[Statement] Itaguyod ang karapatang pantao, sugpuin ang sapilitang pagwala! -FIND

PAHAYAG International Week of the Disappeared (IWD) May 27-31, 2013 ITAGUYOD ANG KARAPATANG PANTAO, SUGPUIN ANG SAPILITANG PAGWALA!
Nakikiisa ang FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance), mga pamilya, kaanak at mga biktima ng sapilitang pagwala sa buong mundo sa paggunita ng International Week of the Disappeared (IWD) mula Mayo 27 – 31, 2013. Ang taunang pag-alala na ito ay una nang sinimulan sa Latin America.
Ang paggunita na ito ay isang pagbibigay pugay sa mga naging biktima ng sapilitang pagwala, na kung tawagin ay enforced or involuntary disappearance. Ang enforced or involuntary disappearance ay isang karumal-dumal na paglabag ng karapatang pantao na isinasagawa upang patahimikin ang mga indibidwal na malayang nagsasalita at kumikilos para sa pagbabago ng lipunan.
Nagiging makabuluhan ang paggunita ng IWD dahil sa isang kasunduang internasyunal sa loob ng United Nations (UN) na nagbabawal ng sapilitang pagwala at pagkilala nito na walang sinumang tao, sa kahit anumang sitwasyon ay maaring dukutin at sapilitang iwala. Sa kasalukuyan ay mayroon nang 38 na mga kaanib-bansa na pumirma at sumang-ayon sa kasunduang ito, ang International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (ICPAPED). Kapansin-pansin na ang bansang Pilipinas ay hindi kabilang sa mga bansang ito.
Hindi maikaila na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang mayroong mahabang talaan ng mga biktima ng sapilitang pagwala. Ang kalakhan ng bilang nito ay idinulot ng mapaniil na diktaduryang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ang kabuuang bilang ayon, sa dokumento ng FIND, ay umabot ng 878 na hanggang sa ngayon ay mayroon pa ring 613 na hindi matagpuan. Ang gawaing sapilitang pagwala ay nagpatuloy sa pagpalit-palit ng mga administrasyong sumunod. Sa katunayan, sa mahigit tatlong taong panunungkulan ni Pangulong Simeon Benigno C. Aquino III, ay mayroon nang 22 ka-taong dinukot at iniulat na sapilitang iwinala ng mga hinihilalang tauhan ng gubyerno o ahente ng estado.
Sa kabila nito, nagkaroon ng liwanag at pag-asa ang adhikain ng FIND na itaguyod ang karapatang pantao ng mamamayan at wakasan ang enforced disappearances nang lagdaan ng Presidente ang “Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012” noong Disyembre 21, 2012. Ngayon, maaari nang matulungan at makinabang ang mga biktima ng sapiltang pagwala sa pamamagitan ng programang rehabilitasyon, kumpensasyon at restitusyon, samantalang ang mga mapapatunayang may kagagawan ng krimeng enforced disappearance ay maaari nang sampahan ng kaso at managot sa ilalim ng batas, RA 10353.
Hindi nalalayo ang mga probisyon ng RA 10353 sa International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (ICPAPED) kaya ang panawagan ng FIND sa pamahalaang Aquino ay isunod na, sa lalong madaling panahon, ang paglagda sa international convention. Ito ay isang kongkretong hakbang upang tuluyang puksain ang sapiltang pagwala sa bansa. hinihikayat din ng FIND, sa pakikipagtulungan sa mga municipal at city councils, ang paghain ng mga lokal na resolusyon na magdedeklara ng kanilang mga lugar na isang “Enforced Disappearance Free Area” bilang pagkilala at tugon sa batas, RA 10353.
Ang FIND ay tuluyang naninindigan at kikilos upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng sapilitang pagwala at mawakasan ang pagsasagawa nito. Samahan n’yo kami sa pagwawakas ng karumaldumal na gawaing ito at nang manaig ang pagrespeto sa karapatang pantao ng buong mamamayang Pilipino.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.