[People] ๐ข๐ ๐ ๐ฌ ๐๐ข๐! | by Wilson Fortaleza

#HumanRights #Corruption #COA
๐ข๐ ๐ ๐ฌ ๐๐ข๐!

Bidang ahensya ngayon ang Commission on Audit (COA). Sikat na sikat. Sunod-sunod kasing naglabasan ang audit reports nito para sa taong 2020 at bumulaga sa mata ng publiko ang mga sabit ng maraming ahensyang nababanggit.
Pero bakit nga ba naging bidang bigla ang COA ngayon? Wala namang malalim na paliwanag. Katulad lang ito ng pelikula na ang kinang ng bida ay nakasalalay sa papel ng kontrabida. Ni wala ngang sikat na bida sa tanggapan ng COA.
Dahil wala namang bago sa ginagawa ng COA. Regular lang naman itong naglalabas ng kanyang annual report. At kung hindi man supplied ang media, nakapaskil at accessible din sa publiko ang audit reports nito na makikita sa kanyang website. Ibig sabihin, kahit na manahimik ang ahensya ay nariyan lang din naman ang mga ulat ng COA na maaring makuha ng mamamahayag o ninuman.
Kung gayon ay huwag na nating ungkatin kung bakit ginagawa ng COA ang ganitong tungkulin. Maliban na lamang kung may magpapanukala na buwagin na rin ito katulad ng binalak ng Pangulong Duterte sa Commission on Human Rights (CHR). Na mukhang wala naman dahil sa COA, pondo ng bayan ang pinag-uusapan samantalang sa CHR ay karapatang pantao lamang na madaling talikuran ng mga tiranikong lider.
So, whatโs the fuzz, ika nga. Wala namang kamangha-manghang bagay na nangyayari sa COA. Hindi naman bago sa kanya ang maglabas ng negatibong pagsusuri sa mga buking na ahensya. Regular niya itong ginagawa at siya pa rin niyang gagawin malamang hanggang sa susunod na 2,000 taon.
Ang malaking meron ngayon, sa aking palagay, ay hindi bagong sistema ng pag-uulat ng COA kundi ang lumawak na interes ng publiko sa mga report ng ahensya. At sa pananaw ko, lalawak pa ang interes na ito sa panahong hinuhusgahan na ng malalim ng publiko ang kasalakuyang administrasyon at habang papalapit ang susunod na eleksyon.
Alam ng lahat na naging Presidente si Mayor Digong sa pangakong tatapusin ang problema sa droga at korapsyon. Sa katunayan, droga at korapsyon ang dahilan kung bakit sinuportahan ng mga Pinoy ang pulitika ng patayan. Kapit na kapit ito sa memorya ng mamamayan kung kayaโt ito rin ang hinahanapan nila ngayon ng kongkretong resulta.
At sino nga ba ang makakalimot. โJust a whip of corruption, youโre firedโ. Walang makapagnakaw kahit isang libo. Sa masang gutom sa pagbabago ay kay sarap nitong pakinggan. Isang abot-kamay na pangarap noong 2016.
Pangarap na maaring mawasak ng P1 milyong halaga ng napkin na binili sa isang hardware na hindi matagpuan; bilyones na pondong hindi nagamit ng DOH para sa hiring at hazard pay ng mga frontliner; laptop na super mahal; infinity pool sa mga namamahala ng pier; ayudang hindi nakarating sa mga tsuper, scholarship sa mga anak ng rebelde na walang alokasyon; etsetera, etsetera. Sa gitna ng lahat ng ito ay ang COA, ang tanging ahensya na ang tungkulin ay tingnan kung tama ang paggamit ng pondo sa mga dapat nitong pinagkagastusan ayon sa isinasaad ng mga batas.
Mapapansin na sa mga report ng COA ay red flags lamang at walang korapsyon na binabanggit. Dahil hindi ito ang ahensya na naglilitis ng korapsyon kundi ang Ombudsman at Sandiganbayan. Subalit ang mga report ng COA ay maaring gamitin sa anti-graft cases sakaling may magsampa ng mga kaso sa sino mang may kinalaman sa anomalyang natuklasan ng ahensya. Ilang halimbawa ang tungkol sa PDAF at fertilizer scam. At iba pa na karamihan ay hindi high profile.
Kaya sino nga ba ang takot sa sino, tanong ni Pulpolitika? Bakit matatakot sa COA kung hindi ka naman magnanakaw, katulad sa rason na walang dapat ikatakot sa tokhang o terror law kung hindi ka naman adik o terorista.
Ngunit hindi ito ang punto ngayon. Nang sabihin ni Duterte sa mga ahensya na huwag pansinin ang COA, ang banta ay sa ngalan ng buong administrasyon. Ibig sabihin, hindi pagkatakot kundi galit ng buong rehimen ang kaharap ngayon ng COA. At ito ay galit na nagmumula sa mga taong hindi marunong matakot sa ahensya.
Ang kondisyong kinatatayuan ngayon ng COA ang nangangailangan ng malawak na suporta mula sa publiko. Wala itong dapat ikatakot.
Noon pa man ay hindi itinatago ni Duterte ang kanyang pagkamuhi sa COA. Kung bakit ay malamang alam din ng COA ang paliwanag.
Source: facebook.com

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.