirapan din kasi sila kapag may kubol dahil hindi sila makaboso kapag may dalaw ang mga may-ari ng kubol.”
Ayon din sa ating impormante, sang-ayon din daw ang mga pamunuan ng bilibid sa panukalang maglagay ng mas maayos at sentralisadong lugar o silid para sa mga sinasabing dalaw. “kailangan kasi nilang sumang-ayon kung hindi ay mahahalatang pabaya sila.” Dag-dag pa niya.
Binigla naman ang publiko ng mapabalita ang tangkang “surprised visit” ni P-Noy sa NBP. Na naudlot din naman dahil sa pagkabuko nito nang buong pwersang dumagsa ang advance party o mga security ni P-Noy nang araw na ‘yon.
“Nasorpresa talaga kami.” Wika ng isa sa mga nakapanayam nating itatago natin sa pangalang Mokong, “Nasorpresa kaming sorpresa pala ang lagay na yon. Nasorprea rin kaming hindi nila iniisip kung paano gagawing “surprise” ang visit nila gayong obvious dahil sa advance party.”
Ayon naman sa isang impormante, tagumpay daw ang “surprised visit” na naudlot dahil layunin lang talaga nitong surpresahin ang NBP na ang “surprised visit” ay hindi pala talaga kasurpresurpresa.
Ayon pa sa ating impormante, wala na daw makikitang kubol ngayon ng mga VIP sa loob dahil lihim na pala silang nakagawa ng mga underground suites. Inaasahang kahit anong ‘surprised visit’ ay mapaghahandaan na nila sa loob.
“Leave our privacy alone.” Wika pa ni Mokong
Sadyang itinago natin ang pagkatao ng ating impormante upang maproteksiyunan ang kanyang kalagayan. (Clue) Ang mokong ay dating opisyal ng isang institusyon na sinasabing naghihiganti sa napalang pagpapatalsik.
Harassment sa Bulacan
Isang grupo ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa erya ng Bulakan ang nakakaranas ngayon ng pananakot mula sa mga militar.
Ayon sa sumbong, nag-iikot-ikot daw ang mga kasapi ng militar sa pamumuno ng isang Sgt. Mendoza sa kanilang barangay. Ayon pa sa kanila, ang tropa daw ni Sgt. Mendoza ay nagsasagawa ng ‘Census’ habang nagpapanggap na taga National Statistics Office. Kung minsan naman daw ay nag-susurvey ito at napapanggap na taga ‘SWS’.
Ayon sa ating panayam sa mga nagrereklamo, sila daw ay hindi malilinlang ng tropa ni Sgt. Mendoza dahil obvious na hindi sila taga ‘Census’ o “SWS” dahil palagi raw itong nag-iinterview ng nakauniporme ng Militar at armado pa.
Ngunit ang mas nakapanghihilakbot, nang tinanong natin ang pamunuan ng AFP hinggil dito ay wala daw silang Sgt. Mendoza na kilala at hindi nila ipinag-uutos ang nasabing ‘Census’ o ‘survey’.
Kaya lalo lamang naging nakapangingilabot ang katotohan na maaring mga multo ang tropa ni Sgt. Mendoza.
Nang tanungin natin ang mga residenteng nakausap ng nasabing tropa ni Sgt. Mendoza kung ano ang itinatanong sa kanila, napag-alaman nating itinatanong ng mga ito kung sila ba ay kapuso o kapamilya. Pinagbabantaan daw nito ang mga kapatid at kasama.
Itinatanong din daw kung ano daw ang kanilang favorite color, na sumisimangot kapag ang sagot nila ay kulay pula. Ano daw ang mga hobbies at clubs na kinabibilangan. At hinihingan pa sila ng list of friends sa facebook. Natatapos daw ang pagtatanong hinggil sa kanilang motto in life.
MOKANG: Dito po pansamantalang nagtatapos ang mga bumabandilang balita bente kwatro oras. Salamat sa inyong pambuburaot.
MOKONG: hanggang sa muli po ito ang inyong Mokong na lingkod,
MOKANG: At inyong darling mokang,
MOKONG: Kasama ng mga ligang saksi ng mga balitang hindi totoo, na nagsasabing “Mokongs and Mokangs of the world unite, we hav nothing to loose coz we hav nothing at all.”
Like this:
Like Loading...